Si Jesus at ang Matandang Bulag

Nang sampung taon pa lamang ang gulang ni Jesus, tulad ng ibang mga bata, mahilig din siyang maglaro at maglakad-lakad sa mga kalsada para maglibang.

Isang araw, sa pamamasyal niya, nakakita siya ng matandang lalakeng bulag na nag-babantay ng pinatutuyong palay. Nasa nakalatag na banig ang palay sa gitna ng daan. At ang matanda ay nasa bangko sa tabi nito.

Palibhasa'y bulag hindi nga makikita ng matanda ang mga manok na lalapit para tumuka sa palay na binabantayan, kaya ang matanda ay nakikinig lamang sa tok-tok ng tuka ng manok at bubugawin niya ang mga ito sa pamamagitan ng hawak na pamalo.

Nang makita siya ni Jesus, naisipan ng batang magbiro sa matanda. Umupo siya sa tabi ng banig na may palay at itinuktok ang daliri sa banig.

"Tuk- tok- tuk- tok."

"Su! Su!" sigaw ng matanda at iwinasiwas ang pamalo sa dakong kinariringgan ng tuktok.

"Tuk-tok! tuk-tok!" talagang nawiwili pa rin sa kanyang pagbibiro ang batang si Jesus.

"Su! Matigas ang ulo ng manok na ito, a," sabi ng matanda.

"Tuk-tok!"

Tuluyan nang nagalit sa "manok" ang matandang bulag at ibinato ang tangang patpat sa dakong kinariringgan ng tuktok. Tumama ang patpat sa balikat ni Jesus at anong laking himala!

Biglang nakamulat ang bulag at nakakita ng liwanag. Siya nga'y hindi na bulag at ang unang nakita niya ay isang batang lalake na nakangiti sa kanya.

"Naku, Totoy, tinamaan ka ba ng aking patpat? Ang binabato ko ay manok. Ikaw yata ang tinamaan ko. Ngunit ano itong himalang nangyari sa akin? Salamat po sa Diyos!"

Lumakad nang paalis si Jesus na hindi nagsalita habang ang matanda'y takang-taka pa rin sa pangyayari habang tuloy pa rin ang pagpapasalamat sa Diyos.

See also