Isang umaga, tinawag si Juan ng kanyang ina. "Anak, dalhin mo kaya ang baka natin sa bayan at ipagbili mo. Wala na tayong maibili ng ating mga kailangan."
Madali namang sumunod sa ina ang bata. Malapit na siya sa bayan, at hila-hila nga niya ang ipagbibiling baka nang may nasalubong siyang matandang lalake.
"Saan mo dadalhin ang baka?" tanong ng matanda. ,
"Sa bayan po, para ipagbili," sagot ni Juan.
"Gusto mo, palitan ko na lang siya nitong mahiwagang buto? Magic ito, makikita mo," alok ng matanda,
"Siyanga po? Mahiwaga?" Sapagkat bata, mahilig sa magic talaga si Juan, at madali ring mapaniwala. "Sige po, payag ako."
Iniuwi niya ang isang dakot na buto ng halaman na palit sa baka. "Nasaan ang perang pinagbilhan mo sa baka?" tanong ng kanyang ina.
"Wala pong pera. Ipinagpalit ko po ang baka sa mga butong ito. Mahiwaga raw po ito, sabi ng matanda."
Sa galit ng ina sa anak dahil nagpaloko raw ito, itinapon niya ang mga buto sa bintana. "Ikaw talagang bata ka, hanggang ngayon ay madali ka pa ring maniwala sa mga manloloko."
Nang magising kinaumagahan si Juan, nagulat siya na may punong mataba sa labas ng bintana niya. Lumabas siya para masdan ang bigla na lamang na lumitaw na puno at nakita niyang pagkataas-taas nito. Hindi niya maabot ng tingin ang tuktok nito dahil nasa mga alapaap na.
"Nanay, tingnan ninyo ang puno! Mahiwaga nga pala ang mga buto! Aakyatin ko po."
Inakyat nga niya ito at matagal bago siya nakarating sa tuktok. Sa itaas, may nakita siyang malapalasyong bahay at pumasok siya rito. May babaeng sumalubong sa kanya. "Naku! Bakit ka pumarito? Hindi mo ba alam na bahay ito ng higante? Naku, ayan na siya, dumarating! Tago ka diyan sa ilalim ng mesa at baka ka makita."
"Ho-ho! Ano ba iyong naamoy ko?" Malakas ang tinig ng higante. "May ibang tao ba rito?"
"Wala po," sagot ng babae. "Naaamoy lang po ninyo ang masarap na pagkaing luto ko. Sige po, kumain na kayo."
Umupo ang higante at kinain ang isang palangganang pagkain na inihain sa kanya. Nagpahid ng bibig at tumawag sa babae, "Dalhin mo rito ang manok ko."
Sa pagkukubli ni Juan sa ilalim ng mesa, nakita niyang ibinigay ng babae ang isang makulay na inahing manok sa higante. "Mangitlog ka, manok, at pagkatapos ay umawit ka para ako makatulog," utos ng higante at inilagay sa mesa ang hinahaplos na manok.
Kitang-kita ni Juan na lumabas sa manok ang isang gintong itlog na tuwang-tuwang isinilid sa bulsa ng higante. "Ngayon, patulugin mo ako sa pag-awit mo."
Pati ang tinig ng manok ay tila ginintuan din dahil madaling nahimbing ang higante. Dagling lumabas sa pinagtataguan si Juan, sinunggaban ang manok sa mesa, at nagtatakbo sa punong inakyatan niya.
Nang bababa na siya sa puno, biglang tumilaok ang inahin, "Tak-ta-la-ok!" Malakas at hindi na ginintuan ang boses nito, kaya nagising ang higante.
"Huy! Anong nangyari? Nasaan ang manok ko?" Nakita niyang halos nasa kalagitnaan na ng puno si Juan at ito'y hinabol niya.
"Inay, dali!" tawag ni Juan sa ina.
"Akina ang palakol. Hinahabol ako ng higante."
Pagkaabot sa kanya ng ina ng palakol, inihataw niya itong dali-dali sa puno. Halos nasa ibaba na ang higante nang maputol niya ang puno. Patay ang higante nang bumagsak ito sa lupa.
Naging mariwasa ang buhay ni Juan at ng kanyang ina dahil sa manok nilang umiitlog ng ginto. Hindi naman nila ipinagmaramot ang mga biyaya nila sapagkat tumulong sila sa maraming salat sa buhay.