Noong unang panahon may mag-asawang Manobo na naninirihan sa baybayin ng mga Isla ng Saranggani. Bagama't maginhawa ang kabuhayan, malungkot ang mag-asawa sapagkat hindi sila biniyayaan ng kahit na isang anak man lamang. Lahat ng uri ng mga halamang gamot na ipinayo sa kanila ay walang naidulot na mabuting epekto. Ito ang dahilan kung kaya malungkut na malungkot ang dalawa.
Sumangguni sila sa mga nakatatanda na nagpayong, "Kung hindi magamot ng tao, Diyos ang balingan ninyo."
Nagpasyang makipagkita kay Walian ang mag-asawa. Ang Esperatista ay nagdasal upang ihatid ng Diwata ng Pagdadalangtao ang kanilang kahilingan. Ilang buwan lang ang nakaraan ay tuwang-tuwa nang ibinalita ng babae sa asawa na siya ay buntis na. Nagpasalamat ang mag-asawa kay Bathala sa magandang handog sa kanila.
Isang malusog na sanggol na babae ang naging supling nila na pinangalanang Blunto. Lumaking napakaganda nito. Ipinagkakapuri ng mga tribung Manobo ang angking kariktan ni Blunto.
Bukod sa ganda, masipag na masipag din ang dalagita. Tinamnan niya ng makukulay na bulaklak ang paligid ng bahay nila. Magaganda ang lumaking mga rosas, ilang-ilang at kamya. Nakakatawag pansin ang bugambilya, santan at ehampaea. Nakakabighani rin ang rosal, dama de noehe at orkidya.
Parang may magneto ang mga kamay niya. Bawat halamang madiligan ay pinamumulaklakan. Bawat bulaklak na bumukadkad ay kinagigiliwan. Lagi nang nagpapasalamat si Blunto sa Araw at Buwan sa pagtanglaw nila sa mga bulaklak dumilim man o lumiwanag.
Isang gabi, habang pinanonood ni Blunto ang marahang pamumukadkad ng mga bulaklak ay nagulat siya sa isang parang panaginip na nabanaagan niya mula sa dagat-dagatan. Hindi siya nagkakamali. Isang makisig na binata ang sakay ng isang puting kabayong lumilipad sa alapaap.
Hindi alam ni Blunto na ang Araw at Buwang pinasalamatan na Hari at Reyna ng Kaitaasan ay natanawan siyang namimintana sa kanilang tinitirhan. Alam nilang mabuti ang kalooban ni Blunto na angkop na makilala ng kaisa-isa nilang anak. Iyon ang dahilan kaya parang panaginip na ipinatanaw nila sa dalagita ang katauhan ng anak nila.
Maya-maya pa ay biglang naglaho ang papalapit na sanang binata. Kinaumagahan, iniisip-isip ni Blunto kung panaginip nga lang ba ang nakita niyang makisig na binata, at puting kabayong lumilipad sa alapaap?
Isang umagang nagdidilig ng mga bulaklak si Blunto ay binulaga siya ng isang tinig. Paglingon niya ay hindi siya makapaniwala. Ang lalaking makisig sa kaniyang panaginip ang kaharap niya. Nakikiusap itong makikiinom sa matinding uhaw sa pamamasyal. Hindi na inusisa pa ng dalaga kung saan galing ang kausap niya. Para sa kaniya, sapat nang masaya siya habang kinakausap ng bisita.
Nakipagkilala ang makisig na binata. Sinabi nitong sa isang napakalayong lugar siya nakatira na mahirap puntahan ninuman. Naging pala-isipan kay Blunto ang misteryosong binata. Hindi na niya itinanong kung ito nga ba yung binatang nakasakay sa puting kabayong lumilipad sa alapaap. Sapagkat nahihiya naman siyang sundan at tingnan kung nasaan ang may pakpak na kabayo, nakuntento na siyang nakita niya ang maamong mukha at nangungusap na mga mata ng isang binatang taos pusong iibigin niya.
Laging hinihintay ni Blunto ang paglubog ng araw. Nangangahulugan kasi itong maaari na namang maligaw sa hardin niya ang makisig at mabait na binatang tinitingala niya.
Hindi nagkamali ng sapantaha ang dalagita. Tuwing hapon nga ay dinadalaw siya ng panauhin niya. Lubos na napagsino ni Blunto ang kabaitan at katapatan ng binata. Ang makisig na panauhin ay nabighani rin sa kagandahan ni Blunto. Bukod sa panlabas na anyo, ang binata ay humanga sa natural na pag-uugali ng dalagita. Matapat at simpleng-simple lang ang mga gawi nito. Mapagkakatiwalaan mo si Blunto. Naniniwala ang makisig na binata na hindi panlabas na anyo ang dapat maging husgahan ng isang nagmamahal. Kailangang may katuwaan ka sa puso kapag kasama mo ang dalagang pakakasalan mo. Kailangang iisa ang tinatanaw ninyong pangarap. Kailangang gusto mo siyang makasama sa buhay at kamatayan.
Pero bata pa si Blunto upang tumanggap ng seryosong pakikipag-ibigan. Sapagkat wagas ang pagmamahal, matagal ding naghintay ang binata.
Ilang taon din ang binilang bago tanggapin ni Blunto ang pag-ibig ng binata.
Nang sagutin siya ng matamis na oo ay ipinagtapat ng misteryosong ginoo ang kaniyang tunay na katauhan.
"Blunto, mahal ko, gusto kong malaman mo kung sino talaga ako."
Sinabi ng binata na anak siya ng Haring Araw at Reyna Buwan. Na bumaba siya sa lupang sakay ng puting kabayong may pakpak mula sa kaitaasan. Na ipinadala siya ng mga magulang upang ipasabi sa dalagang nakararating sa kanila ang mga dasal ng pasasalamat na siyang dahilan upang ang mga tanim niya ay mag-usbong at mamulaklak. Na natutuwa ang mga magulang niya sa pagkakaroon ng isang nilalang sa daigdig na may busilak na kaloobang hindi mapapantayan ng anumang kayamanan.
Binanggit din ng binata na alam na ng mga magulang niya ang damdamin nito sa dalaga. Na siya ay umiibig nang wagas kay Blunto. Na ipagsasama niya ang dalaga upang pakasalan sa kanilang kaharian sa kaitaasan.
Nang pituhan ng binata ang puting kabayo na nagkakanlong sa mga puno ay naniwala na si Blunto sa sinasabi ng binata. Totoo nga palang may puting pakpak ang kabayo na katulad sa panaginip na nabanaagan niya maraming taon na ang nakaraan.
"Hindi panaginip ang nakita mo, mahal ko. Ako yon na nagpakita sa iyo mula sa alapaap sa ibabaw ng dagat!"
Sapagkat matagal nang minahal ni Blunto ang misteryosong mangingibig ay pinakiusapan niya itong ipagpaalam siya sa mga magulang.
Sapagkat parang kabubukadkad pa lang na bulaklak si Blunto kaya tumutol ang mga magulang niya sa pagpa-paalam. Ayaw mawalay ng mga magulang ang nag-iisa nilang anak.
Nagtangkang magtanan ang magsing-irog pero nahuli sila. Lalo tuloy hinigpitan ang dalaga. Bilang parusa, ikinulong si Blunto sa bahay nila at itinaboy ang misteryosong binata. Sa sobrang kaiungkutan, ang dalaga ay nagkasakit. Lubos na nag-alala ang kasintahan niya. Kahit na anong sibat ang iharang ay nagmamakaawa pa rin itong dalawin ang kasintahan. Sa pagpupumilit ng binata ay naaawa naman ang mga magulang ni Blunto. Ibinase nila ang pagpapalaya sa anak sa matapat na pag-ibig ng binata. Sa takot na baka magkasakit na muli ang kaisa-isang anak ay pumayag na silang iuwi ng binata sa kaharian ng Araw at Buwan ang kaisa-isa nilang anak na pinakamamahal.
Nanindigan ang mga magulang ni Blunto na kailangan munang maikasal sa lupa ang dalawa bago umalis papuntang kaitaasan.
Simple subalit makabagbag-damdamin ang idinaos na kasalan. Magkahalong lungkot at saya ang nadama ng mga magulang ni Blunto. Saya na may makakatuwang na sa hirap at ginhawa ang anak nila. Lungkot, sapagkat maialayo na ang tanging anak na pinanggagalingan ng kanilang katuwaan sa araw-araw.
Pagkatapus na pagkatapos ng seremonya ay nagpaalam na ang mga bagong kasal. Sakay ng puting kabayong maglilipad sa kanila sa kaitaasan, dala-dala nila ang makukulay na bulaklak na pararamihin nila sa kaitaasan.
"Ama, Ina," luhaang pagpapaalam ni Blunto, "kung malulungkot po kayo ay tumingin kayo sa kalangitan at tiyak na makikita ninyo ang mga bulaklak na tanim ko. Kapag nakita ninyo ang mga makukulay na arko ng mga bulaklak ay tiyak na naroroon ako at tinatanaw ko kayo."
Mahigpit na niyakap ng mga magulang ang kaisa-isang anak at matapat na kinamayan ang manugang nila. Sa isang kisapmata ay nasa kalawakan na ang mga bagong kasal na kumakaway sa mga Manobong nagsisipagbunyi.
Ilang araw lang ang lumipas ay malungkot na ang ama at ina ni Blunto. Subalit tulad ng pangako ng anak ay matatanaw nga naman sa kaitaasan ang arko ng mga bulaklak na sa lupa ay parang makulay na bahag ng hari. Bagama't pinanginginigan ang mga labi ng kalungkutan ay mapapansin din naman ang katuwaan sa mga mukha ng mga magulang. Habang tumatagal ay lalong nagiging makulay ang bahaghari ng kalikasan.
Iyan ang alamat ng Bahaghari ng mga taga-Isla Saranggani sa Mindanaw.