Sa may dalampasigan ng Alaminos, Pangasinan ay matatanaw ang mga pulong kilala sa pangalang Sandaang Pulo. Marahil ay hihigit sa sandaan kung bibilanging mabuti.
Ang pook na ito ay ligaya ng mata para sa mga ekskursyunista. Marami ang nagsasadya roon upang bisitahin ang mga tanawin, nialigo sa dagat at mamangka. Bibilang-bilangin sa daliri ng manlalakbay ang pangalan ng mga pulo bago bibigkasin. Para bagang dasal na inuusal. Ang pangalan ng isang pulo ay Pangulong Quezon. Doo'y nakatayo ang isang bantayog na parangal sa pangulo.
Isinasalaysay ng mga tagaroon ang alamat kung paano nagkaroon doonng mga pulo:
Matagal nang panahon, may tumitira sa malaking pulo na kilalang pinakamasipag na mangingisda sa buong nayon. Sa gabi kung siya'y mangisda. Ipinagbibili ng kanyang butihing asawa ang kanyang huli. Sila'y nakakaraos na walang problema sa buhay.
Ang hindi magpatantan sa mangingisda ay ang hangaring yumaman. Ang ambisyon nila ay magkasalapi.
Isang gabi samantalang wala ang lalaki at nasa laot, ang babae ay nanaginip sa kanyang pagtulog. Ang akala niya'y may isang matandang lalaking kumatok sa kanilang dampa. Kanya raw sinabi sa babae, na kung siya'y makakapaghintay sa loob ng tatlong taon, silang mag-asawa ay yayaman. Ngunit may isang kondisyon: sa anumang masungit na kapalarang darating, sila'y hindi dapat maringgan ng kahit isang salitang sumpa (curse). Magagalit daw ang Bathala sa gagawing ito.
Kinaumagahan, nang dumating ang mangingisda, ipinagtapat ng asawa ang kanyang napanaginipan.
Ang balitang ito ang pinakahihintay ng mamamalakaya. Lalong nag-alab ang kanyang pagnanais na yumamang bigla. Siya'y nagsalita," Kung talagang gusto ng Diyos na tayo'y yumaman, bakit hindi Niya gawin iyon? Bakit tayo pinaghihirap? Matanda na tayo. Wala tayong anak. Ano ang halaga ng yaman kung hindi naman natin tatamasahin ang kasalukuyan?"
"Maghintay tayo, Lakay! Darating ang mabuting kapalaran!" tugon ng babae.
"Kapalaran? Hindi ako naniniwala sa kapalaran! Ayaw kong marinig pa ang iyong mga panaginip!" at tuloy nagbihis ng panggabing suot at natulog.
Katulad ng nakagawian, ang lalaki'y lumabas at nangisda kinagabihan. Siya'y napalaot sa dagat na ang tanging gabay ay liwanag ng lamparang aandap-andap. Inihagis niya sa tubig ang kanyang dala. Nang iahon ito, walang isda. Ang nasa loob ay pawiang mga batong ganggasuntok. Itinapon ang mga ito kasabay ang pagtungayaw at pagsumpa.
Walang anu-ano'y may narinig na malakas na ingay at alingawngaw. Rumagasa ang malalaking alon. Sinalunga niya ang alon at gumaod papunlang dalampasigan sabay ang mariin at paulit-ulit na sumpang hindi dapat marinig.
Nang dumating sa bahay, kanya munang isinampay sa bilaran ang dala bago pumanhik. Ang yabag ng kanyang mga paa ang nagpagising sa asawa. Nang kumustahin ng babae ang tungkol sa kanyang huli,ang sagot ay marami raw siyang dala, ngunit maiitim at malalaking bato.
Hindi niya binanggit ang kanyang pagtutungayaw. Ilan pang sandali, ang dalawa'y nakatulog.
Kinaumagaha'y nagisnan ng babae na ang kanyang asawa ay tuwid na tuwid at malamig na bangkay. Wala siyang maisipang gawin.
Sa di-kawasa'y ang lalaking kanyang napanaginip ay nasa kanyang harapan. Ito'y nagsalita "Kung nakinig lamang ang iyong asawa sa iyong payo at babala, disin sana'y hindi niya sinapit ang masaklap na pangyayari. Iba-iba nga naman ang saloobin ng mga tao. May suwail at sukab!"
Ang lalaki ay kagyat na nawala sa isang iglap, katulad din ng kanyang pagdating. Ang matandang babae ay parang namalikmata. Siya'y litung-lito. Nang siya'y manungaw sa bintana ay nakita niya ang maliit na isla na sumulpot sa dagat.
Muling napakita ang matandang lalaki sa loobang kalapit ng silong sa ilalim ng pasimano ng bintana.
Siya'y nagsalita sa tinig na malumanay, "Ang mga islang yaong iyong nakikita ay siya sanang iyong magiging kayamanan. Iyan ang salapi at gintong sana'y mapagbibilhan ninyo sa isda sa loob ng tatlong taon. Ngunit iya'ykusang itinapon ng iyong asawa. Siya ay tumanggi sa kapalaran! Kanyang itinapon ang mga bato sa laot ng dagat" at biglang nawala ang mahiwagang panauhin.
Ang babaeng naiwan ay lumuhod sa piling ng asawa at umiyak nang umiyak.