Noong unang panahon ang paligid ay pawang kaliwanagan. Wala pa noong gabi sapagkat laging magkasama ang Araw at ang Buwan.
Bilang mag-asawa, pala-utos ang Araw sa Buwan. Hindi nito binibigyan ng kapantay na karapatan ang Ina ng Tahanan. Sobra naman sa bait si Buwan. Lahat ng utos ni Araw ay sinusunod niya. Kahit na ang ipinag-uutos ay dapat na suriin at pabulaanan.
Minsang magbalak mamasyal si Araw ay inutusan niya si Buwang ipaglaga siya ng mga dahon ng gabi.
"Kailangang puno ng nilagang dahon ng gabi ang palayok pagbabalik ko!" utos ni Araw sa nahihintakutang si Buwan.
"Pe... pero tiyak na uurong ang mga dahon ng gabing ilalaga ko," marahang paliwanag ng Buwan na mistulang sunud-sunuran sa kaniyang asawang naghahari-harian.
"Basta tiyakin mong puno ng dahon ng gabi ang palayok pagbabalik ko!" pasigaw na diin ng Araw sa nanginginig na maybahay.
Nag-iiyak nang nag-iiyak ang Buwan. Alam niyang hindi mapupuno ang palayok kapag nilaga sa kalan. Sapagkat lubos na mabait ang Buwan, pinagtiyagaan niyang lutuing mabuti ang mga dahon ng gabi. Pero kahit sikaping mapuno ang palayok ay hindi niya ito magawa. Lagi at laging may bakante pa ring lugar sa loob ng palayok na pinagpapakuluan.
Nang magbalik ang Araw at itanong ang mga dahon ng gabi ay napaihng ang Buwan.
"Gi...ginawa kong lahat ang makakaya ko pe....pero hindi ko mapunu-puno ang palayok sapagkat umuurong ang mga dahon ng gabing inilalaga ko."
"Laging ganiyan ka!" panumbat ng Araw. "Noong isang linggo pinapalitan ko sa iyo ng ibang kulay ang asul na karagatan pero di ka man lang nakasunod sa aking kautusan! At hindi ba pinakiusapan din kitang pantayin ang lahat ng burol at bundok sa kanluran pero ano ang ginawa mo? Ipinagkibit balikat mo lang ang utos ko!"
"Asawa mo ako at di utusan!" ngumatal ang boses ng galit na galit na Buwan. "Pantay lang ang ating karapatan. Kung utusan ang turing mo sa akin, mabuti pang tayo ay maghiwalay."
"Aba, kung yan ang gusto mo ay susundin ko," taas noong sagot ni Araw.
"Ako ang ina ng mga bata kaya kailangang sa akin sila sumama."
"Para mamatay sa lamig mo?" nanghahamong tugon ng Araw.
"Paano kung isasama mo sila? Tiyak na mamamatay sila sa sobrang init mo!"
"Sa akin dapat sumama ang mga bata. Ako ang ama nila!"
"Ako ang ina na laging kayakap nila!"
Nag-away ang dalawa. Sa paghahatakan nila sa mga anak ay nahulog ang mga bata sa kalawakan. Mabilis na hinabol ng Buwan ang mga anak na naging kumpol ng Bituin sa kalangitan. Ang Araw ay kuntento namang naghihintay na lamang sa kaniyang makinang na
trono sa kalangitan. Hinihintay pa rin niya ang pagbabalik ng asawa at mga anak.
Mapapansing sa umaga at katanghalian matatanaw natin ang mapagmalaki at magagaliting Araw sa kalangitan.
Sa gabi naman, makikita natin ang malamlam na liwanag ng Buwan at kikislap-kislap na mga Bituin sa kaitaasan.