Isang gabi ng kapaskuhan, may isang batang lalaki na patungo sa katedral. Siya ay si Raul. May dala-dala siyang maliit na kandila na tanglaw niya sa paglakad. Balak niyang itirik ito sa altar ng katedral para gumaling ang malubha niyang ina.
May isang balon na kaniyang nadaraanan sa pagbagtas sa kagubatan. Ito raw, ayon sa sabi, ay pinagmumultuhan. Kung ikaw raw ay magdaraan at di maghuhulog sa balon ng barya ay may hahatak sa iyo sa balon at di na muling makalalabas.
Nang malapit na siya sa balon ay nakarinig siya ng halinghing, isang hinaing. Naalala niyang hindi nakapagdala ng barya panghulog sa balon. Natakot si Raul at tumakbong palayo.
Subalit siya'y nadapa sa lugar na malapit sa balon. May narinig siyang boses ng isang bata. Anito: "Tulungan mo akong makaahon dito. Ibigay mo sa akin ang iyong kandila upang makita ko ang aking lalabasan."
Sumagot si Raul: "Ang kandilang ito ay para sa aking ina. Ititirik ko ito sa altar upang gumaling siya."
"Hindi mo ba ako mapagbigyan sa gabi ng kapaskuhan?" ang samo ng tinig.
Nag-isip sumandali si Raul. Pagkatapos ay inihagis niya ang kandila sa balon. Lumuhod siya, sumubsob sa dalawang palad, at umiyak.
Biglang-bigla... nagliwanag! Nang itaas ni Raul ang kanyang ulo ay nakita niya ang isang bata na tangan-tangan ang kanyang kandilang inihagis sa balon. "Magbalik ka sa inyo," ang sabi ng bata. "Ang iyong ina ay magaling na."
Patakbong umuwi si Raul, at nakita niya ang naghihintay niyang ina. Ito ay magaling na at parang hindi nagkasakit.
Nang nakapag-usap ang mag-ina ay sabay silang nagtungo upang magdasal ng pasasalamat. Sila ay hindi sa katedral nagtungo kundi sa lumang simbahan.
Nang sila'y pumasok sa simbahan ay halos nasilaw sila sa liwanag na nagmumula sa altar.
Sa ganoong pangyayari ay naging maganda ito tulad sa katedral.
"Raul, bakit ganoon ang liwanag? Paano at bakit ang isang kandilang munti ay makapagbibigay ng ganoong liwanag?" ang pasigaw na tanong ng ina ni Raul.
Lubhang namangha si Raul. Habang siya'y nakaluhod ay tiningnan niya ang kandila. Nakilala niyang iyon ang kandila niyang inihulog sa balon at dala-dala ng batang kanyang tinulungan.
Hango sa kuwento ni L. Salvador