Ang tagpuan ng magkasintahang Malvar at Rosa ay isang malaking puno ng duhat. Sa lilim nito sila'y nagkukwentuhan. Sa tabi ng puno may isang balon na yari sa mga batong adobe. Ang labi ng balon ay halos pantay sa lupa. Bawal sa mga bata ang tumayo o maglaro sa tabi nito.
Isang araw, sa buwan ng Abril, nakita ni Malvar ang maraming bunga ng duhat. Kumikintab ang maitim na balat ng mga hinog. Kay lalaki pa! Umakyat si Malvar upang pagdating ni Rosa ay may ipapasalubong siya. Maraming mga hinog na duhat sa dulo ng maliliit na mga sanga. Sa pagnanasa ni Malvar na mapitas iyon, napayapak siya sa isang sangang marupok. Nahulog siyang tuloy-tuloy sa balon. Nawalan siya ng malay tao. Kaya, kahit na mababaw lamang ang tubig sa balon, si Malvar ay nalunod.
Di nagtagal dumating si Rosa. Dati-rati ay dinaratnan niya si Malvar na laging nauuna sa kanya. Bakit ngayon ay wala pa siya? Nakita niya ang maraming duhat na nakakalat sa lupa. Mukhang bagong pitas. Tumingala siya. Wala namang nakaakyat.
"Pupulutin ko nga," ang sabi ni Rosa sa sarili. "Makatas ito at matatamis."
Kumuha muna siya ng dahon ng saging. Kapag puno na ang kanyang mga kamay, inilalagay niya ang mga duhat sa dahon ng saging. May mga duhat na nahulog sa tabi ng balon. Lumapit doon si Rosa. Nang yumuko siya upang damputin ang mga bunga napansin niya ang tao sa ilalim ng balon.
"Panginoon ko!" ang sigaw niya, "Si Malvar! Si Malvar!" Hinimatay siya. Sa kasamaang palad, sa bunganga ng balon pa bumagsak ang katawan ni Rosa.
Nang hindi umuwi ang dalawa, naghanap ang kanilang kamag-anak at mga kapitbahay. Kinabukasan natuklasan ang mga bangkay. Doon na rin sa balon sila inilibing. Pinuno ng lupa ang balon.
Pagkaraan ng may isang taon may tumubong halaman sa ibabaw ng balon. Walang bulaklak ngunit napakabango ng mga dahon.
"Nabuhay na muli sina Malvar at Rosa," ang sabi ng mga taong nakakaalam sa mga nangyari, "Sila'y naging isang halaman."
Ang halaman ay tinatawag nilang Malvarosa. Ang mabangong dahon nito ay isinasama sa rosas na isinasabit sa kasuotan ng mga dalaga.
Mula sa kuwento ni L. Salvador