Noong unang panahon sa mismong Chinese Parian na kalapit ng hardin Botaniko, may lawa na karugtong ng Ilog Pasig. Sa ilog ay naglutang ang mga halamang tubig na kung tawagi'y Quiapo. Naglipana ang mga buwaya at mga ibon sa buong maghapon. Ang pampang ng ilog ay natatamnan ng mga halamang sasa at mangrove. Nagyayaot dito sa ilog ang mga champan at kasko ng mga Intsik.
Bago pumasok si Legaspi sa Look ng Maynila ang lagoon na ito ay tinitirahan ng pamilya ng rahang ang pamilya ay tumakas dahil sa kalupitan ng sultan ng Borneo. Ito ay binubuo nina Raha Madia, asawang si Kimay, at magandang anak na si Makapuno. Ang raha ay may kapatid na lalaking ang ngala'y Tindoy. Si Tindoy ay may dalawang anak na sina Kamachile at Guanar na nagbibinata. Katulad ng kanilang mga kapitbahay, wala silang pinagkukunan ng ikabubuhay kundi ang Ilog Pasig.
Maraming nakakaibig kay Makapuno subali't hindi magustuhan ng kanyang ama't ina. Wala siyang aliwan kundi gampanan ang mga gawaing bahay. Katulad ng dapat mangyari sa nilakad-lakad ng panahon ang mag-asawa ay binawian ng buhay at inilibing ayon sa ugaling Borneo.
Ang magkapatid na Kamachile at Guanar, mga pinsan ni Makapuno, ang tanging pinangagalingan ng ikabubuhay ng matandang Tindoy, pati na rin ng pamangkin niya.
Isang araw, isang binatang manlilibot galing Borneo ang dumaan at nakita ang di pangkaraniwang kagandahan ni Makapuno. Kagyat na umibig ang binata sa dalaga. Gayon di naman ang dalaga. Siya'y nagkaroon ng pagtatangi sa binata.
Si Tandang Tindoy at sina Kamachile at Guanar ay nakipag-usap kay Makapuno. Sila'y nagkaisa na ang binata ay isailalim sa pagsubok. Ang binatang si Luanbakar ay magsisilbi sa pamilya ni Makapuno sa itinakdang panahon. Ang unang ipinatungkol sa kanya ay paggawa ng mahabang dike na tumatalikop sa palaisdaang katabi ng lagoon. Ang Ilog Pasig ang pinagkukunan ng tubig ng palaisdaan.
Kahit nag-iisa sa pagyari ng palaisdaan pagka't si Luanbakar ay may angking sipag, siya'y may pag-asang magtagumpay sa itinakdang pagsubok.
Ang palaisdaan ay malapit lamang sa bahay. Naging ugali ni Makapuno na dalhan ng pagkain si Luanbakar pagka't kanyang minamahal ito. Nagbanta ang magkapatid napinsan ni Makapuno na patayin ang binata.
Nang si Luanbakar ay abalang-abala sa paggawa ng dike, dumating si Kamachile na nagkunwaring may hinahabol na baboy-ramo. Dala niya ang kanyang matalim na sibat. Nagtanong si Kamachile, "Mayroon bang baboy-ramong nagdaan dito? Dito naglagos sa bagnos na ito. Siya'y aking hinahabol."
"Wala akong nakita. Ang mga hayop ay karaniwang di nagtatago sa ilog," sagot ng tinatanong.
Sa isang iglap ang matulis na sibat ni Kamachile ay tumino sa tagiliran ni Luanbakar sa ilalim ng kaliwang dibdib. Gayong mapanganib ang sugat na lalang ng sibat, si Luanbakar ay nakagapang at nakaahon pa rin sa dike. Nang anyong kakarimot ng takbo si Kamachile, yayamang batid niya na katapusan na niya, buong lakas na inihagis ni Luanbakar ang kanyang sibat kay Kamachile na noo'y narapa sa tuod ng isang mangrove. Natimbuang si Kamachile na may tama ng sibat. Lumapit sa kanya si Luanbakar sa pamamagitan ng painut-inot na paggapang. Nagbilin si Luanbakar, "Ang Bathala ang bahala sa atin! Pinatatawad kita sa iyong karuwagan at kataksilan!" at tuloy nabulagta sa piling ni Kamachile. Kapuwa sila nalagutan ng hininga.
Natigatig ang loob ni Makapuno pagkat si Kamachile ay hindi pa umuuwi lalo't nang ito'y umalis ay kanyang kinamalasan ng bagabag na di mapagwari. Siya'y nagsadya sa dike. Natagpuan ni Makapuno ang pinsan at ang kasintahang kapuwa bangkay nang malamig. Gayon na lamang ang kanyang pagluha. Tinakpan niya ng mga dahon ang kanilang bangkay at dinagtaan ng mga siit. Ipinaglihim kay Guanar ang malungkot na pangyayari.
"Bakit wala pa si Kamachile? Saan siya nagpunta? tanong ni Guanar sa pinsan.
"Magkasama sila ni Luanbakar na umalis. Sila'y nangangaso sa gubat," ang sagot.
Kagyat na kinuha ni Guanar ang sibat at umalis.
Bumalik si Makapuno sa pook ng trahedya na may dalang pala.
Madilim ang gabi. Ang ulan ay tikatik. Wala siyang ilaw subali't nagtiyaga siyang naghukay ng butas na malalim. Dito niya inilibing ang dalawang kulang-palad.
Naglinis siya ng katawan at bumalik sa bahay. Naghanda ng pagkain kay Guanar. Hatinggabi na nang dumating si Guanar na may dalang usang nasila sa gubat. "Hindi ko natagpuan ang dalawa. Sinaliksik ko na ang kagubatan," sabi niya.
Inaliw ng dalaga ang pinsan, "Hayaan mo't sila'y walang-salang darating bukas."
Kinaumagahan, si Guanar ang nagpatuloy sa pagtatapos ng dike. Nakita niyang may mga patak ng dugo sa kalapit na palaisdaan. Ang sabi ni Makapuno ay iyon daw ay dugo ng hayop na nagdaan doon nang sinundang araw.
Lumipas ang ilang buwan nguni't walang balita tungkol sa pagbabalik ng dalawang hinihintay. Ang mga naghihintay ay nangulilang lubos lalo na ang Matandang Tindoy.
Hindi matiis ni Makapuno ang pighating gumigimbal sa kanyang katauhan kaya isang araw nagbihis ng pinakamagandang kasuotan. Ang lahat niyang damit ay iniayos. Kinamaya-maya'y may kumalabog sa ilog. Nang malaman ni Guanar na wala sa bahay si Makapuno, ito'y kanyang hinanap at doon natagpuan sa bunganga ng Pasig. Kanyang pinagyaman ang lunong katawan at ibinaon sa may katamtamang lalim na hukay. Wala siyang maapuhap na pananda sa pinagbaunan. Sa kabutihang palad, siya'y nakahagilap ng lumulutang na niyog na kanyang sinungkit ng tikin. Ibinaon niya ito sa lupang pinaglibingan sa pinsan.
Ang mga taga-Kalilaya at Bai ay namili ng niyog na ito upang itanim sa kani-kanilang bukid.
Ang mga bunga ng niyog ay nagtataglay ng mga katangian ng prinsesa: matamis, malabo at kahali-halina. Ito ang kasaysayan ng kauna-unahang niyog na makapuno.