Isang binatang mangingisda ang nagkaroon ng kasintahang dalagang Muslim sa isang pook sa Mindanao noong unang panahon. Ang magkasintaha'y nagsumpaang pakakasal pagsapit nila sa ika-dalawampu't isang taon. Limang taon pa silang maghihintay.
Tuwing sila'y mag-uusap, ipinaaalala ng isa't isa na huwag makalimot sa sumpaan. Laging nangangako ang binata na ang dalaga lamang ang tanging pakaiibigin.
"Pinakamamahal kita Leoniza," ang magiliw na sabi ng binata. "Ikaw lamang ang babaing iibigin ko habang buhay. Gugustuhin ko pa ang kamatayan kung hindi rin lamang ikaw ang aking magiging kapalaran."
"Salamat, mahal ko," natutuwang tugon ni Leoniza. "Napaka-dakila ng iyong pag-ibig. Sana'y palarin ka sa iyong paghahanap-buhay upang makapag-impok tayo para sa ating pag-iisang-dibdib. Huwag ka sanang magpapabaya sa iyong kalusugan. Mag-ingat ka sa iyong paglalayag," dugtong pa.
"Maraming salamat, mahal ko, sa iyong mga paalaala," tugon ng binata, sabay paalam.
Laging nagsusunuran at waiang pagkukulang ang magkasintahan sa isa't-isa. Kapuwa sila tapat sa sumpa. Walang madilim na panginorin sa kanilang pag-ibig. Laging bukang-liwayway. Walang pagmamaliw ang kanilang pagtitinginan. Subali't mapagbiro ang tadhana. Biglang nawala ang binata at hindi na napakita sa kanyang kasintahan.
Parang mababaliw si Leoniza. Araw at gabi'y nasa daungan upang magba-sakaling magkita sila ng kanyang minamahal. Umulan at umaraw ay nananatili siyang nag-aabang sa daungan, hanggang sa iluwal sa maliwanag ang bunga ng kanilang pagkakasala.
Naging tulala ang dalaga. Sa tuwina'y nakatayong walang kibo na animo'y isang rebulto. Walang katinag-tinag na napako ang paningin sa laot ng dagat. Minsa'y maluha, minsa'y humahalakhak. Dumating ang saglit na hindi sukat asahan. Siya'y naging isang taong-bato.
Diumano, isang araw ay nakita ng mga nagmamasid na lumuluha ng perlas ang taong-bato. Biglang lumaganap ang balita. Ang taong-bato ay dinumog ng mga tao upang sila'y manlimot ng perlas.
Isang inang dukha ang nagtiyagang naghintay ng iluluhang perlas. Kasama niya ang anak na pipituhing taong gulang. Yumakap sa rebulto ang ina't nagmakaawa, "Bigyan mo kami ng iyong perlas." Nang ang ina ay bumitaw sa pagkakayakap sa rebulto ay hindi niya makita ang kanyang anak. Hanap dini, hanap doon. Inabot ng dilim ang ina sa paghahanap subali't nawalan ng saysay.
Nang magsawa ang bata sa paglalaro sa may dalampasigan, saka pa niya naalaala ang kanyang ina. Kanyang pinagbalikan at tinalunton ang kinaroroonan ng taong-bato. Hindi niya naratnan doon ang kanyang ina.
"Inay, inay, narito ako...! Saan ka naroon?" ang sigaw ng bata, tuloy yakap sa paanan ng rebulto.
Naantig ang damdamin ng taong-bato. Kanyang naalaala ang kanyang yumaong anak. Ang kanyang mga mata'y dinaluyan ng masaganang luha.
Kinabukasan, ang ina ay nagbalik sa lunan ng taong-bato. Natuklasan niyang nagkalat ang mga perlas sa paligid ng rebulto. Siya'y nanlimot ng perlas. Kinamaya-maya'y dumating ang nawalay na anak.
"Saan ka nanggaling? Kahapon pa kita hinahanap! Hanggang ngayon ikaw ay aking hihintay!"
"Akopo'y nanlimot ng kabibi. Nagbalik po ako sa rebulto, ngunit kayo'y wala na roon!"
"Bakit hindi ka umuwi sa atin?"
"Hindi ko alam ang daan sa pag-uwi. Sa bahay po ng kaibigan ko ako natulog. Ako'y kanyang ipinagsama nang makitang iyak kayo nang iyak!"
"Tulungan mo akong manlimot ng perlas. Pagkatapos ay uuwi na tayo."
Nang malaunan ang kinatatayuan ng taong-bato ay nakarating ng talpukan ng alon. Ang rebulto ay tinangay ng alon. Ito'y napalaot sa pusod ng dagat hanggang sa nawala.
Ang luha ng dalagang nabigo sa pag-ibig ang pinagmulan ng maraming perlas sa dagat ng Mindanao.