Si Juan ay isang batang may katamaran at may kahinaan ang pag-iisip. Gayunpaman, siya ang nag-iisang kasama ng kanyang ina kung kaya't siya lamang ang nauutusan nito.
Minsan ay inutusan ni Aling Maria ang anak.
"Juan, ipagbili mo sa palengke ang mga nagawa nating palayok. Kailangang maging pera ito."
"Opo," magalang na sagot ni Juan.
"Bumili ka na rin ng alimango para ulam natin sa tanghalian."
"Opo. Sige, Inay, aalis na po ako," sabi ni Juan.
"Mag-iingat ka. Huwag mong kalilimutan ang bilin ko. Umuwi ka agad, ha. Huwag kang pupunta kung saan-saan," ang bilin ng ina.
"Susundin ko pong lahat ang utos ninyo, Inay," wika ni Juan.
Sa palengke, madaling naipagbili ni Juan ang mga palayok.
"Naku, mabuti na lang at mabilis naubos ang mga palayok," wika ni Juan sa sarili.
Hindi nag-aksaya ng oras si Juan. Bumili agad siya ng isang taling alimango. Bitbit ang mga alimango, masayang umuwi si Juan. Pasipul-sipol pa siya.
Sa daan ay nasalubong ni Juan ang isang matandang lalaki.
"Naku, iho, maaari mo ba akong samahan sa pinakamalapit na senter? Ako lamang ay naliligaw at ang aking apo ay doon nakadestino," sabi ng matanda.
"Aba, opo!" walang atubiling sagot ni Juan.
"Pero, teka... Pano kaya ang mga alimangong ito?" bulong niya sa sarili. "Tiyak na hinihintay na ito ni Nanay para lutuin sa aming tanghalian." Saglit na nag-isip si Juan.
"Ah! Alam ko na! Sandali lang po, Lolo."
Binuksan ni Juan ang supot na hawak at kinausap ang mga alimango.
"O, kayo, ha, hinihintay na kayo ni Nanay. Mayroon lamang akong sasamahan. May mga paa naman kayo kaya mauna na kayo sa akin sa bahay. Sundan lamang ninyo ang landas na ito. Pagdating sa dulo ay kumaliwa kayo. Makikita ninyo ang aming hagdan. Akyatin ninyo. Matutuwa si Nanay kapag nakita kayo."
At pinawalan ni Juan ang mga alimango saka sinamahan ang matanda.
Alas dos na ng hapon nang makabalik si Juan sa bahay.
"Juan, bakit ngayon ka lang, ha? Nasaan ang alimango?" ang magkasunod na tanong ni Aling Maria.
"Bakit, Inay, wala pa po ba? Kanina ko pa po pinauwi, ah! Pinawalan ko sila at ang sabi ko sa kanila ay mauna na silang umuwi. May tinulungan lamang akong matandang naligaw. Sinamahan ko po siya sa senter sa bayan. Maliwanag naman po ang ibinigay kong direksyon sa kanila," pangangatwiran ni Juan.
Nagagalit man ay napakamot na lamang ng ulo ang ina.
Labis naman ang pagtataka ni Juan kung bakit hindi pa nakararating ang mga alimango sa kanilang bahay.