Ang maikling kwento ay isang anyo ng panitikan na may layuning magsalaysay ng mga pangyayari sa buhay ng pangunahing tauhan. Nag-iiwan ito ng isang kakintalan sa isip ng mga mambabasa.
Ang maikling kwento ay karaniwang mayroong limang bahagi:
Ang panimula ay ang bahagi na siyang guguhitan ng mga pangyayari sa kwento. Mahalagang maging kapansin-pansin ito upang mabihag ang kawilihan ng bumabasa.
Ang saglit na kasiglahan ay ang bahaging naglalarawan ng simula patungo sa paglalahad ng unang suliraning inihahanap ng lunas. Dapat maging kaakit-akit ang bahaging ito sa bumabasa at madama niya ang magaganap na pangyayaring gigising sa kanya ng isang tiyak na damdamin.
Ang suliraning inihahanap ng lunas ay karaniwang tatlo. Kung minsan ay humihigit sa tatlo, depende sa sumusulat ng kwento. Sa bahaging ito ng kwento, ang mababasa ay napapagitna sa mga pangyayaring gigising sa kanyang damdamin. Ang mga pangyayaring ito ang siyang bumubuo sa mga suliraning inihahanap ng lunas at lumilikha ng isang kawilihang pasidhi nang pasidhi.
Ang kasukdulan ay ang bahagi ng kwento na nagsasaad ng pinakamasidhing kawilihan. Ito ay dapat ilarawan nang mabilisan, tiyak, o malinaw at maayos. Upang maging mabisa ang kasukdulan, ito ay di-dapat magkaroon ng anumang paliwanag. Ang kailingan lamang ay ang maayos na pagkakaugnay-ugnay ng mga suliraning inihahanap ng lunas.
Ang kakalasan ay ang panghuling bahagi ng kwento na kaagad sumusunod sa kasukdulan. Ito ay hindi rin dapat pahabain at bigyan ng paliwanag. Ipaubaya sa mambabasa ang pag-iisip at hayaang siya ang magbigay ng wakas sa kwento.