May isang engkantadang naninirahan sa lawa ng Laguna. May gabing tila siya diyosa at may gabing parang ordinaryong dalaga lamang siya. Napaibig siya ng isang makisig na mangingisda. Ipinagsama siya nito sa pulo ng Talim.
Nagbunga ang nasabing pagmamahalan subalit takang-taka ang engkantada kung bakit tatlo ang mata ng isinilang niyang sanggol. Hindi niya alam na isinumpa siya ng mga nayadas sa lawang kaniyang pinananahanan. Hindi matanggap ng mangingisda na kakaiba ang anyo ng anak niya kaya napilitan siyang takasan ang responsibilidad sa dalagang dati ay minamahal.
Sa wagas na pagkalinga ng mga nayadas o nimpa ng Lawa ng Laguna ay nakabalik ang engkantada sa malinaw na tubig na tirahan niya bilang diyosa. Dala-dala niya ang sanggol na may tatlong mata. Nilalaro ito ng mga nayadas. Sapagkat hindi naman engkantada, naging suliranin ng mga diyosa kung paano bubuhayin ang bata. Napagkasunduan nilang ipaampon ang sanggol sa sinumang taong matapat na magmamahal dito.
Balot ng mga tuyong dahon ay inilapag nila ang sanggol sa pampang. Umawit sila ng mapanggayumang himig.
Ilang sandali lang ay parang hinihigop ang isang mangingisda sa kinalalagyan ng sanggol. Gulat na gulat ang mangingisda nang matanglawan ng ilawan niya ang pobreng kaluluwa na may tatlong mata na kaawa-awang nag-iiyak sa tindi ng lamig. Iniuwi niya kaagad ang bata sa kaniyang asawa. Noong una ay nabahala sila na baka may sa impakto ang sanggol pero kapag umiiyak na ay nadudurog ang mga puso nila. Sapagkat hindi sila biniyayaan ng sariling anak, inisip ng dalawa na handog mula sa kalangitan ang sanggol.
Bagama't may tatlong mata ay lumaking napakagandang dalaga ng anak-anakan nila. Laging pinipiringan ng magandang laso ang ikatlong mata nito upang hindi magimbal sa takot ang sinumang makakita dito.
Natutong umibig ang anak ng engkantada. Tulad ng inaasahan, naging napakalungkot itong karanasan sa kanya. Nang malaman ng binatang may ikatlong mata siya ay iniwan nitong nagdurusa ang dalaga.
Makalawang umibig ang dalaga. Ang masakit na karanasan ay naulit pa. Nagkasunud-sunod ang mapapait na karanasan sa pag-ibig ng anak ng engkantada. Nag-usisa siya sa mga nakagisnang magulang. Pilit niyang itinanong kung bakit kakaiba ang anyo niya sa ibang kadalagahan. Hindi maipaliwanag ng dalawa kung bakit may tatlong mata ang anak-anakan nila.
"Ba... bakit dalawa lang ang mata ninyo samantalang ang akin ay tatlo?" nag-uumiyak sa kalungkutang pagtatanong ng dalaga.
"Bigay yan ng Diyos sa iyo, ipagpasalamat mo."
Nang mag-usisa ang dalaga ay hindi na nakayang maglihim ng ina-inahan niya. Ipinagtapat nitong sa pampang ng Lawa ng Laguna siya biyayang nakita ng ama-amahan niya.
Mabilis na nagtatakbo ang dalaga papunta sa Lawa ng Laguna. Nanginginig ang mga tuhod na sumunod ang dalawa. Kitang-kita ng mag-asawa na parang hinihigop ng mga awit ng mga diyosa ang dalaga. Sila mismo ay hindi makapaniwala sa paglabas ng mga naggagandahang diyosa.
"Anak ko," sabi ng isa sa mga nimpa. "Ako ang ina mo. Alam kong naging malungkot ang buhay mo sa daigdig. Halika."
Umahon sa tubig ang engkantada at mahigpit na niyakap ang pinakamamahal na anak.
Pinasalamatan ng engkantada ang mag-asawang nag-aruga sa dalaga. Sa pagmamahal na iniukol ng dalawa ay inabutan sila ng engkantada ng mga perlas bilang pagtanaw ng utang na loob. Nagpakatanggi-tanggi ang dalawa at sinabi nilang sila ang dapat magpasalamat sapagkat matagal ding biniyayaan silang magkaroon ng isang maganda at mabait na anak. Nabagbag ang damdaming maka-ina ng engkantada. Sinabi niya sa dalawang magtungo kaagad sa bundok ng Sierra Madre. Doon daw sila tatanggap ng handog niyang kapayapaan. Pakiusapan daw nila ang lahat ng mababait na sumama sa kanila.
Ilang sandali lang ang lumipas ay nagdilim na ang langit. Kumulog at kumidlat sa paligid. Maya-maya pa ay bumuhos na ang malakas na ulan. Kung may iilang nagsisunod sa mag-asawa ay marami namang masasama, mapang-api at mapagsamantalang parang nang-uuyam pa sa pagtawa.
Tulad ng dapat asahan, ang mabubuti ay nailigtas at ang masasama ay nangalunod.
Ilang araw ding namalagi sa tuktok ng bundok ang mag-asawa kasama ng ilang may busilak ding puso. Damang-dama ng lahat ang galit ng engkantada. Nang humupa ang ulan at bumaba ang tubig ay nagpasalamat ang lahat. Laking tuwa nila nang muling sumikat ang araw. Nagbalik ang mag-asawa sa tabi ng lawa upang tingnan kung naroroon pa ang mga nimpa pati na ang anak na kanilang pinakamamahal. Subalit wala silang anino man lang na nakita. Sa halip ay napuna nila ang pagsupling ng isang halamang may malalabay na dahon.
Ang halaman ay naging puno. Ang puno ay namunga.
Laking pagtataka nila nang balatan ang bunga. Bumulaga sa kanila ang isang animo ulo na may tatlong mata.
Napakagat ng labi ang dalawa sa lungkot at saya. Wala na ang anak-anakan nila pero heto at may bungang kahawig ng anak ng engkantada.
Mula sa Lawa ng Laguna ay naulinigan ng mag-asawa ang matatamis na awit ng mga nimpa.
Iyan ang pinagmulan ng alamat ng Niyog na may tatlong mata.