Sa Taal nakamalas ng unang liwanag ang magkaibigang Lakan Tindalo at Magat Mandapat. Ang una ay mariwasa samantalang ang huli ay isang dukhang magsasaka.
Si Mandapat ay lumaki sa kalinga ni Datu Balkote na nag-aruga sa kanya nang siya'y maulila.
Laging magkasamang parang kambal ang magkaibigan lalo kung nagbubungkal ng lupa at nangangaso ng usa at baboy-ramo sa kagubatan.
Napabalita sa kanilang balangay ang tungkol sa nawawalang kaharian. Ang magkaibiga'y nagkaisang hanapin ito. Kanilang ginalugad ang kalawakan ng dagat. Sila'y napadpad sa isang pulo nang abutan ng malakas na bagyo.
Sila'y inusig ng maykapangyarihan sa pulo. Nagmatuwid sila na sila'y mangingisdang itinaboy roon ng masamang panahon. Lingid sa kanilang kaalaman ang pulo palang iyong kanilang kinapadparan ay ang hinahanap nilang nawawalang kaharian.
Ang puno ng pulo ay haring malupit kaya masasabing ang pook na iyo'y bayang walang Diyos.
Ang magkaibiga'y idinulog kay Datu Pasig bilang mga bihag. "Inyong Kamahalan, narito po ang aking natuptop na mga espiyang nagmamanman sa ating tanggulan nang malaman ang ating lihim. Sa gayo'y madali nilang malulusob ang ating kaharian bilang mga kaaway."
Iniutos ng hari sa berdugo, "Dalhin sa bartolina at parusahan. Hampasin ng latigo nang makasanlibong ulit!"
Narinig ni Dayang Sumilang ang utos ng ama. Siya'y nagsalita, "Maawa ka po sa kanila! Wala silang kasalanan. Kung sila'y parurusahan, sakaling ang ating mga kampon ay maglakbay sa kanilang kaharian, ganyan din ang gagawin sa ating mga kabig!"
"Mahusay ang iyong pangangatwiran, Anak. Babaguhin ko ang aking utos. Sila'y akin palalayain. Ituturingko silang panauhin natin."
Gayon na lamang ang pasasalamat ng dalawang magkaibigan. Si Magat Mandapat ay naging tagahanga ng prinsesa mula noon.
Pagkalipas ng mga araw nabatid ng magkaibigan ang mga kalupitan at kabuktutang nagaganap sa kaharian. Ibang-iba ang lakdaw ng buhay na kanilang namasdan sa Pasig. Dito'y walang kalayaan, di tulad sa Taal na kanilang sinilangan at pinagmulan.
Kaawa-awa ang mga magsasaka. Sila'y patay-gutom at hindi makatikim ng sapit sa kanilang pinagpaguran. Sinisikil ng Datu ang karapatan ng mga mamamayan. Ang mayayaman ay siyang nagtatamasa ng kasaganaang hindi nila pinagpawisan at ang mga dukha ay sakmal ng gutom at pagsasalat. Ang hindi sumusunod sa utos ng hari ay ipinalalamon sa apoy.
Ipinagtapat ni Magat Mandapat kay Dayang Sumilang ang mga kaapihan ng mga magbubukid at ang panggigipit sa kanila ng mga nagmamay-ari ng lupa. Sinabi ni Magat sa Prinsesa, "Dito'y ang taong masipag ang siyang pulubi! Ang sakim at sukaban ang pinagpapala sa kabila ng kanilang katamaran!"
Sumagot ang Prinsesa, "Ano ang aking gagawin? Kung ako'y tututol kay Ama, baka ako parusahan. Siya'y hindi makatwiran.' Nangako na lamang ang Prinsesa na pag-aaralan niya ang lunas na dapat ipagkaloob sa mga magsasaka. "Unti-unti kong aamukin si Ama nang magkaroon ng pagbabago!"
Nagsupling sa puso ni Magat Mandapat ang pagmamahal sa Prinsesa. Kung minsan pati ang katotong si Tindalo ay pinagseselosan niya kung makitang kaniig ang kanyang minamahal.
Minsa'y nabanggit ni Mandapat sa Prinsesa na ang bayan ay tutubusin niya at ito'y gagawing isang paraisong tulad ng Taal. "Ang bayang ito ay aking ililigtas sa kaalipinan," ang huling pangungusap.
Nagkaroon ng kasunduan na pinasimunuan nina Magat at Tindalo subalit may bahagi ng kahariang tumutol. Ang hindi sumang-ayon ay naghimagsik. Nilusob nila ang kaharian at nagkaroon ng madugong labanan.
Sina Mandapat at Tindalo ay nagapi. Si Tindalo ay itinapon sa dagat. Si Magat ay susunugin sana subalit mahiwang nailigtas ng Prinsesa.
Dahil sa kalupitan ng hari, siya'y pinarusahan ng Diyos. Nagkaroon ng malaking baha at ang buong kaharian ay nagunaw. Ang hari'y nalunod sa taas ng tubig. May isang mahiwagang vinta na sumagip kina Magat at Dayang Sumilang.
Matapos ang baha, mabilis na nagbalik sa Pasig ang pag-unlad nito sa ilalim ng pangungulo ni Magat. Siya ang naging puno ng Pasig pagkat nakataling-puso niya si Sumilang.
Mula noon umiral sa kaharian ang pagkakapatiran ng puhunan at paggawa. Naisakatuparan nang buong sigla ang Katarungang Pangmadla.
Lumigaya ang mga mamamayan. Sina Mandapat at Sumilang ay iginalang ng mga mamamayan at sila'y nabuhay nang matiwasay at maligaya nang mahabang panahon.