Noong unang panahon, sa isang maliit na bayan sa Ilokos, ay may isang dukhang magsasaka. Ang magsasakang ito ay ubod ng sipag. Kaya naman sa pamamagitan ng bakang kanyang katulong sa pagbubungkal ng lupang isang hektarya lamang ay nabubuhay niya ang kanyang asawa at siyam na anak. Sila'y matulunginat di nagpapabayang tumulong sa kanyang mga gawain sa bukid.
Ngunit sila ay may suliranin. Ang kanilang baka ay napakatakaw. Ito'y ayaw ng damo sa bukid. Ang gusto niya ay palay at gulay. Di miminsan kundi maraming beses ang bakang ito ay makawala sa halaman. Tuwing ito ay mangyayari, sa galit ng magsasaka, oras na siya'y mahuli, binubugbog niya nang walang pakundangan. Ang kanyang nakakain ay nasisira sa loob lamang ng isang oras at maaari nang ikabuhay nilang mag-anak sa loob ng isang buwan.
Isang gabi... masarap ang tulog ng magsasaka sapagka't siya'y maghapong walang lubay sa paggawa. Naging ugali na niya ang pagtulog nang maaga at magising nang maaga rin. Kaya't mag-iikaapat pa lamang ng madaling araw siya ay nagising na. Naging ugali rin niya ang sa kanyang pagbangon siya'y tuluy-tuloy na pupunta sa kinatatalian ng kanyang baka... Iyan ang kanyang ginagawa noong madaling-araw na iyon. Ngunit... ang baka ay wala at ang natira ay kaputol ng lubid na tali nito.
Sumugod ang magsasaka sa pusikit na dilim ng gabi upang hanapin ang kanyang hayop. Sapagkat madilim, siya'y lubhang nahirapan sa paghanap. Ito'y kanyang nakita nang umaga na sa dulo ng kanyang bukid, at busog na busog - halos pumutok ang tiyan.
Nang makita ng magsasaka ang kanyang mga halamang nasira, siya'y nasindak. Ang palay ay halos kalahati ang nawasak; ang mga petsay ay sirang lahat; ang mga sibuyas ay gayon din. Sa laki ng galit ay hinabol ang baka upang parusahan.
Natatandaan na nang baka kung ano ang mangyayari sa kanya pagnahuli. Kaya mabigat man ang tiyan, siya'y nagtatakbo nang matulin. Takbo nang takbo ang baka, ang magsasaka naman ay habul nang habul. Pagod na pagod ang magsasaka sa kahahabol ngunit hindi pa rin mahuli ang hinahabol.
Bumagtas ang baka sa isang gubat at nagpasuut-suot sa ilalim ng punong kahoy. Humabol pa rin ang magsasaka. Ang kanyang mga binti ay naninigas na sa pulikat ayaw pa ring lubayan an paghabol. Sa kasamaang-palad ang magsasaka ay natalisod sa ugat na litaw at siya'y nadapa. Ang kanyang ulo'y nauntog sa punongkahoy at siya'y nawalan ng malay-tao.
Nang magising, siya'y nag-inut-inot na makatayo upang hanapin sa kanyang paligid ang sutil na baka. Wala ito. Marahil ay nagtuloy sa kaibuturan ng gubat. Siya'y papilay-pilay na lumakad at pumasok sa kukupalan ng raga punongkahoy, baging, at matataas na damo. Maghapon siyang naghanap at nagtiis ng gutom, ngunit hindi pa rin matagpuan ang baka.
Nang magtatakip-silim na, siya'y umuwi. Ang galit sa hayop ay kumukulo pa rin sa loob ng kanyang dibdib. Siya'y nanalangin kay Buthala, "Saan mang lugar makarating ang baka ay parusahan mo po at alisin ang mga paa nang huwag makatakbo."
Kinabukasan ay ipinagpatuloy pa rin ng magsasaka ang paghanap. Araw-araw sa loob ng isang linggo, siya'y hindi naglubay sa paghanap. Nahaluglog na niya ang lahat ng kagubatan ngunit hindi siya nagtagumpay!
Sa lugar na kung saan niya kahuli-hulihang nakita ang baka, ay may nagtapuan siyang isang kakaibang suso. Ito ay malaki sa karaniwan. Ang kulay ng balat ay pula tulad ng balat ng kanyang baka. Kung lumakad ay napakabagal. Siya'y lumapit sa suso at pinagmasdang mabuti. Ito ay may ulo at sungay na parang baka.
"Baka ito ang bakang hinahanap ko!" Dinampot ang suso saka umuwi. Pagdating sa kanila, ang suso'y pinawalan sa ilalim ng punongkahoy na pinagtalian niya sa kanyang baka.
Lumipas ang isang linggo. Nakalimutan na ng magsasaka ang. bakang nawala. Nawala rin sa alaala ang susong pinawalan sa hapunah ng baka.
Isang umaga napansin niyang ang kanyang mga gulay ay sira-sira at gutay ang mga dahon.
"Ano kaya ang sumisira nito?" sabay upo at nagmasid. Sa ilalim ng dahon ng isang pctsay ay nakita niya ang isang susong kamukhang-kamukha ng susong kanyang napulot sa gubat. "Ikaw pala ang naninira sa aking mga halaman!" ang naibulalas ng magsasaka. Sa laki ng galit, dinampot ang suso at biglang ipinukol sa isang punongkahoy. Ito ay nagkadurug-durog!
Sa loob-loob ng magsasaka ay wala nang sisira sa kanyang mga halaman. Subalit sa isang dahon ng petsay, may natagpuan na naman siyang isang susong kamukha ng kanyang ipinukol.
"Nanganak yata ang walang hiyang ito!" ang paanas na sabi. Dinampot at ipinukol. Hindi lang iisa o dalawa. Marami pang nakita. Ang mga ito ay ipinukol na lahat ang punongkahoy. Siya'y naglakad at sa bawa't hakbang ay natitisud niya ang nagkalat na suso.
"Kung alam ko lang na ang mga susong ito'y magiging salot sa aking halamanan..." ang usal na hindi tinapos. Basta't bubulung-bulong!