Nang kakaunti pa ang mga taong naninirahan sa Isla ng Panay, may isang mangingisdang nakatira sa Iloilo. Siya'y may pitong anak na dalaga. Sabihin pa, pagkat magaganda kaya maraming binatang nanliligaw.
Dumating sa Panay ang mga mangangalakal na galing sa Borneo.
Nagustuhan ng mga ito ang mga dalaga kaya sila'y hinandugan ng regalo. Tinanggap naman ang mga alaala bagamat hindi tiyak ng mga dalaga kung ang mga ito ay tunay ngang kanilang iniibig. Tumutol ang ama pagkat batid niyang ang kanyang mga anak ay isasama sa Borneo pag-uwi ngmga negosyante. Sa gayon siya'y mapapag-isa. Subalit walang nagawa ang kanyang pagtutol.
Isang hapon ang ama ay nagpunta sa dagat upang mamingwit. Nang siya'y makaalis ang pitong anak na dalaga ay sumama sa mga mangangalakal. Dinala nila ang kanilang mga kasangkapan at sumakay sa batel. Nang sila'y nasa Straight ng Guimaras, nakita ng ama ang tatlong sasakyang kanilang kinalululanan. Ang ama'y humabol subalit hindi inabutan ng kanyang maliit at mabagal na bangka ang mabibilis na praw ng mga taga-Borneo.
Ang kaawa-awang matanda ay pagod na pagod sa kagagaod. Siya'y nagmakaawa, "Mga anak ko, magbalik kayo. Huwag ninyo akong iwan!" Siya'y nanambitan at lumuha ng masaganang luhang sing-alat ng dagat. Malamig na simoy ng habagat ang kanyang nadama, bilang katugunan sa kanyang daing, ang alapaap ay nagdilim. Ang langit ay nagsungit... Kumidlat at umugong ang kulog. Pumatak ang mabigat na ulan. Nawala sa malas niya ang mga praw.
Umuwi ang matanda. Siya'y umiyak nang umiyak. Ang kanyang masaganang luha ay nakikipagtimpalak sa patak ng ulan. Hindi siya nakatulog nang gabing iyon. Ang mga anak ang kanyang naalaala.
Kinaumagahan, kinuha ang kanyang bangka at pumalaot sa gitna ng dagat sa pagbabaka-sakaling makita ang mga anak na lulan ng mga praw. Baka raw naantala ng bagyo ang kanilang sasakyan. Sa kanyang pagtataka ang kanyang nakita sa malayong tanaw ay maliliit na isla na wala roon nang nakaraang araw. Siya ay gumaod nang gumaod. Kanyang nakita ang mga pira-pirasong labi ng praw ng mga taga-Borneo na lumulutang malapit sa mga isla. Kanyang binilang ang mga isla sa kanyang mga daliri. Pito! Sila ang mga anak na dalagang nangalunod.
Ang mga praw na kanilang sinasakyan ay winasak ng malakas na bagyo. Ang mga sasakya'y nilansag ng hangin at malakas naulan. Ang mga ito'y napadpad sa coral reef at mga bato.
Ang mga walang turing na anak na dalaga ay naging mga isla.
Tinawag na Mga Isla ng Pitong Makasalanan (Isla de los Siete Pecados.)