Ang Sakim na Aso

May isang sakim na Aso na lagi nang nagnanakaw ng mga pagkain ng mga inosenteng Tuta.

Isang araw ay gala nang gala ang Aso sa paghahanap ng magugulangang Tuta. Masuwerte ang ganid sapagkat isang Tutang may sakmal na pata ang makakasalubong nito sa daan. Nagkunwaring hindi pansin ng bruskong Aso ang Tuta pero nang mapalapit ay bigla nitong inagaw ang taba at nagtatakbong papalayo.

Nang mapagod sa katatakbo ang Aso ay nagpalinga-linga ito. Nag-aalala ang ganid na baka may higit na malaki pang Aso na gustong agawin sa kanya ang masarap na pata ng baboy. Upang makasiguro, hindi siya nagdaan sa kasukalan kundi sa makitid na tulay.

Habang naglalakad na sakmal ang inagaw na pata ay nasalamin niya sa malinaw na tubig ang sarili. Sa pag-aakalang higit na malaki ang patang sakmal-sakmal ng higit na maliit na Asong nasasalamin sa tubig, tinakot ng ganid ang anino sa pagtahol nito. Nabitawan ng Aso ang pata na lumubog sa malinaw na tubig. Sisinghap-singhap ang ganid na Aso sa panghihinayang.

Aral: Ang hangaring panlalamang ay walang magandang tutunguhan.

See also