Ang diwata ay pangit, talagang napakapangit! Ang mukha ay mapula at kulubot. Ang mga mata'y singningas ng apoy. Ang saplot ay matandang kasuotan. May pulupot na basahan ang kamay. Siya'y pilay kaya pahingkud-hingkud kung lumakad.
Ang kanyang bahay ay nakatayo sa magandang dalampasigan. Kaakit-akit ang kanyang tahanan dahil sa taglay nito ang lahat ng kulay ng bahaghari. Ang looban ay natatamnan ng sarisaring halamang namumulaklak. Ang mga taong dumaraan doo'y panay na papuri ang bukambibig. Ang mga punongkahoy ay may mga bungang nakasisilaw sa mata kung tamaan ng silahis ng araw.
Isang umaga, isang batang lalaki't isang batang babae ang lumisan ng kanilang tahanan. Sila'y maralita at hindi pumapasok sa paaralan. Sila'y naging palaboy at walang tirahan.
Sa kabila ng lahat ng kahirapan ang dalawa'y maligaya. Laging naibubulalas nila ang mga salitang "Ang langit ay asul at ang bundok ay luntian." Sa pagtitig nila sa mga mga ibon at batis, sila'y nagsasalita ng "Mataas ang lipad ng ibon at ang lagaslas ng ilog ay parang panaginip." Ang mga nakikita nilang tanawin araw-araw ay sapat nang magpatighaw sa pagnanasa nilang magkaroon ng magandang tirahan at perang panakip sa pangangailangan.
Sila'y naglibot at nakita ang bahay ng diwata. "Ligaya, masdan mo ang magandang bahay na iyon," sabi ng batang lalaki.
"Nakikita ko, Malakas," ang sagot. "May halaman. Naaamoy ko ang halimuyak ng mga bulaklak. Nakatatakam ang mga bungang pinilakan at ginintuan na nangagbitin sa mga sanga ng kahoy," ang dugtong pa.
"Tayo pumasok sa hardin," ang alok ni Malakas.
"Walang tumitira rito," ang sagot ni Ligaya.
Binuksan ng dalawa ang tarangkahan ng halamanan. Sa mga unang sandali, sila'y hintakot nguni't lumagay ang loob nang malaunan. Walang umiino sa kanila. Sila'y namupol ng mga bulaklak. Si Malakas ay umakyat sa punongkahoy. Kumain siya at pinatakan si Ligaya ng matamis na bunga.
"Walang nakatira rito!"
"Oo, noong ako'y bata pa, may isang mamang nagkuwento sa akin tungkol sa lunang katulad nito. Huwag na tayong umalis," sabi ni Ligaya.
"Ako'y ulila nang lubos. Wala maghahanap sa akin," sabini Malakas.
"Gayon din sa akin," sagot ni Ligaya.
"Ako'y palibot-libot upang humanap ng trabaho upang may makain. Huwag na natin lisanin ang loobang ito."
Naligayahan ang mga bata kaya lumipas ang mga oras. Nakalimot sila kung saan sila naroon.
Dumating ang diwatang galing sa dalampasigan. Siya'y hihingkod-hingkod. Siya'y langhap nang langhap pagka't may naamoy na ibang tao. Lalo siyang pumangit sa kapipisngot.
"Bakit kayo nangahas pumasok dito?" ang bungad na tanong. "Ano ang ginagawa ninyo?" patuloy pa.
Natakot sina Malakas at Ligaya.
"Bakit ninyo pinupol ang aking mga bulaklak at kinain ang aking mgabunga?" sigaw ng matanda.
Naglakas-loob sumagot si Malakas, "Mawilihin po kami sa bulaklak. Gusto po naming... gusto ang prutas... mga prutas..."
"Bakit hindi muna kayo humingi ng aking pahintulot? Mga pangahas!"
"Inaamin po namin ang kasalanan. Kami po'y handang magbayad.
Kami po'y mga ulila. Gawin na po ninyo kaming inyong alila! Handa kaming magsilbi!"
Pinagulong-gulong ng diwata ang malalaking mata. Pinakisay niya ang buong katawan, pinangiwi-ngiwi ang labi at nag-isip.
"Nauunawaan ko. Pakikinabangan ko kayo."
Siya'y bumulong ng mga salitang maysa-engkanto at namangha ang dalawang bata. Siya kapagkaraka ay naging isang magandang diwata. Siya'y may tangang mahiwagang baston. May nakakabit na bituin sa dulo.
Patakang nagsalita si Malakas, "O, magandang diwata!"
Ibinaba ni Ligaya ang kanyang mga kamay na nakatakip sa kanyang mga matang nasilaw sa liwanag. Nakita niya nang harapan ang diwata. Siya'y may tangang mga bagwis na yari sa bulaklak.
"Yayamang mawilihin kayo sa bulaklak, kayo'y gagawin kong hardinero. Mula ngayo'y mahahagkan ninyo ang aking mga bulaklak at maaari kayong magpasasa sa aking mga bunga!"
Dinantayan ng diwata ng kanyang mahiwagang baston ang dalawang bata at sa ilang iglap sila'y nagkapakpak. Sila'y nagpadapu-dapo sa mga halamanan.
"Ako ngayo'y magandang paruparo!" sabi ni Malakas.
"Ako rin!" sang-ayon ni Ligaya. "Masdan mo ang aking mga pakpak. Itim, asul, at luntian at kulay-kahel!"
"Sa halamanang ito tayo mabubuhay nang mahabang panahon!" Sabi ni Malakas, "sapagka't tayo ngayo'y mga paruparo ng diwata!"