Alamat ng Tirad Pass

Kung ang isang tao ay maglakbay sa Hilaga sa dakong Ilocos Sur ay imposibleng hindi niya makita ang isang bundok na kilala sa tawag na bundok ng Tirad Pass. Ito ay sagisag ng pakikibaka ng mga Pilipino. Sa lugar na ito ipinagtanggol ni Gregorio del Pilar at kanyang mga tauhan si Heneral Emilio Aguinaldo laban sa hukbong Amerikano.

Sa kabila ng kasaysayan ng lugar na ito, isang magandang alamat ang nahabi.

Noong unang panahon nang ang Pilipinas ay hindi pa nababahagi sa malalaki at maliliit na pulo, may naninirahang isang higante na kilala sa tawag na Andog. Bukod sa pagiging makisig, siya ay matapang pa. Siya ang tanggulan ng bayan. Kung may mga taong dumarating sa kanilang pulo upang mangukob siya ang namumuno sa pakikibaka laban sa mga kaaway.

Nguni't si Andog, bagama't laging nagtatagumpay sa digmaan, ay malulungkutin. Gusto niyang mag-asawa. Isang gabi ay tinipon niya ang kanyang mga tauhan.

"Kayo'y ipinatawag ko sa isang dahilan," ang pasimula.

"Turan ninyo, Panginoon, at kami'y handang magpakasakit upang kayo'y paglingkuran," ang sagot ni Tirso.

"Mabuti," ang sagot ni Andog. "Ako ay ihanap ninyo ng asawa sa karatig-bayan."

"Paano po naming malalaman na siya'y inyong magugustuhan?" ang tanong ni Anso.

"Alam ninyo ang babaing karapat-dapat sa akin, hindi ba?" ang kanyang pasigaw na sagot.

Ang kanyang mga tauhan ay naglakbay sa malayo at nakarating sa isang lugar na kilala sa tawag na Amianan. Sa isa sa mga yungib ay naninirahan ang isang dalagang higante. Si Aling Luding ay may mahaba at umaalong buhok, malinaw ang mata at makinis at kanais-nais na pangangatawan.

Si Lugardo, ang pinuno ng pangkat, ang nagsalaysay sa dalaga ng dahilan ng kanilang pagdalaw.

"Kung mamarapatin po ninyo ay ibig ng aming panginoon na kayo ay kanyang maging kabiyak ng puso," ang sabi ni Lugardo.

"At sino naman ang inyong panginoon?" ang tanong ni Aling Luding.

"Siya po ang pinakamatapang at pinakamakisig na higante sa buong kapuluan," ang sagot ni Lugardo.

"Si Andog ba ang tinutukoy mo?" ang muling tanong ni Aling Luding.

"Siya na nga po at wala nang iba," ang masayang sagot nina Tirso atAnso.

Bago sila umalis sinabi ni Aling Luding sa kanila na tatanggapin niya ang pag-ibig ni Andog sa isang kasunduan na sa loob ng tatlong araw ay hahandugan siya ng isang sombrerong yari sa anumang bunga ng kahoy o gulay.

Agad sinabi ni Lugardo at ng kanyang mga kasama ang sinabi ni Aling Luding at ang malungkuting binata ay lalong naguluhan ang isip. Hindi niya lubos maisip kung alin sa mga bungang halaman ang maaaring gawing sombrero.

Ang ginawa ni Andog ay humingi ng payo sa mga matandang konseho. Si Lupong, isa sa mga matatandang paham,ang nagsabi sa kanya na may alam siyang halamang ang bunga ay maaaring gawing sombrero. Nguni't binalaan niya si Andog na kung maibigay na sa kanya ang naturang bunga, siya'y mangangakong huwag gagalitin si Bathala pagka't si Bathala ang nagsabi sa kanya ng lihim ng prutas na ito.

"Ako ay nangangako na maging masunurin sa lahat ng ibigin ni Bathala makamtan ko lang ang pag-ibig ng aking nililiyag," ang pangako ni Andog.

Kinaumagaha'y dinala na ni Lupong ang sumbrerong yari sa matandang upo na mabilog ang hugis. Ito ay tinatawag na cattucong.

Isinuot ni Andog ang sombrero at nagsimula na siyang maglakbay patungo sa tahanan nina Aling Luding. Maglalakad siya ng isang araw sa paglalakbay bago makarating doon sapagka't tatawid pa siya ng dalawang ilog, daraan sa mga bukirin at bundok.

Ibig ni Bathalang subukin ang katapatan ni Andog kaya kanyang inutusan ang Araw na itudlang iahat ang init nito sa higante. Ang init ng araw ay nanuot sa kanyang kalamnan. Abot-sakong ang kanyang pawis at nang hindi na siya makauis ay nagmura siya at nagsalita ng masama laban sa init.

Inutusan din ni Bathala si Tudon, ang bagyo na bumagsak sa kanya. Ang hangin ay lumakas at sumabay ang malakas na pagbuhos ngulan. Ito ay lalong ikinagalitni Andog. Sinigawan nang pagkalakas-lakas at pagkahaba-haba ang ulan pati ang hangin.

Si Andog ay naging palalo dahil sa kanyang bagong cattucong kaya hindi siya nagpakita ng takot sa mga pagsubok na inilaan sa kanya ni Bathala.

Galit na galit si Bathala sa palalong higante. Nang si Andog ay malapit na sa yungib ni Aling Luding ang lupa na kanyang tinutuntungan ay bumuka. Ang dulo lamang ng sumbrero ang kinahabagan ni Bathala.

Ang dulo ng sumbrero ay matulis na bahagi ng bundok na ngayon ay kilala sa tawag na Tirad Pass. Nang malaman ni Aling Luding ang nangyari sa kanyang magiging kabiyak, hiniling niya kay Bathala na kunin na din siya sa mundong ito. Naawa si Bathala sa kanya at si Aling Luding ay dinala sa kanyang kaharian sa ibabaw ng ulap.

See also