Si Reyna Sima ay isa sa mga reyna na namuno ng isang kaharian sa ating kapuluan. Nakilala siya dahil sa katalinuhan, katapatan at sa mahigpit at maayos na pamamalakad sa panunungkulan.
Bago pa man dumating ang mga Kastila sa ating kapuluan ay pinagdarayo na ng mga mangangalakal na Arabe, Intsik at Hindu ang kaharian ng Kutang-Bato na pinamumunuan ni Reyna Sima. Ang Kutang-Bato ay siya ngayong Cotabato, isa sa pinakamalaking lalawigan sa Mindanao.
Sa pamumuno ni Reyna Sima, umunlad at namuhay nang tahimik at sagana ang mga taga Kutang-Bato. Mahigpit niyang ipinasunod ang mga batas at ang sinumang lumalabag sa ipinag-uutos ng Reyna ay pinarurusahan.
Kabilang sa patakaran na mahigpit na ipinatutupad ng reyna ay ang paggalang, paggawa, at katapatan ng kanyang mga tauhan.
Patuloy na dumarating at umaalis ang mga negosyanteng Intsik sa Kaharian ng Kutang-Bato. Napabalita ito dahil sa maunlad na kalakalan sa kaharian ni Reyna Sima at sa katapatan ng kanyang mga tauhan. Walang kaguluhan at walang nawawalang bagay sa sinumang mangangalakal habang sila ay nasa kaharian ng Kutang-Bato.
Minsan, isang negosyanteng Intsik na nakipagkalakalan sa kaharian ni Reyna Sima ang nakaiwan ng supot ng ginto sa isang mesa sa palasyo. Hindi ipinakibo ni Reyna Sima ang supot ng ginto sa mesa. Ipinagbiling mahigpit ng Reyna Sima sa kanyang mga nasasakupan na walang gagalaw ng naturang supot ng ginto. Ganito kahigpit ang utos ni Reyna Sima sa kanyang nasasakupan upang sa ganito ay muling datnan ng may-ari sa lugar na kanyang pinag-iwanan ang supot ng ginto.
Mula noon, lalong nakilala ang kaharian ni Reyna Sima dahil sa kahigpitan nito sa pagpapatupad ng kautusan tungkol sa katapatan.