Isang tamad na bata si Juan. Isang araw, pawisang tinatanggal ng nanay ni Juan ang mga buto ng bulak sa pamamagitan ng paghampas dito ng isang patpat.
"Juan," utos ng ina, "itanim mo ang mga butong ito sa likod-bahay. Tiyak na bibigyan ka ng mga ito ng magarang baro!"
"Pagkatanim ko po ba ng mga buto, may baro na ba kaagad ako?" naniniyak na tanong ni Juan.
"Hindi kaagad. Mag-uusbong muna ang mga buto, iho."
"Kapag nag-usbong na ang mga buto magkakabaro na po ba ako?"
"Lalaki pa ito, amang."
"Matapos lumaki, magkakabaro na po ba ako?"
"Mamumunga pa ito."
"Matapos mamunga, magkakabaro na po ba ako?"
"Hindi pa. Hindi pa. Kailangan pang buksan ang mga bunga at kunin ang mga bulak sa loob."
"Matapos pong kunin ang mga bulak, may baro na po ba ako?"
"Lilinisin pa, Juan, ang mga bulak."
"Matapos pong linisin, sigurado na bang magkakabaro na ako?"
"Matapos linisan, paiikutin pa ang bulak upang maging sinulid."
"Kapag naging sinulid na po ba ang bulak, may baro na ako kaagad?"
"Hahabiin pa ito upang maging tela." "Matapos maging tela, magkakabaro na po ba ako?" "Kailangan munang tabasin ang tela." "Kapag natabas na, may baro na po ba ako?" "Kailangan munang tahiin ko ang tela." "Kapag natahi na, tiyak na may baro na po ako." "Aba, aba Juan. Lalabhan ko muna ang tela." "Kapag nalabhan na, may baro na po ba?" "Paplantsahin ko pa ito. Pe...pero teka, kailan mo ba Juan itatanim ang mga buto?"
"Aba e bakit kailangan ko pa pong itanim ang mga buto?"
"Ay naku, Juan," latang-lata na sa kapapaliwanag ang matanda. "Kug hindi mo Juan itatanim ang buto, hindi ito tutubo. Kung hindi ito tutubo, hindi ito mamumunga, hindi makakakuha ng bulak. Kung walang bulak, walang magagawang sinulid. Kung walang sinulid walang hahabiing tela. Kung walang tela, walang matatabas. Kung walang matatabas, walang matatahi. Kung walang matatahi, walang malalabhan. Kung walang malalabhan, walang mapaplantsa.
Mahabang-mahabang proseso ang pagkakaroon mo ng baro, Juan. Ang pinakamabuti mong gawin ay itanim ang mga buto ngayon din!"
"Bababa ako hindi para magtanim ng lintik na butong iyan. Bababa ako para maglaro!" padabog na tumayo si Juan at mabilis na nagtatakbo sa hagdan.
Sa inasal ni Juan, ibinalibag ng ina ang patpat at bulak sa papanaog na anak at pasigaw na nagwikang, "Sa gubat ka dapat manirahan, batugan!"
Hindi pa man nakatutuntong sa lupa ay nabalutan na ng bulak ang buong katawan ni Juan. Ang patpat ay biglang naging buntot ng walang pitagang bata. Sinasabing sa kaiikot sa masukal na kagubatan at sa madalas na pagkakalublob sa putikan, ang bulak at patpat ay naging itiman. Noon nagsimulang makita sa kapaligiran ang mga unang tsonggo sa kapuluan.