Nahulog sa dagat ang gintong singsing ni Prinsesa Taalita kaya't nag-utos ang amang si Datu Balindo sa mga kawal na hanapin ito. Isang linggong nilangoy ng mga matipuno at matapat na alagad ng barangay ang lawa ng Bunbon nguni't wala isa man sa kanilang makakita sa singsing.
Hindi pa rin nagtugot ang datu dahil ang singsing daw ay napakahalaga hindi lamang dahil ginto ito kundi dahil makasaysayan ito sa buhay niya. "Iyang singsing na iyan ay nagpasalin-salin sa kamay ng aking mga ninuno na pawang mga raha at lakan. Iyan pati ang piping saksi nang pagbuklurin ang puso naming mag-asawa."
"Patawarin ninyo ako, mahal kong ama," luhaang sabi ni Taalita. "Alam ko po ang kahalagahan niyan. Minamahal ko ang singsing nang higit sa buhay tulad ng pagmamahal ko sa nasira kong ina, subalit..."
"Huwag kang lumuha, anak," sabi ng ama. "Hayaan mo't makikita pa rin iyan."
Sa mga naghahanap ng singsing, isang binata ang di-naglulubay sa pagsisikap na makita ito. Hiningi niya ang tulong ng langit at di nga nagtagal ay nakita ang hinahanap. Nalunok pala ito ng isang malaking isda.
Ibinalik niya ito sa prinsesa at sa laki ng utang-na-loob ng mag-ama naging malapit sa kanila ang binata. Hindi naglaon at naging magkasintahan si Taalita at Mulawin. Pumayag naman ang ama sa pag-iisang-dibdib nila dahil alam niyang mabait, matapat at mapag-kakatiwalaan ang lalake.
Masaya ang buhay ng mag-asawa, at nang matanda na ang raha, si Mulawin na ang namahala sa barangay. Madalas na ang ginagawa nilang pasyalan ay ang lawa. Namamangka ang mag-asawa at natutuwang minamasdan ang mga isda at ibang nabubuhay sa dagat.
Isang araw, sa pamamangka nila, natanawan ni Taalita ang isang di-karaniwang bulaklak na nakalutang sa tubig. "Kay ganda ng bulaklak na iyon. Kukunin ko," at bago napigilan ng asawa ay nakatalon agad sa tubig. Hinintay ni Mulawin na lumitaw ang asawa nguni't hindi ito pumapaibabaw. Dagling tumalon din ang lalake para saklolohan ang asawa, ngunit pati siya ay nawalang parang bula.
Laking pagluluksa ng buong barangay sa nangyari sa kanilang mahal na Raha Mulawin at Prinsesa Taalita. Hindi naglaon, may lumitaw sa, gitna ng lawa, sa kinalinuran ng magsing-irog, na isang pulo. Iyan ang Bulkan ng Taal, ngalang ibinigay ng amang datu para laging ipagunita ang nawalang mga anak.
Ayon sa mga mangingisda, madalas daw nilang marinig kapag napapalapit sila sa Bulkan ang masayang awit ng mag-asawang Mulawin at Taalita, na kahit sa kabilang-buhay ay masaya at nagmamahalan.