"Anak," malumanay at wari'y bantulot na wika ng ina kay Fernando. "Kailangang makapagpatuloy ka ng pag-aaral. Ang iyong tiyo lamang ang makatutulong sa atin para makapag-aral ka. Papayag ka ba na tumira sa Tiyo Fabian mo?"
"Opo, Nanay," walang atubiling tugon ni Fernando. "Kayo po ang masusunod; kaya lang magkakalayo po tayo."
"Hindi bale, Anak, madadalaw naman kita paminsan-minsan," wika ng ina na pilit pinasasaya ang mukha.
Maglalabindalawang taon na si Fernando Amorsolo nang magsimulang tumira siya sa kanyang Tiyo. Pinapag-aral siya sa Liceo de Manila. Sa isang paligsahan sa pagguhit, nagkamit siya ng unang gantimpala at pangatlong gantimpala naman sa aritmetika.
Ang kanyang angking talino sa pagguhit ay lalong naging matibay pagkat sa tuwi na'y namamasid niya ang mga paraan sa pagguhit ng kanyang Tiyo Fabian na may pangalan na rin sa larangang ito.
Nagpatuloy siya ng pag-aaral sa Pamantasan ng Pilipinas at isa siya sa kauna-unahang nagtapos ng sining sa pagguhit noong 1914. Nakita ng isang pilantropo na si G. Enriquez Zobel ang kakayahan ni Fernando sa pagguhit, kung kaya't siya'y pinagkalooban ng libreng pag-aaral sa Espana.
Ang iba't ibang pagkakataong makapag-aral sa ibang bansa ay nabuksan sa kanya dahil sa kaakit-akit na mga likha niya. Ang karaniwang paksa niya ay ang mga tanawing bukid, makasaysayang pangyayari at iba't ibang mga larawan ng tao tulad ng isang matanda o mayuming dalagang nayon.
Kapuri-puri ang kasanayan niya sa pagbibigay pansin sa pinanggalingan ng liwanag sa mga iginuguhit niya. Ito ang dahilan kung bakit naiiba ang kanyang mga likha at ipinahayag na siya ang pintor noong mga pandalampuang taon (1920's) hanggang sa sumunod na mga taon pa.
Naging director siya ng School of Fine Arts ng Pamantasan ng Pilipinas hanggang sa kanyang pagreretiro noong 1957. Ang kanyang naiwang mga alaala na bunga ng sipag at pagtitiyaga ang siyang susi sa pagiging isang Pambansang Pintor.