Si Proserpina ay isang dalagang magandang-maganda. Katulong siya ng kanyang inang si Demiter sa pangangalaga sa mga halaman sa lupa. Kung minsan ang mag-ina ay namimitas ng mga bulaklak na basa pa ng hamog kung bukang-liwayway. Kung minsan naman ay nakikipagsayaw si Proserpina sa kanyang mga kapwa dalaga sa gitna ng parang. Masaya ang buhay ng mag-ina.
Nang mga panahong yaon ay malungkot si Pluto. Nag-iisa siya sa kanyang kaharian sa ilalim ng lupa. Ibig niyang magkaroon ng reyna. Marami nang dalaga ang kanyang pinaghandugan ng mga mahal at magagandang hiyas, ngunit isa man ay walang mahikayat na tumira sa kanyang kaharian.
Isang araw ay nagtungo si Pluto sa ibabaw ng lupa. Nakalulan siya sa kanyang gintong karosa na hinihila ng mga kabayong walang kamatayan. Mabilis ang takbo ng mga kabayo. Nagkataong nasa parang noon sina Proserpina at ang kanyang mga kaibigan. Nakita siya ni Pluto.
"Siya ang gagawin kong reyna ng aking kaharian," ang bulong ng hari.
Pinatakbo ni Pluto ang kanyang mga kabayo at inagaw ang dalagang namimitas ng mga bulaklak. Humingi ng tulong si Proserpina. Tumawag siya sa kanyang amang si Seus, ngunit hindi siya narinig nito.
Walang nakarinig sa kanyang kasisigaw maliban sa isang mahiwagang diyosang ang pangalan ay Hekate. Gayunman ay sumigaw rin nang sumigaw si Proserpina. Ang alingawngaw ng kanyang sigaw ay ikinalat ng hangin sa mga burol at kagubatan hanggang sa narinig ni Demiter na noo'y nasa malayong pook.
Dali-daling nagbalik sa Sisilya si Demiter. Una niyang tinungo ang kanilang tahanan upang tingnan si Proserpina. Wala roon ang dalaga. Naghanap si Demiter. Siyam na araw niyang hinanap ang nawawalang anak. May dala siyang dalawang sulo na itinatanglaw sa lahat ng sulok ng lupa, ngunit di niya matagpuan ang dalaga. Dahil sa laki ng kanyang kalungkutan ay hindi siya tumikim ng anumang pagkain ni inumin.
Dumating sa kanya si Hekate nang ikasampung araw. Ibinalita sa kanyang narinig niya ang mga sigaw ni Proserpina ngunit hindi niya nakita kung sino ang umagaw.
Hindi naasikaso ni Demiter ang kanyang gawain sa ibabaw ng lupa. Namatay ang mga halaman at nagkagutom ang mga tao. Habang lumalakad ang mga araw ay lalo silang nagkakagutom. Lumapit sila kay Demiter at hiniling ditong patubuin na ang mga halaman sa lupa.
Naging matigas ang puso ni Demiter dahil sa kalungkutan. Sinabi niya sa mga tao na hangga't hindi niya nakikita ang kanyang anak ay hindi niya maasikaso ang mga gawain niya sa lupa.
Naghanap siya nang naghanap. Nang wala na siyang pag-asa ay lumapit siya kay Seus. Hiniling niya sa diyos ng mga diyos na ibalik sa kanya si Proserpina.
"Kung siya'y ibabalik sa akin ay muling magkakaroon ng masaganang ani sa lupa," ang sabi ni Demiter kay Seus.
Naawa sa kanya si Seus. Ipinangako sa kanyang ibabalik sa piling niya si Proserpina kung ang dalaga'y hindi kumain ng anuman samantalang siya'y nasa kaharian ni Pluto.
Natuwa si Demiter. Nagtungo siya sa ilalim ng lupa. Natagpuan niya si Proserpina sa palasyo ni Pluto. Nagyakap ang mag-ina. Ibig na ibig na ng dalagang masilayan ang ibabaw ng lupa na sinisikatan ng araw.
Ngunit siya pala'y kumain ng araw na yaon ng anim na buto ng granada. Dahil sa pagkakain niyang yaon ay minarapat ni Plutong mamalagi sa kanyang piling si Proserpina sa loob ng anim na buwan, at sa piling naman ni Demiter sa nalalabing anim na buwan bawat taon.
Kung si Proserpina'y nasa piling ng kanyang ina ay tagsibol at tag-araw sa ibabaw ng lupa. Kung siya'y nasa kaharian ni Pluto ay taglagas at taglamig sa ibabaw ng lupa.