Alamat ng Pagong - Second Version

Noong unang panahon, may isang masipag na mangangahoy na nagngangalang Agong. Ginagalugad niya ang gubat at pinuputol ang mga sanga ng puno. Bagamat malalaking sanga ang pinapalakol, hindi siya pumuputol ng katawan upang hindi mamatay ang mga puno na pag-aari ng kalikasan.

Mabait na mabait si Agong. Ang mga prutas na napipitas niya sa mga puno ay ibinibigay niya sa sinumang mahirap na pamilya. Nagtitira lang siya ng sapat sa kanyang ama at ina. Ang mga sanga naman ng puno na nakuha ay hinahati niya sa dalawa. Ang maliliit ay mga panggatong na ipinagbibili sa bayan. Ang malalaki naman ay ginagawa niyang mga bahay kubong maaaring tirhan.

Matapos itayo ang bahay kubo ay pinatitirhan niya ito sa mga kabataang inulila na ng mga magulang.

Sapagkat maraming kagubatan ang pinupuntahan, marami ring bahay kubo ang itinatayo ni Agong sa iba't ibang lugar.

"Tiyak na marami nang perang naipon yan." paniniyak ng isa sa limang mandarambong na kababayan habang inginunguso ang papaalis na si Agong.

Ngingisi-ngising nagbulungan ang lima na may masamang tangka sa kanilang kababata.

Pagabi na nang bumalik si Agong sa tinitirhang bahay sa paanan ng bundok. Pagod ito sa maghapong pamamalakol ng mga sanga ng puno at pagtitinda ng mga panggatong sa bayan. Kahit hapo na ay masaya naman si Agong sapagkat nalagyan na niya ng kawayang sahig ang kubo sa gubat at may naiuwi pa siyang sapat na salapi para sa mga magulang.

Kinagabihan, nang himbing na himbing na sina Agong ay inakyat ng limang mandarambong ang bahay ng kababata nila. Nanlaban si Agong at ang mga magulang nito. Subalit may mga itak ang mga masasamang loob na ginamit sa karumal-dumal na krimen.

Bago nalagutan ng hininga si Agong ay nasabi niya sa mga mandarambong na laban sa kabutihan ang ginawa nila bilang mga kriminal. Ibinunton niya ang lahat ng galit ng isang naghihingalong tinig nang sabihin niyang "Ma..ma...mamamatay ako pero i...isinusumpa kong pahihirapan kayo ng mga bahay na pinagpaguran kong gawin na inyong pinagnakawan at bukas ay aangkinin."

Nang ipikit ni Agong ang mga mata sa piling ng mga wala na ring buhay na ama at ina ay bumuhos ang malakas na ulan. Ang bawat patak sa mga bubong ay nagpakaba sa lahat. Para kasing mawawarak ng lumuluhang kalangitan ang kanilang mga tahanan. Sumabay sa nagsusungit na panahon ang nakasisilaw na mga kidlat at nakatutulig na mga kulog. Parang gusto nilang isigaw ang kawalang katarungang sinapit ni Agong sa mga kamay ng mga mamamatay. Nang lumindol ay nagyakap-yakap ang mga ina at mga anak. Parang idinuduyan ang mga tao sa loob ng kanilang mga dampa. Nang masilip ng lahat sa siwang ng mga bintana na tila tumataas ang tubig ay nagbabaan sila.

Sa oras ng kagipitan ay basang-basang nagsitakbo sa bundok ang mga mamamayan. Pinuntahan nila sa tuktok ang Bathala ng Katarungan na may malaking gong na maaaring patugtugin upang masiguro ang pangkalahatang kaligtasan.

"Bathala ng Katarungan.-.Bathala ng Katarungan," malakas ang tawag nila sa kaluluwa ng Bathala ng Kalikasan. "Pa...gong po...Pa...gong po...kailangang mapatugtog na ang gong upang maligtas ang lahat!"

Ipinalo ng may pinakamatipunong katawan ang bakal sa gong habang nanginginig sa lamig ang bata at matanda, dalaga at binata, ama at ina, mabubuti at masasama. Nakapagtatakang unti-unting humina ang ulan at bumaba ang tumataas na tubig na nagpalubog na sa mga nakapaligid na bahay-bahay.

Kinabukasan ay nagbalik sa kani-kanilang tahanan ang mga mamamayan. Takang-taka silang nangabasa lang at hindi nasira ang kani-kanilang bahay.

Ang nangawala ay mga bahay na itinayo ni Agong sa ibat-ibang lugar. Nang dalawin ng magkakapitbahay ang tahanan ni Agong ay nadatnan nila ang malamig na mga bangkay ng binata at ng mga magulang nito.

May isang burdadora na nagkuwentong natanawan niya mula sa kalayuan na may limang aninong pumanhik sa dampa ni Agong.

Dinugtungan ito ng isang magpapawid na may kalabugan daw siyang naulinigan sa bahay nina Agong bago bumuhos ang ulan.

Matapos paglamayan at mailibing ang mga pinaslang ay takang-taka ang lahat nang makita nilang may limang hayop na may pasang bahay-bahayan ang hilahod na naglalakad sa putikan.

Ta... parang gong!" Parang gong daw ang mga bahay-bahayang nasa likod ng mga hayop.

Sapagkat hindi na rin nila nakita ang limang kinatatakutang kriminal ay nahinuha nilang sila at walang iba pa ang pumatay kina Agong.

Bilang pag-alala kay Agong, ang limang hayop ay tinawag nila mula noon na Gong... na sapagkat ginamit ang gong ni Bathala ay nauwi sa Gong o Pa... gong na ngayon ay naging Pagong.

Iyan ang pinagmulan ng alamat ng Pagong.

See also