Ang ninuno ng tribo ng mga Bagobo na ngayo'y naninirahan sa kagubatan ng Mindanao ay mga sakop ni Datu Duri. Ang kahulugan ng duli ay tinik pagka't siya ay laging nagbibigay ng ligalig sa kanyang mga kaaway.
Iilan pang taon ang nakalilipas sa kanyang pagka-Datu nang siya ay nagkaroon sa kanyang kabiyak ng isang tagapagmana ng kaharian. Ang bata'y pinangalanang Durian, na ang gustong sabihi'y munting tinik.
Nagpakita sa Datu ang Dakilang Bathala at ipinaalam sa ama na ang kanyang anak ay mabubuhay ng labingsiyam na taon lamang.
Lumakad ang mga araw. Nag-ugat sa puso ni Durian na mahalin ang sakop ng kanyang ama. Sa di-kawasa ay dumating ang malungkot na sandali. Ang sinabi ng Dakilang Lumikha ay natupad. Si Durian ay nagkasakit. Sinuman sa kaharian ay walang makapagbigay ng lunas. Ang Datu ay nalungkot at nawalan ng lakas na harapin ang katotohanan.
Hiniling ni Durian sa kanyang ama na kapag siya'y namatay ang kanyang bangkay ay doon ilibing sa ilalim ng durungawan ng kanyang ina upang maipagdasal ang kanyang kaluluwa sa lahat ng sandali. Ito ay natupad.
Sa ikasiyam na araw ay napansin sa libing ni Durian na may halamang sumisibol.
Nagtumulin ang mga taon. Lumago ang halaman, yumabong ang sanga hanggang sa ito'y namulaklak at namunga.
Isang araw, tinikman ni Datu Duri ang isang hinog na bunga. Nagsisunod ang mga kawal sa palasyo pati ng mga nasasakupan. Nakita nilang ang balat ng bunga ay manipis at maliit ang buto. Ang laman ay malasutla at matamis. Naniwala ang mga taong ito'y ibinigay ni Bathala bilang isang alaalang tagapagpagunita hinggil kay Durian noong nabubuhay pa siya.
Si Datu Duri ay matandang-matanda na. Isang taksil ang naggulo sa mga alipin upang pag-imbutan ang kanyang kapangyarihan at kayamanan. Ito'y si Sangkalan. Sa huli'y siya ang naging datu. Kanyang dinigma at pinasuko pati ang mga Bilaan at Manobos.
Napag-alaman ng Dakilang Bathala ang kasakiman ni Sangkalan. Kanya itong pinarusahan. Pinawalan ang kidlat at kulog. Nakatutulig na putok ang arinig pagkatapos ng ilang saglit may nakitang mahiwagang liwanag na nakabalot sa punong-kahoy na nakatayo sa libingan ni Durian.
Siniyasat ni Sangkalan at ng mga tao ang puno. Ang mga bunga ay nagkaroon ng malaki at maraming tinik na katulad ng rimas. Nagalit si Sangkalan at isinumpa ang Diyos. Pinagpalaluan ang Kanyang karunungan.
Noon di'y nangalaglag ang lahat ng mga bunga ng punong-kahoy at natabunan ang katawan ni Sangkalan. Nadurog ang kanyang bungo at nalamog ang buong katawan. Noon di'y itinanghal na bangkay si Sangkalan. Ang mga tao ay nasiyahan sa nangyari.
Nang buksan ng mga tao ang ilang bunga ng punong-kahoy, kanilang nakitang ang balat ay makapal at ang buto ay malaki, ngunit ang laman nama'y matamis. Nakatawag ng pansin ang masama nitong amoy.
Iyan ang kauna-unahang puno ng Durian.