Noong unang-unang panahon ay mababa lamang ang kalangitan. Napakababa nito na kayang abutin ng mga tao.
Dahil sa lapit na ito ng langit, ang kahilingan ng mga tao ay agad na naririnig ng mga diyos sa kalangitan at kaagad na ipinagkakaloob sa kanila. Ito ang dahilan kung bakit sadyang inilapit ng mga diyos ang langit sa mundo. Ang nais nila ay matulungan ang mga tao. Sa ganitong kalagayan, maligaya ang mga tao. Wala silang gagawin kung hindi humingi at agad namang ipagkakaloob sa kanila.
Hindi nagtagal, umabuso ang mga tao. Naging tamad na sila. Ayaw na nilang magtrabaho at iniaasa na lamang sa mga diyos ang kanilang panga-ngailangan. Dahil dito, nagalit ang mga diyos kaya binago nila ang kanilang panuntunan. Patuloy pa rin nilang pangangalagaan at pagbibigyan ang mga tao sa kanilang kahilingan ngunit paghihirapan muna nila ito. Kailangan nilang magtrabaho bago nila makamtan ang anumang nais nila.
Mula noon, hindi na naging madali ang pamumuhay ng mga tao. Nagsimula na silang gumawa sa bukid sa ilalim ng init ng araw o buhos ng ulan. Ang pagtatanim at pag-aani ay kanilang pinagtutulungan.
Pagkatapos ng anihan, sila ay nagkakaroon ng mga pagdiriwang bilang pasasalamat sa masaganang ani. Naghahanda sila ng maraming pagkain at inumin. Ang kasayahang ito ay inaabot ng isang buong linggo. Masaya ang lahat, lalo na ang mga magsasaka, dahil makapagpapahinga sila ng ilang buwan habang marami pa silang pagkain.
Isang araw ay inihayag ni Abing, pinuno ng tribu, na magkakaroon sila ng marangyang pagdiriwang dahil sa higit na masaganang ani. Tulad ng inaasahan, nagkaroon ng malaking kasayahan ang buong nayon. Bumaha ang napakaraming pagkain at inumin.
Matapos magpasalamat sa mga diyos, nagsimula ang pagdiriwang. Pinagpistahan ng mga dumalong panauhin ang masasarap na pagkain at inumin. Matapos ito ay inanyayahan ng pinuno na manood ang lahat sa ipakikitang sayaw ng mga mandirigma bilang parangal sa pagpapanatili nila ng katahimikan sa kanilang lugar.
Gayon na lamang ang tuwa ng mga tao nang magsimulang sumayaw ang mga mandirigma na buong husay na iwinawasiwas ang kanilang mga sibat. Sinabayan sila ng mga panauhin sa pag-indak sa tugtog habang pumapalakpak. Isang mandirigmang napakahusay humawak ng sibat ang labis na hinangaan ng mga manonood. Bigla silang natahimik habang pinanonood ang kakaibang husay nito sa pagsayaw at paghawak ng sibat. Dahil sa kalasingan at nakikitang paghanga ng tao sa kanya, marahan itong umikot paitaas at ikinumpas ang kanyang sibat nang napakataas.
Napasigaw ang lahat! Nakalimutan ba ng mandirigma na mababa lamang ang langit? Hindi lamang niya natusok ang mga ulap, nasugatan din niya ang isa sa mga nanonood na diyos!
Nagalit ang ibang mga diyos sa pangyayaring ito. Nang gabi ring iyon, ipinasya nilang itaas ang langit mula sa lupa.
Simula noon, ang panalangin ng mga tao ay naglalakbay muna ng napakalayo bago marinig ng mga diyos at ito ay ipagkaloob sa kanila. Patuloy pa ring pinangangalagaan ang mga tao ng mga diyos sa langit ngunit ang binibigyan lamang nila ng grasya ay iyong mga karapat-dapat. At kung ibigay man ang hinihiling nila, ito ay karaniwang hindi kaagad. Nagtatagal muna bago ito ipagkaloob. Nangyari ito dahil lamang sa walang ingat na pagsasayaw ng isang mandirigmang nakatusok sa ulap at nakasugat sa isa sa mga diyos.