Asal ang tawag sa silyang upuan ni Kamatayan ng mga Igorot. Paano ito nagsimula?
Noong unang panahon, may isang Igorot na nagtanim ng kalabasa sa gilid ng bundok. Tuwang-tuwa siya nang mapagbunga niya nang marami ang kalabasa.
Isang hapong kasasalok lang niya ng tubig sa likod bahay ay nagulat siya sa ingay ng magkakapatid na matsing. Pinaghahatak nila ang kalabasa na walang paalam.
"Hoy! Hoy, mga magnanakaw!" habol ng Igorot. Mabilis na nagtatakbo ang mga matsing.
Kinaumagahan, habang dinidilig ng Igorot ang mga pananim ay natanawan niya ang magkakapatid na matsing kasama ang kanilang mga magulang at ng buong tribu. Sa dami nila ay pinamutlaan ng mukha ang Igorot.
"Hoy Igorot! Bakit hinabol mo ang mga anak ko?" galit na usisa ng Inang matsing.
"At bakit pinagbintangan mo silang mga magnanakaw," nanginginig sa galit na usisa ng Amang matsing.
"Walang magnanakaw sa lipi namin!" nanlilisik ang mga matang sigaw ng tribu habang pinaliligiran nila ang Igorot.
"Walang magnanakaw sa amin." ulit na sigaw nila.
Buo ang loob na nagpaliwanag ang Igorot.
"Kinuha nila ang mga kalabasa na walang paalam. Hindi ba pagnanakaw ang tawag doon?"
Hindi marunong makinig sa paliwanag ang mga matsing. Galit nilang nilapitan ang Igorot. Hinawakan ng matutulis na daliri, kinurot at kinagat.
Nanlaban ang Igorot. Matapang din ito. Pero nag-iisa lang siya. Nasukol ng mga matsing ang pobre. Mahahapdi ang mga kalmot. Masasakit ang mga kagat. Duguan ang buong katawan ng Igorot. Inakala ng mga matsing na patay na siya. Hindi nila alam na nagpatay-patayan lang ang kaawa-awa.
Habang iginagawa ng ataol na panglibing ay iniupo muna ang Igorot sa isang Asal na silyang upuan ni Kamatayan. Tinalian nila ang ulo nito upang maayos na mapaupo ang Igorot. Tuwang-tuwa ang mga matsing na sa kanila na mapupunta ang buong kabahayan ng Igorot. Mapapasakanila na rin ang lahat ng kalabasa sa gilid ng bundok.
Habang naghahanap ng lugar na mapaglilibingan sa kagubatan ang mga matatandang matsing, ang mga kabataan ang pinagbantay sa inaakala na nilang bangkay. Nagulat ang mga batang matsing nang dumilat ang Igorot. Nagsisigaw sila sa takot. Sa lakas ng sigaw ay napilitang magbalik ang mga nakatatanda.
"Buhay ang Igorot! Buhay ang Igorot!" Sapagkat naipikit na muli ng Igorot ang mga mata bago pa dumating ang Ama at Inang matsing kaya nakagalitan nila ang mga anak na inakala nilang nagsisinungaling. Nang muling umalis ang nakatatanda ay dumilat na naman ang Igorot. Inutusan nito ang mga bata na kalagan siya. Sa takot ng mga batang matsing ay sumunod sila.
"Maghanda kayo ng kawa at magpakulo ng tubig!" sigaw ng Igorot.
Nanginginig ang mga batang matsing na sinunod ang utos ng nanlalalim ang mga matang Igorot.
Pinagtatali ng Igorot ang mga batang matsing at isa-isang pinakuluan hanggang sa mamatay. Dali-daling umalis sa kanyang bahay ang Igorot. Binagtas niya ang makitid na daang hindi matutunton ng mga kaaway.
Galit na galit ang mga matsing sa paghihiganti ng Igorot. Pinaghahanap nila ito pero hindi nila nakita kahit man lang anino. Sapagkat makamandag ang mga kagat ng matsing nanlupaypay ang hapo nang katawan ng Igorot. Pero kahit nanghihina na sa pagsasalaysay ay pinilit nitong bigyang diin na kailangang pangalagaan ng mga Igorot ang anumang pinaghirapan nilang bagay sa daigdig.
Nang ipikit ng Igorot ang mga mata, inakala ng mga kaibigang didilat din siya matapos iupo sa silyang Asal ng Kamatayan. Pero nabigo sila sa kahihintay. Iyan ang simula ng tradisyong pagpapaupo ng bangkay sa Asal. Pagpapaupo sa naiidlip na kamatayang bukas makalawa ay pinaniniwalaang mabubuhay.