Minsan isang araw,
Ang kalabaw at tagak
Ay nagkatagpo sa batisan.
Kapwa sila nauuhaw.
Bati ng tagak, "Kumusta, kaibigan?"
"Mabuti naman, at ikaw?
Di ko akalaing ikaw pala ay hangal!"
"Bakit hangal?"
"Bakit ka naparito?
Ito ay ilog ko."
"Sino kang magbabawal?
Ito'y biyaya ng Maykapal!"
"Mula ngayon, ipinagbabawal ko,
Walang paparito kahit sino!
Ako ang hari nitong ilog,
Masdan yaring sungay na maalindog,
Simbolo ng kapangyarihang aking lubos."
"Kung tunay ngang ikaw ay hari,
Lumipad ka. Subukin kung maaari;
Pagnatupad mo, utos mo'y hindi mababali.
At kung mainom mo ang tubig sa ilog,
Hari ka ngang tunay. Dapat kang mapabantog!"
"Oo, pustahan tayo!"
"Payag ako. Gagawing alipin ang matatalo."
Ang lahat ng hayop at mga ibon
Nanood na sadya sa paligsahang iyon.
"Ikaw ang magsimula ng pag-inom,
Sa iyo'y susunod akong walang tutol,"
Sabi ng tagak na mahinahon.
Ang kalabaw ay nagsimulang uminom ng tubig sa batis,
Nagkataong mataas noon ang tide.
Sa kaiinom, tiyan ay lumaking parang buntis.
"Suko na ako!" sabi ng kalabaw,
"Hala nga, subukin mo, ikaw naman."
Uminom ang tagak na walang atubili,
Nagkataong noo'y ang ilog ay kumakati.
Nakita ng kalabaw na kakaunti na ang tubig,
"Nanalo ka!" karakaraka'y siyang sambit.
Mula noon mapapansing sa likod ng kalabaw
Dumarapo ang tagak bawa't oras araw-araw.
Ang kalabaw ay kanyang pinarusahan:
Pinag-aararo ng tumana, maghapunan,
Samantala siya'y nakaupo't nagbabantay.
Kuwento ni Pablo Cuasay