May isang prinsesang napakaganda; kaya ang tawag sa kanya ay Mariang Maganda. Ang kanyang tahanan ay malapit sa isang maliit na gubat; doo'y maraming magaganda't mababangong halamang namumulaklak. Araw-araw, ay nagpapasyal ang prinsesa sa gubat na ito. Namimitas siya ng mga bulaklak na katangi-tangi ang ayos. Isang araw, sa kanyang pamamasyal, ay nakatagpo siya ng isang prinsipe. Magandang lalaki ang prinsipeng iyon. Nang makita ni Mariang Maganda ay nakaramdam siya agad ng kakatuwang damdamin. Ang prinsipe naman pala'y gayon din. Kaya agad silang nagkapalagayan at nagkahulihan ng loob.
Araw-araw ay namamasyal sila ng prinsipe, hanggang sa magtapat ng pag-ibig ang prinsipe. Palibhasa'y sadyang may inilalaan nang pagtingin ang prinsesa, hindi na ito nagpaumat-umat at tinanggap ang iniluluhog na pag-ibig ng prinsipe.
Isang hapon matapos silang mamasyal, nag-ulayaw ang dalawa sa lilim ng mabangong halamanan ng prinsesa.
"Mariang Maganda, kay ganda ng mga bulaklak mo, nguni't ang mga bulaklak doon sa aming kaharian ay higit na magaganda at mababango; walang makakatulad dito sa inyo."
"Bakit, saan ba ang inyong kaharian?"
"Doon sa dako roon na hindi maaaring marating ng mga taong may katawang-lupa."
Ilan pang saglit at nagpaalam na ang prinsipe na malungkot na malungkot. Kaya napilitang magtanong si Mariang Maganda. "Mangyari'y..." at hindi na nakuhang magpaliwanag ang prinsipe.
"Mangyari'y ano? Ano ang dahilan?" ang tanong ng prinsesang punung-puno ng agam-agam.
"Dapat an akong umuwi sa amin, kung hindi, hindi na ako makababalik. Ibig ko sanang isama kita, nguni't hindi maaari, hindi makapapasok doon ang tulad ninyo. Kaya paalam na irog."
"Bumalik ka mamayang gabi, hihintayin kita sa halamanang ito. Babalik ka ha?"
"Sisikapin ko Mariang Maganda," ang pangako ng prinsipe. Nang malapit ng maghatinggabi, dumating ang prinsipe. Sinalubong siya ng prinsesang naghihintay sa loob ng hardin. Nag-usap na naman sila ng nag-usap. Kung saan-saan nadako ang kanilang pag-uusap. Hawak-hawak ng prinsesa ang mga kamay ng prinsipe.
Kaginsa-ginsa'y biglang napatindig ang prinsipe. "Kailangang umalis na ako, Mariang Maganda. Maghahatinggabi na, kapag hindi ako lumisan ay hindi na ako makababalik sa amin. Diyan ka na subali't tandaan mong ikaw rin ang aking iniibig," at ginawaran ng halik ang mga talulot na labi ni Mariang Maganda.
Pinigilan ng prinsesa ang mga kamay ng prinsipe. Hindi niya mabatang lisanin siya ng kanyang minamahal. Sa kanilang paghahatakan, biglang nawala ang prinsipe at naiwan sa mga palad ng dalaga ang dalawa niyang kamay. Natakot ang prinsesa, kaya patakbong nagtungo sa isang dako ng kanyang halamanan at ibinaon ang mga kamay.
Ilang araw, pagkatapos ay may kakaibang halamang tumubo sa pinagbaunan niya. Malalapad ang mga dahon at walang sanga. Ilan pang araw pagkaraa'y nagbulaklak. Araw-araw, ay dinadalaw ng prinsesa ang kanyang halaman. Makaraan ang ilang araw, ang mga bulaklak ay napalitan ng mga bunga. Parang mga daliring nagkakaagapay. Iyon ang mga unang saging sa daigdig.