Mapapansing nakahiwalay ang hinlalaki sa apat pang mga daliri natin. Noong unang panahon magkakasama ang limang daliri ng tao. Dahilan sa isang di inaasahang pagtatalo ay nagkaroon ng aberya ang grupo.
Ganito ang nangyari noon. Masakit na masakit ang tiyan ni Hinliliit kaya nagmamakaawa itong lumapit sa Palasingsingan.
"Parang awa mo na. Gutom na gutom lang ako. Maaari bang makahingi ng pagkain sa iyo?"
"Ano? Manghihingi ka ng pagkain? Heto nga at walang-wala rin ako. Paano kita mapagbibigyan sa hinihiling mo?"
"May awa ang Panginoon," sabi ng Gitnang Daliri. "Bibiyayaan tayo ni Bathala ng ipantatawid gutom natin. Ang mababait ay lagi nang pinagpapala Niya. Huwag kayong mawawalan ng pag-asa."
"Pero kapatid," giit ng Hintuturo, "paano kung hindi tayo pakinggan ng Diyos at walang dumating na anumang pagkain? Magugutom tayo at maaaring manghina at magkasakit at mamatay."
"Huwag ninyong hintaying mamatay kayo. E di ngayon pa lang ay magnakaw na tayo!" sigaw ni Hinlalaki.
"Ano ika mo, magnakaw?" galit na tanong ng Palasingsingan.
"Masama yon kapatid," protesta ni Hintuturo, "ang pagnanakaw ay isang malaking kasalanang di dapat gawin ninuman. Ang lahat ay nagsisikap mabuhay. Kung nanakawin mo ang naimpok ng iba, hindi naman ito makatarungan."
"Hindi bale nang mamatay ako sa gutom, huwag lang kumuha ng hindi akin." pagmamatigas ni Hinliliit na bagama't maliit ay may ipinakikipaglabang malaking prinsipyo sa buhay.
"Isang krimeng panlipunan ang pagnanakaw," sabi ng Gitnang Daliri.
"Hindi lang siguro krimeng panlipunan. Ito ay magiging kasiraan din ng ating angkan na nagsisikap mapanatili ang kalinisan ng pangalan!" paliwanag ni Palasingsingan.
"Ano bang angkan at lipunan ang pinagsasabi ninyo! Mamamatay kayo sa gutom kung hindi tayo magnanakaw. Gumawa na lang tayo ng kabutihan matapos busugin ang ating mga tiyan. Masamang mamatay na dilat ang mga mata sa gutom!"
"Aba! Aba!" giit ng Hintuturo, "Hindi baleng walang laman ang sikmura, huwag lang parusahan at ipakagat sa mga langgam!"
"O ipaglubluban ang ulo sa ilug-ilugan!" dugtong ni Hinliliit.
"O itali sa puno at painitan sa matinding sikat ng araw!" dagdag ng Palasingsingan.
"O ipiit sa kulungan at tanggalan ng kalayaan!" diin ni Hinliliit.
"Ano ba naman kayo," paglilinaw ni Hinlalaki, "sa simpleng pagnanakaw ay pinahahaba pa ninyo ang istorya. Talagang mga duwag kayo. Mamamatay na kayo sa gutom ay wala pa kayong maisip na solusyon sa problema ninyo. Isang malaking katangahan yan!"
"Kung gusto mong magnakaw, ikaw na lang at huwag mo na kaming idamay!" sabay-sabay na sagot ng apat na daliri.
Magmula noon, nagsama-sama na ang Hintuturo, ang Gitnang Daliri, ang Palasingsingan at ang Hinliliit.
Namuhay na mag-isa ang Hinlalaki na laging kasamaan ang pinupuntahan.
Iyan ang alamat ng mga Daliri.