Takang-taka si Paruparo habang minamasdan niya si Langgam na pabalik-balik sa paghahakot ng pagkain sa kanyang lungga sa ilalim ng puno.
"Ano ba iyang ginagawa mo, kaibigang Langgam? Mukhang pagod na pagod ka ay di ka man lang magpahinga?" tanong ni Paruparo. "Bakit di ka magsaya na tulad ko?"
"Naku, mahirap na," aniya. "Malapit na ang tag-ulan. Iba na ang may naipon na pagkain bago dumating ang tag-ulan."
"Kalokohan iyan. Tingnan mo ako. Hindi natitigatig," pagmamalaki ni Paruparo.
"Bakit nga ba?" Nagtataka si Langgam.
"Ganito iyon, e. Nakikita mo ba ang kaibigan ko sa damuhan?" inginuso niya ang nasa di kalayuan.
"Sino?' tanong ni Langgam.
"Si Tipaklong, kaibigan ko iyan, Alam mo, matapang ang kaibigan ko. Nabibigyan niya ako ng proteksyon. Baka akala mo, dahil sa kanya walang sigwang darating sa akin," pagyayabang ni Paruparo.
"A, ganoon ba?" sabi ni Langgam.
"Utak lang, utol. O, di pakanta-kanta lang ako ngayon dito. Ikaw lang e," sabi ni Paruparo.
"Wala akong inaasahan kundi ang aking sarili. Kaya kayod dito, kayod doon," mababa subalit madiin ang tinig ni Langgam. "O, sige, ipagpapatuloy ko muna ang aking gawain."
Pagkatapos ng usapang iyon nagkahiwalay ang dalawa.
Ang mga sumusunod na araw ay maulan. Hindi lamang mahabang tag-ulan. May kasama pang bagyo at baha. Mahirap lumabas at kung makalabas man wala ring matagpuang pagkain.
Lalong umapaw ang tubig. Walang madaanan ang tubig dahil malalim din ang mga ilog at dagat. Tumagal ang baha. Palubha nang palubha ang kalagayan dahil malakas pa rin ang pagbuhos ng ulan.
Ano kaya ang nangyari kay Langgam? Naroon siya sa guwang ng puno. Namamahinga. Sagana siya sa pagkain. Naisipan ni Langgam ang dumungaw upang alamin ang kalagayan ng paligid. Aba, ano ba ang kanyang nakita?
Nakita niya si Paruparo at Tipaklong na nakalutang sa tubig. Patay ang dalawa. Mayamaya'y dalawang mabilis na ibon ang mabilis na dumagit sa kanila.
Napaurong sa takot si Langgam sa kanyang nakita. Subalit nasabi pa rin niya sa kanyang sarili: "Kung sino ang may tiyaga, siya ang magtatamong pala."