Sa isang komunidad sa Iloilo ay may mag-inang naninirahan. Ang ina, na isang balo ay si Aling Kerok at ang anak naman ay si Pina. Mahal na mahal ng ina ang nag-iisang anak niya. Sapagkat wala nang ama, inisip ni Aling Kerok na ang pagpapalayaw sa anak ay isang mabuting hakbang sa pagpapabuti sa pag-uugali ng bata. Nagkamali si Aling Kerok sapagkat nasanay si Pina sa laging pagsandal sa kaniya. Hindi gumagawa ng anumang bagay si Pina na di ikinukunsulta sa ina. Lagi at laging si Aling Kerok ang gumagawa sa bahay. Kung hindi utusan ay maglalaro lang si Pina mula umaga hanggang hapon. Kapag napagod sa kalalaro matutulog na lang ito o mamimintana.
Lagi nang nagagalit si Aling Kerok. Napupuno siya sa gaht sa katamarang ipinakikita ni Pina.
"Ano ba naman Pina, pagod na ako rito sa kaluluto e hayan ka lang at pahiga-higa. Pakikuha mo nga yung sandok.!"
Nag-iinat na bumangon si Pina.
"Saan po kukunin, Inay?"
"Di sa ibabaw ng mesa, saan pa!"
Halos araw-araw ay ganito nang ganito ang nangyayari sa bahay.
Minsan, napakunot-noo si Aling Kerok sapagkat nawawala sa mesang tahian ang gunting na pantabas niya.
"Pina, Pina," utos nito, "pakihanap mo nga yung gunting na pantabas ko!"
Tumayo mula sa pamimintana ang dalagita at padabog na namewang.
"Saan ko po ba hahanapin, Inay?"
"Di dito, dyan, doon kahit saan!" nanggagalaiting sagot ngina.
"Ang hirap po namang maghanap, Inay. Saan po ba yung dito, dyan at doon?" pamimilosopo ng anak.
"Ay naku, pamimintana na naman yang inaatupag mo. Konting galaw, konting sipag, batang 'to, oo! Paano uunlad ang buhay mo kung mamimihasa ka sa katatanong at kapapamintana mula umaga hanggang hapon!"
Minsan naman, habang naglalaba si Aling Kerok ay nagulat na naman si Pina sa katatawag ng ina. Sarap na sarap pa naman siya sa pakikipagkuwentuhan sa kaniyang mga kaibigan.
"Pina! Pina!" sigaw ng ina.
"Po! Bakit na naman po?"
"Anong bakit na naman. Lagi ka na lang nakikipagkuwentuhan sa mga kaibigan mo. Puwede bang pauwiin mo na sila nang makatulong din ang mga iyan sa kani-kanilang magulang! Daldalan kayo nang daldalan! At ikaw, Pina, hanapin mo yung palupalo ko nang matapos na ang paglalaba ko sa mga damit mo."
"Saan po ba naroon, Inay?" tanong na naman ni Pina.
"Hanapin mo sa batalan!"galit na sigaw ni Aling Kerok.
Lalong nag-init ang ina nang sa pagbabalik ni Pina ay di nito dala ang palupalo.
"Hindi ko po nakita, Inay."
"Hay naku! Lagi ka na lang wala. Hindi ko po nakita! Mahirap pong maghanap! Wala ka na bang alam gawin kundi makipagkuwentuhan, makipaglaro, matulog, kumain, magpahinga, mamintana? Kapag pinaghanap ay wala kang makita. Pina! Magkaroon ka naman sana ng maraming mata! Hindi bibig ang ginagamit sa paghahanap kundi mata! Mata, Pina!"
Umiiyak na nagtatakbo sa itaas ng bahay si Pina. Sa sobrang galit ni Aling Kerok ay hindi nito sinundan upang aluin ang anak. Gusto niyang mapag-isip-isip ni Pina ang kamalian ng dalagita.
Nang manananghalian na si Aling Kerok ay hinihintay niyang lumabas sa silid ang kaisa-isang anak subalit walang Pinang lumabas sa kuwarto. Tinawag ni Aling Kerok si Pina pero walang sinumang sumagot sa kanya.
Hinanap ng ina sa buong kabahayan si Pina pero wala siyang nakita kahit anino man lang ng dalagita.
Humagulgol nang humagulgol si Aling Kerok. Nagsisisi siya sa mga binitiwang mga salita. Pero kahit namumugto na ang mga mata ay wala pa rin siyang Pinang makita.
Lumipas ang mga araw, linggo at buwan. Wala nang Pinang kinagagalitan si Aling Kerok.
Minsan ay nagulat na lamang ang ina nang may masulyapan siyang isang halamang sumulpot sa kaniyang bakuran. Dinilig niya ito at binantayan araw-araw.
Takang-taka si Aling Kerok nang magbunga ang halaman. Ang bunga ay parang isang ulo na maraming mata.
Napansin din ng mga kapitbahay ang kakaibang bunga ng halaman. Nang mag-usisa sila kung ano ang -pangalan ng halaman ay may bahid pa ng luhang sinagot ni Aling Kerok.
"Pi... Pina!" may pagmamalaking sagot ng ina.
Magmula noon ang pangalang Pina na tawag sa prutas na may mga mata ay naging pinya.