May guro sa isang paaralan sa bukid. Kinawilihan siya ng mga mag-aaral dahil sa kanyang katalinuhan. Siya'y itinuturing na marunong pagkat bawat tanong ng mga bata ay kanyang nasasagot.
Naging ugali ng mga bata na lumikha ng mga tanong na sa akala nila'y mahirap at hindi masasagot ng kanilang maestro.
Isang araw si Florante, isa sa mga nag-aaral, ay lumalang ng isang tanong tungkol sa ibong kanyang nahuli. Nakatitiyak siyang anumang isagot ng guro, sa wasto o sa mali, ay pihong mali. Tingnan kung bakit.
Ang estratihiya o plano ni Florante ay payak lamang. Tatangnan niya ang ibon na kuyom sa kanyang palad at itatanong sa guro kung ang ibon ay patay o buhay.
Pagsinagot ng guro na ang ibon ay buhay, sadyang sisiilin niya ito sa kanyang palad upang mamatay. Sa gayon, mapapatutuhanang mali ang guro.
Kung ang isasagot ng guro ay patay ang ibon, ibubuka ni Florante ang kanyang kamay at pahihintulutan itong lumipad.
Ang sumunod na araw ay Biyernes, may pasok. Ang mga bata ay nasa loob ng klase. Si Florante ay kagyat na tumindig at nagtanong, "Maestro, pakisabi ninyo kung ang ibong tangnan ko ay patay o buhay."
Ang klaseng nakikinig ay nakasisigurong mali ang isasagot ng matalinong guro.
Ang guro ay ngumiti muna bago sumagot, "Florante, ang buhay ng ibon ay nakasalalay sa iyong mga kamay!"