Noong unang panahon mga bathala lamang ang naninirahan sa sandaigdigan. Ang kalupaan, ang karagatan at ang kalangitan ay pinamumunuan ng tatlong makapangyarihang bathala.
Si Haring Araw ang Bathala ng Kalangitan, si Haring Alon ang Bathala ng Karagatan at si Haring Bato ang Bathala ng Kalupaan.
Si Haring Araw na Bathala ng Kalangitan ay sikat na sikat na bathala sa pagkakaroon nito ng isang napakagandang anak na kung tawagin ng lahat ay Buwan na pinalayawan naman niyang Luna.
Isa sa mga libangan ni Luna ay pamamasyal sa iba't ibang lugar. Bago siya umalis sa kanilang kaharian ay nagpapaalam muna siya sa Haring Araw. Sapagkat gusto ng ama na maging kalugud-lugod ang paglalakbay ng kaisa-isang anak, lagi niya itong pinasasakay sa gintong karwahe kasama ng ilang piling dama. Ang nasabing karwahe ay inililipad ng dalawang kabayong may puting pakpak. Laging nagiging kasiya-siya para kay Luna ang lahat ng pamamasyal niya. Narating na niya ang iba't ibang lugar sa kalangitan. Natuwa siya nang ilapag siya ng gintong karwahe sa makakapal na ulap sa kanluran. Nalugod siya nang huminto sila sa tuktok ng bahaghari sa silangan. Napamangha siya nang umangkas ang karwahe sa planetang Saturno at dalawin ang nagkikinangang bituin sa hilaga.
Sa tuwing nagbabalik si Luna sa kaharian ng ama ay walang humpay siyang nagsasalaysay sa Bathalang Araw. Natutuwa ang Bathala kapag nalalaman niyang naging kaiga-igaya ang paglalakbay ni Luna. Para sa Bathala, ang kaligayahan ng anak ay kaligayahan din niya.
Dumating ang araw ng pagdadalaga ni Luna. Ipinaliwanag niya sa ama na sapagkat ganap na dalaga na ay mapapangalagaan na niya ang sarili. Ipinakiusap niyang makakaya na niyang huwag magsama ng mga dama sa pamamasyal. Noong una ay bantulot ang Haring Araw. Pero sa kapapakiusap ay pinagbigyan niya ang anak. Bagamat pumayag sa kapritso ni Luna, si Haring Araw ay may hiniling sa kaisa-isang anak.
"Luna," pagbibigay diin ni Haring Araw, "papayagan kitang maging malaya sa pamamasyal mo sa iba't ibang lugar. Ang tanging ipagbabawal ko lang sa iyo ay ang pagpunta sa kalupaan at karagatan."
"Pe... pero bakit po?" usisang tanong ni Luna.
"Basta ipinagbabawal ko." galit na wika ni Haring Araw. Hindi na nito ipinaliwanag sa anak na natatakot siyang baka makatagpo ng iibiging binata si Luna sa dalawang kahariang katunggali ng kalangitan.
Lalong naging masidhi ang pagnanais ni Luna na madalaw ang ipinagbabawal na kalupaan at karagatan. Sa loob-loob niya wala naman siyang sinumang tinatapakan kaya hindi siya dapat na mag-alinlangan.
Minsan ay sumakay si Luna sa gintong karwahe upang mamasyal. Sinadya niyang huwag magpaalam kay Bathalang Araw upang pagsadyain ang kalupaan at karagatan.
Natuwa ang dalaga nang marating niya ang kalupaan. Natanaw niya ang mga punong hitik ng bunga sa mga kagubatan. Nakita rin niya ang makukulay na bulaklak na namumukadkad sa mga kabundukan. Napansin din niya ang mga tao at hayop na masayang nakikipamuhay sa isa't isa.
Inilipad din si Luna sa karagatan. Nang mapansin niyang tila may malawak na paligid na mapagsasalaminan ay bumaba ang dalaga sa mga along nagtatakbuhan. Gandang-ganda si Luna sa karagatan. Sinilip ni Luna kung ano ang makikita sa kristal na tubig. Natuwa siya nang mapansin ang isang libo at isang isdang naglalanguyan. Nagtataka siya kung bakit ipinagbabawal ni Haring Araw ang pagbisita niya sa kalupaan at karagatan. Sa tingin niya, kapwa may gandang ipinagmamalaki ang dalawang kaharian na hindi makikita sa kalangitan. Sa katuwaan ni Luna sa pagkakatuklas sa dalawang bagong kaharian, dali-dali siyang nagtatakbo sa kalupaan at may ngiting nanungkit ng mapupulang makopa sa kagubatan at namulot ng mga sigay sa dalampasigan. Nang mapagod ay naglunoy siya sa malamig na tubig ng karagatan. Pero hindi alam ng dalaga na may mga mata palang malugod na nagmamasid sa kaniya. "Saan ka nanggaling magandang binibini?" Napamulagat si Luna nang lingunin ang pinanggalingan ng tinig. Isang makisig na binata ang nagtatanong. Gusto sanang lisanin kaagad ng nahintakutang dalaga ang dagat subalit nang makitang nakangiti ang nagtatanong ay nagkalakas siya ng loob na sumagot.
"Ako si Luna, anak ni Haring Araw. I... ikaw... sino ka?"
"Ako si Alon, anak ni Haring Dagat. Huwag kang matakot, Luna. Umahon ka na. Ipapasyal kita sa buong
karagatan upang makita mo ang kagandahan ng kapaligiran sa aming kaharian."
Natuwa si Luna sa napakabait na pakikitungo sa kanya ng binata. Hindi niya alam na ang pagkagiliw niya rito ay pasimula na ng wagas na pag-ibig. Magmula noon ay naging magkapalagayang loob ang dalawa.
Sa tuwi-tuwina ay sakay ng gintong karwahe si Luna na bumababa sa karagatan. Isinasakay ng dalaga si Alon sa karwahe upang mamasyal sa kalupaan. Ipinagtapat ni Luna na pinagbabawalan siya ni Haring Araw na magpunta sa kalupaan at karagatan. Ipinagtapat din ni Alon na ayaw din siyang payagang magpasyal sa kalupaan at kalangitan. Nabuo sa isip nila na ang pagbabawal ay pagpapatunay sa away lahi ng tatlong kaharian. Kalaban ni Haring Araw si Haring Dagat at si Alon at Luna ay hindi dapat maging magkaibigan, lalo higit na di dapat magmahalan bilang magkasintahan.
Pero pinagtagpo sila ng kapalaran. Napagkasunduan nila na sa halip na sa karagatan at kalangitan ay sa kalupaan na lang sila mamasyal. Iiwan ng magsing-irog ang karwaheng ginto sa gubat at mag-aanyong tao upang makisalamuha sa lahat.
Masayang-masaya sina Luna at Alon sa buhay nila kaya nangako silang mag-iibigan hanggang kamatayan.
Kapwa naglihim ang magsing-irog sa kani-kanilang mga magulang. Nagkikita sila sa kalupaan tuwing madaling araw at umuuwi sa kani-kanilang kaharian kinahapunan... si Luna sa mataas na kalangitan, si Alon sa malalim na karagatan.
Pero isang katotohanang walang lihim na hindi nabubunyag. Minsan sa sobrang katuwaan ay naisalaysay ni Luna sa isa niyang pinsan ang pakikipagtagpo niya sa kasintahan. Nagsumbong ang naiinggit na kamag-anak sa Haring Araw. Sa galit nito, ipinakulong si Luna sa makapal na alapaap na nabababantayan ng mga bituin.
Ipinasabi rin ng Haring Araw kay Haring Dagat ang kalapastanganan ni Alon na pagpapaibig sa isang mortal na kaaway. Hinamon ni Haring Araw si Haring Dagat sa isang digmaan na muntik nang matuloy kung hindi lamang namagitan ang Hari ng Kalupaan na pawang pakikipagkaibigan ang inihahain alang-alang sa kapayapaan.
Bilang parusa kay Alon, ipinakulong ito ng Haring Dagat sa madilim at makapal na kuweba ng putik at burak sa kailaliman ng karagatan.
Ang tunay na pag-ibig ay wagas na pagmamahal. Gumawa ng paraan si Luna na makawala sa makapal na alapaap sa tulong ng kanyang mga dama na naawa sa matapat na pag-ibig na iniluha niya.
Nagmamadaling sumakay sa gintong karwahe si Luna. Tinungo ni Luna ang kalupaang tagpuan nila. Narinig ni Alon ang mabilis na pagtakbo ng mga kabayo ni Luna at nabanaagan niya sa tubig ang nagliliwanag na larawan ng dalagang sinasamba. Nagpumilit makalabas si Alon sa kweba sa pamamagitan ng malakas na pagdamba na nakapagpalindol sa ilalim ng karagatan at lalong nagpataas ng tubig sa may pampang.
Naghintay nang naghintay si Luna subalit hindi nakaalpas sa pagkakakulong si Alon. Malungkot ang pusong nagbalik si Luna sa kanilang kaharian. Sinasabing sa tuwing maaalala ng dalaga ang paghihirap ng binata ay sumisigaw siya sa gintong karwahe at bumababa sa karagatan sa pag-asang makikita pa niya ang nawawalang kasintahan.
Pinaniniwalaan ng mga mangingisda na may mga oras na naglulunoy sa dagat si Luna. Sapagkat si Luna at ang Buwan ay iisa, sa tuwing isasawak ni Luna ang buong katauhan sa tubigan ay parang isinasawak nito ang buong buwan sa karagatan. Kapag nangyayari ito, tumataas ang tubig sa karagatan at napupuno ng alon ang dalampasigan.
Iyan ang sinapit ng malungkot na pag-iibigan ni Luna at ni Alon. Iyan din ang pinagmulan ng alamat ng pagtaas ng tubig sa karagatan.