Katatapos pa lamang naming maglaro ng basketball noong Biyernes na yaon. Si Karl at Bobby ay kasama kong nakaupo sa harap ng tindahan ng sarisari ni Mang Lucio at umiinom ng pepsi habang nagpapahinga.
Matamang nag-uusap kami tungkol sa aming malapit nang pagtatapos sa paaralan nang buhat sa madilim na karsada ay may nakita akong lumalakad na isang matandang lalaki. Pinagmasdan ko siya habang papalapit siya sa kinaroroonan namin. Matangkad siya, mahaba ang buhok, may balbas at nakasandalyas.
Tumigil siya sa pinto ng tindahan at nang makitang may mga tindang mga figurine sa isang eskaparate, siya'y pumasok. Binili niya ang isang figurine ng kalapating puti. Nang binabayaran niya ito kay Mang Lucio, sumulyap siya sa akin at ngumiti. Ako naman na halos namamalikmata rin sa pagtitig sa kanya ay napangiti rin.
Nang lumalabas na siya sa tindahan, hindi ko napigil na magtanong, "Ginagabi kayo, Tatang, Saan ba kayo pupunta?"
Tiningnan niya ako at ang sabi, "May pagbibigyan lang ako ng kalapating ito."
Nang makaalis na ang matanda, tinanong ko sa mga kaibigan ko kung nakita nila ang mukha nitong tila kay bait-bait. Wala naman daw silang napansin di-karaniwan.
Kinabukasan, sapagkat Sabado at walang pasok, tanghali na akong nag-almusal. Biglang may narinig akong kumakatok sa aming pintuan.
Nagulat ako nang makita ko si Tatang pagkabukas ko ng pinto. Pinatuloy ko siya sa kusina at inalok na kumain. Pinagbigyan naman niya ako, naupo sa harap ko, at kumain.
"Naibigay na po ba ninyo ang inyong figurine na binili ninyo?" tanong ko sa kanya.
Tiningnan niya ako, "John, bakit ka nawalan ng tiwala sa Diyos?"
Nagulat ako sa sagot niyang malayo sa tanong ko. Nanginginig ang tinig kong nagtanong, "Sino po kayo at alam ninyo ang aking pangalan?" Wala na akong nasabi pa at para akong nanghina at nangamba.
"Psychic ako. Nababasa ko ang mga nangyayari sa buhay ng tao kapag tumitingin ako sa mga mata nito. Bakit mo tinalikuran ang Diyos?"
Pinilit kong sumagot. "Kung mabait po ang Diyos, bakit namatay sa sakuna ang dalawang pinakamamahal ko sa buhay?"
Tumayo si Tatang. "Anak ko, kapag tapos na ang misyon ng isang tao sa mundo, siya'y pinaakyat na sa langit."
Inihatid ko si Tatang sa sasakyan, may pupuntahan daw siya sa kabilang bayan. Bago siya sumakay sa bus, dinukot niya sa bulsa ang kalapating figurine at iniabot sa akin.
Sa pagbabalik ko sa bahay, inilagay ko ang puting kalapati sa mesa. Umakyat ako sa silid para magbihis. Inisip ko na isasama ko sa aparador ng mga figurine ang kalapating bigay ni Tatang. "Sino nga kaya si Tatang?" Hanggang sa sandaling iyon tila naghihinala pa ako na may kababalaghang nababalot sa katauhan niya.
Pagbaba ko uli wala ang kalapati sa mesang pinaglagyan ko. Hinanap ko ito sa lahat ng dako na sisikdo-sikdo ang dibdib. "Tila nga mahiwaga ang nangyayari," nasabi ko sa sarili.
Napatingin ako sa labas ng bintana at sa sampayan doon, nakita ko ang isang buhay na puting kalapati. "Diyos ko, patawarin po ninyo ako, Diyos ko. Mahal ko po kayo."
Ngayong ako'y naririto sa seminaryo, may mga ilan na ring taong napangangaralan ako, mga taong nawawalan ng tiwala sa Diyos. Tao's-puso ang pagtulong ko sa kanila dahil katulad din nila ako noon.