Kaisa-isang anak nina Aling Maria at Mang Juan si Ben. Mabait at matulungin si Ben. Nagmana siya sa kanyang mga magulang na mababait din naman. Isang araw, isang matandang pulubi ang kinaawaan ni Ben. Inuwi niya ang pulubi sa bahay, ipinagluto at pinakain. Isang araw naman, samantalang nangangahoy, isang matandang gutom na gutom ang nasalubong niya.
Pinakain din niya ito at binigyan ng damit.
Makaraan ang ilang panahon, nagkasakit si Ben. Sa kabila ng pagsisikap ng mag-asawa na pagalingin ang anak, lumubha ito at namatay pagkatapos. Ganoon na lamang ang iyak ng mag-asawa. Kinabukasan, habang nakaburol ang kanilang anak, dumating ang isang diwata. Hiningi nito ang puso ni Ben, Ibinaon ng diwata ang puso sa isang bundok. Ito ay naging punongkahoy na may bungang hugis-puso. Marami ang nakikinabang ngayon sa bungang ito.