May isang ama na may anim na anak. Ang magkakapatid ay pulos lalaki. Ang panganay ay pinangalanang Benigno at ang lima'y ang mga sumusunod ayon sa gulang: Isko, Tarcelo, Ubaldo, Inocencio at Numeriano.
Isang araw ang ama ay napilitang magsalita sa kanila, "Mga anak napapanahon nang kayo'y magtrabaho. Kayo'y may sapat nang gulang upang buhayin ang inyong sarili. Maaari na kayong maglagalag upang hanapin ang inyong kapalaran."
Naramdaman ng mga anak na ang kanilang ama ay hirap na hirap na sa pagpapakain sa kanila kaya sila'y nagkaisang magpaalam kinaumagahan.
Ang anim ay sama-samang umalis. Nang sila'y makarating sa pinagkurusan ng tatlong daan ang bawa't isa'y pumili ng kanyang direksiyong patutunguhan. Tig-iisa sila ng daan.
Bago naghiwa-hiwalay, sila'y nagkaisa sa payo ng panganay na magtatagpo sa pinagkurusan ding iyon makalipas ang isang araw at isang taon. Sila'y sabay-sabay na babalik sa kanilang ama. Uuwi sila sa kanilang tahanan na busog sa karanasan.
Sila nga'y naglagalag. Nang dumating ang taning na araw sila'y bumalik tulad ng pinagkasunduan.
Ang sabi ng ama, "Ako'y natutuwa at kayo'y pulos malulusog. Dinggin ko ang inyong naging karanasan sa paghahanap ng inyong magandang kapalaran."
Si Benigne na panganay ay nagsimula, "Natutuhan ko pong gumawa ng barko na umuusad sa kanyang sarili. Hindi kailangan pa ang hangin upang ito ay lumayag."
"Mabuti," ang sagot ng ama.
Ang sumunod ay si Tarcelo na nagsalita nang may pagmamalaki, "Natutuhan kong makinig nang mahusay at naririnig ko ang anumang pangyayari sa buong daigdig."
"Talagang matalino ka," ang sagot ng ama.
"Ako ay mahusay mamaril. Napatatamaan ko kahit ulo ng aspili sa layong isang milya," ang pagyayabang ni Ubaldo.
"Hindi pa ako nakaririnig ng ganyang kasanayan," ang pakli ng ama.
"Naaakyat ko po kahit anong tayog ng bundok. Nakalalakad ako sa dingding na animo'y isang langaw," ang pamamarali naman ni Inocencio.
"Katakataka nga naman," ang paghanga ng ama. "At ikaw naman Numeriano, aking bunso, mayroon kana bang natatanging karanasan?"
"Opo, Itay. Ako po'y dalubhasang magnanakaw. Kung sa pagnanakaw wala akong kapantay."
Sa narinig ay umasim ang mukha ng ama. At nagpatuloy, "Sa inyong mga natutuhan, kayo kaya ay mabuhay sa inyong sarili? Iyan kaya ay magbigay sa inyo ng marangal na hanapbuhay? Kailangan pa ba na ang barko ay lumakad sa kanyang sarili gayong may hangin namang tagataboy sa kanyang layag at may mga kamay na tagagaod? Kailangan pa ba na ang barko ay dumaan sa katihan gayong sa kabi-kabila ay panay na dagat? Kailangan pa bang marinig ang pangyayari sa ibang bansa gayong tayo'y binging-bingi na sa pakikinig sa mga pangyayari sa sariling bayan? Bakit pa kailangan tudlain ng punglo ang ulo ng aspili gayong napakaraming usang dapat barilin sa ating mga gubat? Bakit pa kakailanganin ang lumakad sa dingding katulad ng langaw gayong maraming malalapad na daan ang dapat lakaran? Bakit hahangarin ang maging magnanakaw gayong libu-libong malinis na gawain ang naghihintay na gampanan ng mga mapagpalang kamay?"
Hindi nakaimik ang mga anak sa narinig. Sila'y nagsawalang-kibo. Basta't nasabi ng panganay, "Darating po ang panahon na magagamit iyan."
Dumating nga ang pagkakataon. Ang magandang prinsesang kaharian ay ninakaw ng isang engkantado. Ipinangako ng hari na sinumang makapagsasauli sa prinsesa ay pakakasalan nito bukod sa ibibigay na pabuyang kalahati ng kaharian bilang alaala sa pagkakasal.
Ang anim na magkakapatid ay nakipagsapalaran. Gumawa si Benigno ng bapor na tumakbo sa kanyang sarili. Sila'y sumakay at ito'y pinalakad ni Isko.
Narinig ni Tarcelo ang panangis ng prinsesa sa Bundok na Kristal. Sila'y nagpunta roon. Inakyat ni Ubaldo ang bundok at nakita nila ang prinsesa. Nakatulog ang engkantado sa kandungan ng prinsesa samantalang siya'y walang tigil sa pagluha. Ang luha ay pinapahid ng kanyang mahaba at ginintuang buhok.
Madaling nakuha ni Numeriano ang prinsesa na hindi nagising ang engkantado. Sila'y patakbong pumunta sa bapor. Ang bapor ay matuling naglayag.
Ang magaling makinig na si Tarcelo ay nagsalita, "Naririnig ko na tayo'y hinahabol ng engkantado."
Sumagot ang prinsesa, "Tatapusin niya tayong lahat pag tayo'y inabutan. Walang salang tayo'y aabutan sapagka't siya'y simbilis ng hangin. Kung mayroon sanang magaling bumaril..."
"Ako'y magaling bumaril. Ano ang aking gagawin?" ang sabat ni Ubaldo.
"Ang engkantado ay hindi maaaring mamatay liban lamang kung mapapatamaan ang maliit at maitim na nunal sa may itaas ng kanyang dibdib sa tapat ng kanyang puso. Nariyan ang lihim ng kanyang kamatayan."
Dumating ang engkantadong dumaragsa na tulad ng hangin. Siya'y binaril ni Ubaldo sa mahiwagang nunal kaya natimbuang at namatay.
Iniuwi ng anim na magkakapatid ang prinsesa sa kanyang palasyo. Hindi malaman ng hari kung sino sa kanila ang dapat pakasalan ng prinsesa kaya siya'y nagsalita, "Ipinauubaya ko sa prinsesa ang pagpili ng kanyang dapat pakasalan..."
Litung-lito ang prinsesa at ayaw niyang pakasal sa alinman sa anim sapagka't silang lahat ay tulung-tulong sa pagsagip sa kanya kaya nakalaya sa kamay ng engkantado. Siya'y nagsalita, "Ipinauubaya ko sa inyong anim kung ano ang inyong pasiya."
Ang bawa't isa sa magkakapatid ay may pag-ibig sa prinsesa. Bukod sa rito ayaw silang maghiwalay. Ang isa't isa ay ayaw magpaubaya.
May isang diyosang makapangyarihan na biglang dumating at humatol sa kanilang kapalaran, "Kayong pito, yayamang ayaw ninyong maghiwa-hiwalay ay gagawin kong mga bituin."
Pagkasabi nito ang pito ay dagling napailanglang sa langit at naging mga bituin. Ang prinsesa ang pinakamaningning sa lahat at si Numeriano, ang magnanakaw na aandap-andap!
Mula noon, makikita ang pitong bituing aanti-antilaw sa pisngi ng langit sa ayos na parang tabo. Iyan ay tinatawag sa Ingles na the Great Dipper.