May grupo ng mga katutubong minsan ay nangubat. Dala nila ang mga pana at sibat. Sa kahahabol sa isang malaking baboy-damo ay narating nila ang dati'y misteryosong Bundok Cordillera. Takang-taka sila sapagkat nang lalapitan nila ang nasibat na hayop ay bigla itong nawala sa ilalim ng puno ng Balete. Tanging patak ng dugo lamang ang naiwan nito. Napakamot sila sa ulo sapagkat tiyak nilang naasinta sa katawan ang mabangis na hayop. Sa matinding hapo ay namahinga muna ang magkakaibigan sa paanan ng bundok.
Sapagkat may mga sabi-sabing may mga malignong nananahan sa lugar na iyon kaya tinapangan nila ang sarili. Sinabi nilang wala silang ginagawang masama at kahit ano pang maligno ang makaharap ay di nila ito dapat ikabahala.
Ang malignong naglalaro sa isipan ay nagpakita nga. Nagulat sila nang sa kanilang pamamahinga ay gambalain sila ng ilang kalalakihan at kababaihang bagamat nangakangiti ay kakaiba naman ang anyo sa karaniwan. Makikisig ang mga kalalakihan na may matipunong pangangatawan. Magaganda naman ang kababaihan na may mahahabang buhok na nakalugay. Kahit sila ay nangakasuot ng puti, kataka-takang parang nakaangat sa lupa ang makikinis nilang mga paa.
Napagsino ng mga katutubong hindi mortal na tao ang mga lalaki at babaeng papalapit sa kanila.
Bilang paggalang, tumindig, yumukod at bumati ng magandang tanghali ang mga katutubo.
"Mukhang pagud na pagod kayo," pag-aalalang sabi ng mga kababaihang may mabibilog na mga mata.
"Napagod po kami sa paghabol sa isang baboy-damo!"
"Baboy-damo? Marami kaming baboy-damo dito. Pero hindi namin ito pinapatay. Inaalagaan namin ito dito sa kabundukan."
"Ikinalulungkot po namin ang paghabol dito."
Ang paghingi ng paumanhin ay ikinatuwa ng mga lalaki at babaeng sa tunay na buhay ay mga bathala ng kabundukan.
"Huwag kayong humingi ng paumanhin. Hayaan ninyo at hahandugan namin kayo ng iba pang makakain. Pero sumama muna kayo at pagsaluhan natin ang aming pananghalian."
Naging masaya ang pag-uusap ng mga katutubo at ng mga bathala. Napansin ng mga katutubo na maganda ang pagkakaayos ng mesang kainan. Nakalatag dito ang mga dahon ng saging. May mga inihaw na isda na nakapatong sa mga balat ng puno. May mga panghimagas ding santol, lansones, bayabas at manggang nakahain. May mga tinapyas na bukong nakaaalis ng hirin. Aanyayahan na sana ng mga bathalang dumulog ang mga katutubo nang maalala nilang kulang pa ang nakahandang pagkain. Sinama ng mga bathala ang mga katutubo upang kumuha ng tig-iisang biyas ng kawayang nakasalang sa malaking kalan.
"O kumpleto na ang lahat. Dalhin ninyo ang biyas ng kawayan at dumulog na tayo sa mesang kainan."
Nagsimulang hatiin ng mga bathala ang mga biyas ng kawayan. Itinaktak nila ang mga laman nito sa mga dahon ng saging.
"O magsikain na kayo."
"Ayaw po namin ng mga puting uod!" sabay-sabay na tanggi ng mga katutubo.
"Hindi mga uod ito. Nilutong pagkain ito mula sa palay!"
"Pa...pa...lay? Pa...pagkain?"
"Oo, tikman ninyo," giit ng mga bathala. "Ito ay pagkain. Sige, kain. Kainin ninyo. Isabay ninyo itong kainin sa anumang inihaw na hayop mula sa gubat o isda mula sa ilog o dagat."
"Ka...Kainin? Ka...Kanin?"
"Ang puting pagkaing ito ay makapagpapalakas sa inyo."
Masarap na kinain ng mga bathala ang nakahaing isda at malinamnam na kanin.
Gumaya ang mga katutubo. Nagustuhan nila ang puting bagay na pinag-anyayang kanilang kainin. Masarap ang inihaw na isda, inihaw na bangus, hito at tilapia, ang sariwang prutas, ang malamig na sabaw ng buko at malinamnam na bunga raw ng palay.
Matapos kumain at makapagpahinga, nag-usisa nang nag-usisa ang mga katutubo kung ano raw ba ang kanin at kung saan ito galing.
Tumindig ang isa sa mga bathala. Isinama nito ang mga katutubo sa gilid ng bundok. Nagulat sila nang matanawan ang mga tanim na halamang animo mga gintong butil.
"Palay ang tawag sa mga halamang may mga butil na ginto. Ginto ang kulay niyan sapagkat napakahalaga. Ang lahat ng mahalaga ay hindi kaagad-agad nakukuha. Kailangan itong itanim, patubigan, gapasin at bayuhin bago mapakinabangan ng sangkatauhan. Nakasalalay dito ang lakas ng sambayanan." pagbibigay pahalaga ng bathala.
Taano po kami mabibiyayaang magkaroon ng palay?"
"Bibigyan ko kayo ng mga butil nito. Itanim ninyo, payabungin, paramihin at maari na ninyo itong maisaing."
Laking pasasalamat ng mga katutubo. Sa kanilang pagbaba sa bundok ay tuwang-tuwa silang nagpasalamat sa mga bathala.
Nang malayu-layo na sila at lingunin ang mga bathala upang kawayan at magpaalam ay nagulat sila sapagkat wala sila isa mang natanawan. Ang tanging napansin nila ay ilang baboy-damong gagala-gala na parang tuwang-tuwang nangagtatakbuhan.
Napabilis ang paglalakad ng mga katutubo. Kinalimutan nilang may mga kababalaghang totoong nagaganap sa ating kapaligiran. Pero nang mapansin nilang gintung-ginto pa rin ang kulay ng mga palay ay napangiti sila sa kayamanang naipamana ng mga bathala sa mga magsasakang isisilang sa mga kabukiran.
Diyan nagsimula ang alamat ng Palay.