Noong araw, sa isang liblib na nayon ay may mag-ina na naninirahan sa tabi ng kakahuyan.
Ang ina; si Aling Rosa ay isang relihiyosang babae. Palagi siyang nagdarasal, at sinanay din niya ang kanyang anak na lalaki na magdasal at mag-orasyon bago sumapit ang dilim.
Ang anak; si Juan ay isang mabuti at masunuring anak. Palagi niyang sinusunod ang utos ng kanyang ina tungkol sa pagdarasal. Bago dumilim, kahit saan sya naroon ay umuuwi siya upang samahan ang ina sa pag-oorasyon sa tapat ng kanilang bahay.
Maagang namatay ang asawa ni Aling Rosa, natutuwa naman siya at naging mabait ang kanyang anak na si Juan, na nakatuwang niya sa pagtatanim at paghahanap ng mga makakain.
Sa paglipas ng panahon, mabilis na tumanda si Aling Rosa, at si Juan naman ay naging isang makisig na binata.
Si Aling Rosa an nanatili na lamang sa bahay at palaging nagpapahinga, samantalang si Juan ay siyang naghahanap ng kanilang makakain sa araw-araw. At kahit mahina na si Aling Rosa ay hindi pa rin nila nakakalimutan ni Juan ang magdasal.
Minsan, habang si Juan ay nangunguha ng bungangkahoy sa gubat, isang babae ang kanyang nakilala; si Helena.
Si Helena ay lubhang kaaki-akit, kung kaya't agad umibig dito si Juan. At dahil sa panunuyo ni Juan kay Helena, gabi na ito nang makauwi.
"O anak, ginabi ka yata ng uwi ngayon. Hindi mo na tuloy ako nasamahang mag-orasyon," ang wika ni Aling Rosa sa anak.
"Pasensiya na po, Inay! Nahirapan ho kasi akong maghanap ng mga prutas sa gubat," ang pagsisinungaling ni Juan.
Dumalas ang pagtatagpo ni Juan at Helena sa gubat. Nahulog ng husto ang damdamin ni Juan sa dalaga. Hangang minsan, nabigla si Juan sa sinabi ni Helena.
"Hanggang ngayon ay hindi ko pa nararamdaman na tunay ang pag-ibig mo sa akin, kaya nagpasya ako na ito na ang huli nating pagkikita."
"Ngunit, bakit? Sabihin mo, paano ko mapapatunayan sa iyo na tunay ang aking pag-ibig. Sabihin mo at kahit ano ay gagawin ko," ang pagsusumamo ni Juan.
"Maniniwala lamang ako sa pag-ibig mo, kung dadalhin mo sa akin ang puso ng iyong ina na nasa iyong mga palad!" ang matigas na wika ni Helena.
Hindi makapaniwala si Juan sa narinig. Malungkot itong umuwi dahil binigyan siya ng taning ni Helena. Kailangan niyang madala ang puso ni Aling Rosa bago maghatinggabi
Nang dumating si Juan sa kanilang bahay ay agad siyang niyaya ni Aling Rosa na mag-orasyon. Nagtungo ang mag-ina sa harap ng kanilang bahay. Ngunit habang nagdarasal iba ang nasa isip ni Juan. Naiisip niya ang pag-iibigan nila ni Helena. At bigla, hinugot ni Juan ang kanyang itak at inundayan si Aling Rosa sa likod. Bumagsak sa lupa ang ina ni Juan, at kahit nanghihina na ay nagsalita ito.
"Anak, bakit? Ngunit anupaman ang iyong dahilan ay napatawad na kita. Ngunit humingi ka ng tawad sa Diyos! Napakalaking kasalanan ang nagawa mo sa iyong sariling ina," ang umiiyak na wika ni Aling Rosa.
"Dios ko po, Inay! Patawarin n'yo ako!" ang nagsisising nawika ni Juan na nagbalik sa katinuan ang isip. Umiyak nang husto si Juan lalo na nang pumanaw ang kanyang ina.
Kasabay niyon ay bigla na lamang nagbago ang anyo ni Juan. Siya ay naging isang maliit na hayop na may buntot. Si Juan ay naging isang butiki; ang kauna-unahang butiki sa daigdig.
Mula sa malayo, natanaw ni Juan si Helena na papalapit. Nasindak si Juan nang makita niyang si Helena ay naging isang napakapangit-pangit na engkanto. Humalakhak itong lumapit.
Sa takot, dagling gumapang si Juan papanhik ng bahay hanggang makarating sa kisame.
Nakita rin ni Juan ang engkanto, sa labis na katuwaan ay naging iba't ibang uri ng kulisap at insekto, at naglaro sa paligid.
Agad na pinagkakain ng butiking si Juan ang mga kulisap na napagawi sa kanya. At dahil doon ay hindi na nakabalik sa dating anyo ang engkanto, at nagtago na lamang ito sa mga halamanan bilang kulisap.
Nagsisi ng husto si Juan ngunit huli na. At bilang pag-alala sa kanyang ina, sinasabing si Juan at ang sumunod pa niyang lahi ay patuloy na bumababa sa lupa bago dumilim upang mag-orasyon.
At hanggang sa ngayon nga ay patuloy pa ring pinupuksa ng mga butiki ang mga kulisap na sa paniniwala nila ay mga engkanto.