Isang gabing namamahinga na sila, nabanggit ni Dindo ang napuna nito sa dulong hilaga ng pulo.
"May mga latian pala po sa gawing hilaga ng pulo," sabi niya kay Mang Pisyong. "At marami po akong nakitang isang uri ng punongkahoy na ngayon ko lang nakita. Malalaki po ito, at may mga sumusulpot na kung anong matutulis na bagay sa tabi nila, parang maliliit na puno, pero medyo namumuti-muti."
"Pagatpat ang tawag sa mga punongkahoy na 'yon," sabi ni Mang Pisyong. "Nasa putikan sila, at ang sinasabi mong matutulis na tumutubo sa paligid ay tinatawag na air roots, bahagi rin ng mga punong iyon. Nakatutulong sa paghinga ng mga puno dahil nasa putikan nga sila. At ang mga uring ugat na 'yon ay nagagamit sa mga lambat upang lumutang ito sa tubig. Nagagawa ring cork o tapon sa mga bote."
"Parang may mga bunga rin po," sabi pa ni Dindo.
"Mayroon nga," ayon ni Mang Pisyong. "At nakakain din ang mga bungang iyon, medyo lasang keso, puedeng pagkapitas sa puno ay kanin, o kaya ay iluluto. At nagagamit ding gamot, na pampaampat sa hemorrhage o labis na pagdugo."
"Hindi ko po yata alam ang punong sinasabi n'yo," sabi ni Kiko.
"Kasi, ang mga kilala mong mga puno ay yaong tumutubo sa bundok," sabi ni Mang Pisyong. "E, ito ngang pagatpat, sa mga latian at putikan matatagpuan."
"Ano po naman ang silbi ng pagatpat?" tanong ni Inday. "Nagagamit din po ba ang kahoy noon?"
"Puwede ring magawang haligi, pinto, sahig, dingding at kahit sa mga pantalan at tulay, nagagamit din," paliwanag ni Mang Pisyong. "Kaya lamang, mahirap lagariin, at saka ang kahoy ay may taglay na asin, dahil nga tumutubo nang malapit sa dagat o kaya ay mga ilog na malapit sa dagat. Ang mga pakong kailangan sa kahoy na ito ay dapat na yari sa tanso at dahil masyadong matigas ang kahoy, kailangan pa rin ang mga turnilyo."
"Pambihira namang uri ng kahoy iyon," buong paghangang sabi ni Kiko.
"Ang mapupuna ninyo sa ating mga punongkahoy, iba-iba ang silbi sa kapaligiran," pagpapaliwanag pa ni Mang Pisyong. "tulad nitong pagatpat, nabubuhay nga sa tabi ng mga latian at mapuputik na tabing-dagat. At sa gayong paraan, naililigtas nila ang lupa sa pagkaagnas. Nakatutulong din sa paligid ang kanilang mga ugat na sadyang ginagamit nila upang makahinga sa maputik na kinaroroonan."
"Kung susuriin po," sabi ni Inday, "talagang mapupuna natin ang Kamay ng Diyos sa iba-ibang tanim, puno, ibon, hayop at maging mga tao. Iba-iba ang silbi natin... at kung iisipin lamang ng mga tao ang kabutihan ng Diyos sa pagbibigay ng buhay sa atin at sa ibang mga bagay sa ating kapaligiran, makikiayon tayo sa kalikasan."
"At laging may kaparusahan ang tao sa mga maling gawa," malungkot na dagdag ni Kiko. Nagbuntong-hininga, "Noong araw, hindi ko naiintindihang masama pala ang pagkakaingin. Kainginero ang aking ama, at sa simula ng kanyang pagtatanim ng palay sa bundok, maganda ang ani, pero habang lumalaon, humina na nang humina. At napilitang maging mangingisda ang aking Kuya, at ako po naman, Mang Pisyong, nakita n'yo, lumikas na rin ako mula sa lupang binungkal ng aking ama pagkaraang silaban niya ang mga puno upang magkaroon ng kaingin."
"Ang sinisikap nga natin ngayon, mapaunawa sa mga nagsisipagkaingin pa rin na hindi mabuti iyon," sabi ni Mang Pisyong. "At ang kabutihang nagagawa ng mga NGO para sa kanila, sila mismo, ang mga kainginero, ang kinakatulong sa pagtatanim sa mga gulod na panot."
"Ang kaso po," mapait pa rin ang tinig ni Kiko, "maraming mga makapangyarihan sa ating mga kababayan, mayayaman, mga nasa kongreso at matataas ang puwesto sa pamahalaan ang siya pang nakasisira sa ating mga kagubatan. Sila ang mga illegal loggers. Mas higit po ang pinsalang nagagawa nila kaysa mga kainginerong tulad ng tatay ko."
"Totoo rin ang sinasabi mo. Kiko," malungkot ding ayon ni Mang Pisyong, "at hanggang hindi nasasawata ang pamiminsala ng mga illegal loggers, hindi mawawala ang panganib sa ating kapaligiran."
"Kung sana po naman, mabilanggo ang mga mayayamang taong nagkasalapi dahil sa pamiminsala sa ating mga bundok," sabi ni Inday.
"Kaya nga, tayong lahat, dapat laging magsuri sa pagkatao ng mga ibinoboto natin, sa mga taong hahawak ng pamahalaan, iyon ang una sa lahat," sabi ni Mang Pisyong. "Kapag tapat sa tungkulin ang mga pinuno ng barangay, alkalde, gobernador, kongresman, senador at pangulo ng ating bansa, matatakot gumawa ng masama ang naninira ngayon sa ating kapaligiran"
Gloria V. Guzman, Home Life