Isang hapon nang papauwi si Danilo galing sa paaralan, siya'y hinarang ng limang batang lalaki. Ang mga ito ay naghahanap ng basag-ulo.
Pinatigil si Danilo sa paglakad at pinagsalitaan ng isa, "Kung talaga kang matapang ay lumaban ka. Pumili ka ng isa sa amin na kasinlaki mo," ang hamon.
Malumanay na sumagot si Danilo, "Ayaw ko ng away. Bakit ako lalaban sa inyo? Hindi naman tayo nagkagalit!"
"Umiiwas ang Boy Scout sa away."
"Lumaban ka!" at dinuraan ang mukha ni Danilo. Ang lumait na bata ay maliit kaysa kay Danilo. Siya'y mayabang at nagmamagaling. Muling hinamon si Danilo, "Ikaw ay isang duwag!"
"Kaibigan ako ng sinuman. Ang sabi ng titser ay dapat akong magpaumanhin sa umaaglahi sa akin!"
"Totoong maraming dahilan! Lumaban ka kung lalaban. Isa kang duwag!" at sinipa si Danilo.
Nakiusap si Danilo, "Ako'y aalis na. Hinihintay ako ng aking ina. Ayaw niyang ako'y gabihin sa pag-uwi!"
Lumakad nang paunti-unti si Danilo. Siya'y sinundan ng mga batang mapanudyo. Sila'y nakarating sa puno ng tulay.
Sa ilalim ng tulay ay may narinig silang pagibik, "Sag... gi... pin... ninyo ako! Tulong!" Isang bata ang nalulunod!
Walang kumilos sa mga batang nagmamatapang. Mabilis na lumusong si Danilo sa pampang ng ilog. Ibinaba niya ang mga aklat at naghubad na dali-dali. Lumukso at nilangoy ang batang sisingab-singab.
Nang mga unang sandali'y nahirapan si Danilo sa pagkawit at pagsakbibi sa bata ng kanyang kaliwang kamay. Ikinaway niya ang kanan sa paglangoy. Ang dalawa'y dinala ng mabilis na agos. Malayo sila sa pampang subalit sa katagala'y nakaahon.
Ang mga batang iba ay nakapanood lamang. Nakita ng pinakalider ng gang na ang bata palang sinagip ni Danilo ay kanyang kapatid. Siya'y nagpasalamat kay Danilo at humingi ng tawad, "Maraming salamat sa iyo. Patawarin mo ako sa aking ginawa kanina. Ngayon ko nabatid na ang katapangan ay hindi nasusukat sa salita kundi sa gawa at tibay ng loob!"