Sa isang kaharian ay bantog ang katalinuhan ng isang binatilyo. Siya si Catalino, na nakagawian nang tawagin ng kanyang mga kanayon na Talino. Iyon ang kanyang palayaw at waring akmang-akma naman sa kanyang angking katalinuhan.
Palabasa si Catalino. Silang mag-anak ay mahirap lamang at ang tanging yamang itinuturing ni Catalino ay ang ubod ng dami niyang mga aklat at iba't ibang babasahin. Wala siyang libangan kundi ang magbasa pagkatapos ng kanyang mga gawain.
Nakatutulong nang malaki si Catalino sa kanyang mga kanayon. Dahil sa marami siyang kaalaman na nakukuha niya sa pagbabasa, maraming mabubuti at matatalinong mga payo ang naibibigay niya sa kanila. Nabibigyan niya ng payo ang mga kanayon tungkol sa pagsasaka, pagtatanim at paghahalaman, pag-aalaga ng mga hayop, pagpapagawa ng bahay, pagpapahukay ng balon at mga poso, paglilipat ng bahay, pati ang panggagamot sa mga di-kabigatang karamdaman. Kaya naman mahal na mahal siya ng kanyang mga kanayon. Maging ang mga taga-ibang nayon, malapit man o malayo, ay nakikilala na si Catalino at alam na ng marami ang kanyang katalinuhan.
Ang lahat ng mga balita tungkol sa matalinong binatilyo ay nakararating sa kabatiran ng hari. Higit na sikat pa raw si Catalino kaysa sa hari. Ayaw ng hari ng ganitong nangyayari. Baka dumating ang araw na makuha ni Catalino sa hari ang pamumuno sa kanyang kaharian. Nabahala ang hari.
"Maaari nga pong mangyari ang kinatatakutan ninyo, Mahal na Hari," ang sabi pa ng isang taga-payo.
"Ang lalong mabuti ay ipakulong natin siya," anang isang tagapayo naman.
"Ngunit hindi natin maaaring ipakulong nang basta-basta ang isang taong wala namang ginagawang pagkakasala," sagot ng isa pang tagapayo. Marami pang mga usapan hanggang sa ang nabuong balak ay pagawain si Catalino ng isang bagay na tiyak na hindi niya magagawa. At ito ay ipagagawa sa plasa sa harap ng maraming tao at kanyang mga tagahanga. Kapag hindi nagawa ni Catalino ang ipagagawa sa kanya, pagtatawanan siya ng mga tao.
Ipinatawag si Catalino sa palasyo. Sa harap ng mga tagapayo ay kinausap siya ng hari.
"Nabalitaan ko ang iyong maraming kaalaman. Ikaw raw ay matalino. Nakagagawa ka ng maraming matatalinong bagay. Nabibigyan mo raw ng matalinong payo ang mga tao. Totoo ba ito?" ang tanong ng hari.
"Ang mga tao po ang nagsasabi niyan. Hindi po ako," sagot ni Catalino. "At ang ibinibigay ko po sa kanilang payo ay hindi sa sarili ko galing. Nakukuha ko po ito sa aking mga pagbabasa."
"Saan mo nakukuha ang mga karunungang iyan?" ulit ng hari.
"Sa mga aklat po at sa paaralan ng buhay," sagot ni Catalino. Nag-ungulan ang mga tagapayo. Waring pati ang hari ay napapaniwala na ni Catalino. Bumulong ang punong tagapayo sa hari.
"Catalino!" ang malakas na sabi ng hari. "Ako'y may ipagagawa sa iyo. Huwag mo akong bibiguin. Masama akong hindi sundin," sabi pa ng hari. "Naiintindihan mo ba?"
"Opo, Mahal na Hari," sagot ni Catalino. "Sa abot po ng kaunti kong kaalaman ay sisikapin kong masunod ang inyong utos."
Hinintay ni Catalino ang ipag-uutos ng hari. Binasa ng isang alagad ng hari ang kautusan.
"Bukas ng umaga, magdala ka rito ng nilubid na abo. Kapag hindi mo ito nagawa, nangangahulugang hindi ka pala sadyang matalino at niloloko mo lamang ang mga tao. Nagkasala ka sa bayan kaya kailangang pugutan ka ng ulo," anang tagabasa.
Umuwi si Catalino sa kanilang nayon. Kanyang pinag-isipan ang ipinagagawa ng hari. Alalang-alala ang kanyang ama't ina. Labis na nag-aalala rin ang kanyang mga kanayon. Wala naman silang maitulong kay Catalino. Ipinagdasal nila na sana ay magawa nito kung anuman ang ipinagagawa ng hari.
Kinabukasan, maagang nagising ang mga tao. Pumunta ang marami sa plasa. Doon ibibigay ni Catalino sa hari ang nilubid na abo. Maingat na dinala ni Catalino ang natatakpang kahon. Marahang inilapag sa harap ng hari ang bandehadong malapad. Naroon ang nilubid na abo.
Nagulat ang hari. Hindi akalain ng hari at ng kanyang mga tagapayo na magagawa ni Catalino ang nilubid na abo.
"Nilubid na abo!" ang wika ng lahat.
Magalang na yumukod sa hari si Catalino. Wala itong pagmamalaki o anumang bahid ng yabang. Ang naroo'y kababaang-loob. Nilubid pala ni Catalino ang abaka at saka niya marahang sinunog hanggang sa maging abo na hindi natatanggal ang pagkakalubid.
Lalong humanga ang mga tao kay Catalino. Pati na ang hari ay humanga rin hindi lamang sa talino kundi sa kabaitan at kababaang-loob ni Catalino.
Dahil dito, kinuha siya ng hari bilang tagapayo sa palasyo. Nabigyan ni Catalino ng mabubuting payo ang hari tungkol sa pamamalakad kaya't naging maunlad ang kaharian.