Alamat ng Tandang

Si Sidapa na Bathala ng Digmaan ay lagi nang nilalapitan ng mga datu upang mapanatili ang kapayapaan sa kani-kanilang baranggay. Alam ni Sidapa na nasa pakikipagkaibigan ng mga pinuno ang susi upang hindi matuloy ang alinmang digmaan.

Sumisikat pa lang ang araw ay nakapila na ang maraming puno ng baranggay. Si Sidapa ang nagpapayo upang mapanatili ang kapayapaan sa kani-kanilang lugar.

May mga pagkakataong hindi kaagad nakakasangguni ang mga datu. Nagkakalaban ang mga puno. Kapag nangyari ito, nauuwi sa digmaan ang.mga baranggay.

Matutulis na sibat ang karaniwang panlaban ng mga mandirigma. Kapag may nasusugatan o namamatay sa labanan, lubos na nalulungkot si Sidapa.

Kapag napagkakasundo ni Sidapa ang nagkakahidwaang mga raha ay natutuwa Siya. Naliligayahan Siyang nagbibigayan at may respeto sa isa't isa ang bawat datu. Naniniwala si Sidapa na kapag may digmaan ay walang pag-iibigan. Na kapag may pag-iibigan ay walang digmaan. Lagi niyang pangarap na nag-uusap-usap ang lahat at naggagalangan.

Sa dami ng mga mamamayan, datu, at mga baranggay sa bayan-bayan, at sa dami rin ng problema na inihahain kay Sidapa, kailangang may nagpapaalala sa Kanya sa tuwi-tuwina. Kailangan ding may gigising sa Kanya tuwing madaling araw bilang hudyat na may mga datu nang naghahain ng problema.

Isa sa mga sundalo ni Sidapa ang nagprisintang orasan niya. Obligasyon niyang paalalahanan si Sidapa na oras na ng pagkain, o oras nang tapusin ang isang pulong, o oras nang humarap sa ilang bisita, o oras nang magbigay desisyon sa isang problema. Pinakamahirap na gawain ng Sundalong Orasan ang paggising nang napakaaga tuwing madaling araw. Noong unang mga linggo ay laging napakaaga niyang gumising pero kapag napapakuwento siya sa mga kapwa sundalo ay bahagya siyang nahuhuli sa paggising kay Sidapa.

Mapagpasensya ang Bathala niya. Lagi nitong pinagbibigyan ang Sundalong Orasan. Upang ganahan sa trabaho ay dinadagdagan ni Sidapa ang mga insentibo nitong pilak, damit at pagkain para sa pamilya.

Tuwang-tuwa naman ang Sundalong Orasan pero mahina itong manindigan. Sa kaunting aya ng mga kaibigan ay natatangay siya upang uminom ng alak. Hindi lamang isa o dalawang kopita. Kundi maraming alak na nagpapalasing Sú kanya.

Sa pagkalasing ay naibalita pa niya sa ilang kawal ng naglalabang tribo ang mga sikretong pandigmaang di dapat na ipaalam. Galit na galit si Sidapa. Maraming hindi pagkakaunawaan ang naganap dahil hindi Siya ginigising ng Orasang Sundalo sa madaling araw.

Nang matuloy ang isang madugong digmaan ng dalawang malaking baranggay ay ipinatawag ni Sidapa ang Orasang Sundalo.

Lasing na lasing ang Orasang Sundalo nang humarap sa kanyang Bathala.

"Ikaw ang dahilan sa madugong digmaang sana ay naiwasan."

"Pa...patawad po, Bathalang Sidapa."

"Pinagbigyan na kita nang ilang ulit! Marami ang namatay dahil sa iyong kapabayaan. Wala kang utang na loob. Ang mga lihim pandigmaan at pangkapayapaan ay ipinaalam mo sa lahat. Ang obligasyon mong gisingin ako sa madaling araw ay hindi mo pinahalagahan. Bilang parusa, magiging isang hayop kang walang gagawin kundi gisingin ang daigdig tuwing nagmamadaling araw!"

Sa isang kisapmata ang Sundalong Orasan ay lumiit nang lumiit. Nagkabalahibo ito sa buong katawan. Naging pakpak ang mga kamay at nagkatahid ang mga paa. Sa halip na magsalita ay tumilaok itong parang manggigising.

Sa sobrang kahihiyan, lumipad papalabas ng tahanan ni Sidapa ang Sundalong Orasan na magmula noon ay tinatawag na Tandang. Ang Tandang na tumitilaok sa madaling araw ang nagpapaalalang siya ang unang tagagising ng sandaigdigan. Ito naman ang pinagmulan ng Alamat ng Tandang.

This website is dedicated to all Filipino people who love their country, the Philippines.

The purpose of this website is to help all Filipinos, most importantly the Filipino students in their upbringing, not just in their studies in schools, but also during their leisurely time online. Who said fun is all about playing games?

Currently, we have articles about Filipino folklore including short stories, fables, parables, myths, and legends. Biographies of Filipino national heroes and other famous people in Philippine history that are written both in Tagalog and English are also available.

Soon to include information about Filipino games here in the Philippines, from the old traditional games that children used to play, to the most latest online games now being played at their very own homes or in an Internet Cafe such as Level Up's games Ragnarok and Crazy Kart, e-Games' Ran Online....