Nasa pagitan ng Laguna at Quezon ang bundok Makiling. Kalakip na ng kulturang Pilipino ang mga kuwentong bumabalot sa bundok na ito. Hindi kumpleto ang bundok Makiling kung ipwepwera si Mariang Makiling sapagkat ang bundok Makiling at si Mariang Makiling ay nagbibigay buhay sa bawat isa.
Sinasabing si Mariang Makiling ay hindi lamang nakikipanirahan sa bundok Makiling. May mga nagpapatunay na ang nabanggit na kabundukan ay kay Mariang Makiling.
Isang misteryo si Mariang Makiling. Ang maraming taong nakakita at nakadaupang palad daw ng dalaga ay nangalilito at hindi na nakababalik pa sa kani-kanilang pinanggalingang tahanan. May mga nagpapatunay na pawang nawawala silang parang bula. Ang mga ilan-ilang sinuswerteng nakauuwi pa ay nagmimistulang estatwa, hindi makapagsalita at nakatulala. Mabibilang mo sa daliri ang ilang pinagbabalikan ng diwa na kapag nagsalaysay na ay lagi nang misteryosang dalaga ang kwento nila. Sapagkat ibat-iba ang salaysay, ang mga kwentong nagkakaugnay ang pinaniniwalaan larnang na may patotoo at pagpapatunay.
Ang mga pinagtagni-tagning kwento ay nagsasaad na si Mariang Makiling daw ay nakatira sa isang nagliliwanag na kaharian na napapalibutan ng mga puno at halamang kung hindi hitik ng bunga ay marangya namang pinamumulaklakan ng mga petalyang kulay dilaw, pula o lila.
May ilan ding nagpapabulaan sa kwento na nagsasabing kitang-kita ng kanilang mga mata na sa isang dampa lamang na nabububungan ng pinagtagpi-tagping sawali nakatira si Maria. Na ang dalaga ay nagbabayo ng palay, namimitas ng mga gulay at nanunungkit ng mga prutas araw-araw.
May naniniwala sa una. Mayroon din sa ikalawa. Pero may nagbibigay diin na si Maria sapagkat may iba-ibang katauhang misteryosa ay maaaring mabuhay na isang diwata o isang mortal na dalaga.
May isang katulong na nagpapatunay na isang umaga ay nakita niya si Maria na pumasok sa isang talahibang malapit sa paanan ng kabundukan. Takang-taka siya sapagkat parang manipis na hangin lang itong inihip kaya di man lang nahawi ang mga nadaanang halaman. Nang magbalik ay dala na ni Maria ang isang bungkos ng mga puting bulaklak ng talahiban na masaya niyang ipinanhik sa kabundukan. Nagtataka ang nakasaksi sapagkat parang nakaangat sa lupa ang mga paa ng dalaga. Sa pakiwari niya si Maria ay isa ngang ada.
May ilang namamasyal sa kabundukan na nagpapatunay namang kitang-kita nila si Maria na umuupo sa matatarik na gilid ng bundok. Iwinawasiwas niya ang mahabang buhok na sa kaalinsanganan ng hapon ay naghahatid ng mabining hanging nagpapalamig sa kapaligiran at nagpapasaya sa mga hayop sa kabundukan. Kung ganda ang pag-uusapan wala na raw tatalo sa kariktan ni Maria. Siya ay may balingkinitang pangangatawan, mabibilog na mga mata, maninipis na mga labi at malamyos na tinig ng isang mortal na dalaga at misteryosang Engkantada.
Karaniwang nakikita siyang namamasyal sa paligid ng kabundukan kung umagang kasisikat pa lang ng araw. May nagsasabing matapos makapananghalian ay umuupo ang ada sa mga tipak ng bato habang pinanunuod ang marahang agos ng ilog. May ilang nagpapatunay na kung gabing maalinsangan at natutulog na ang lahat ay naglulunoy daw si Maria sa malamig na bukal.
Usap-usapan ng lahat ang magandang alpa na tinutugtog ni Maria kung kabilugan ang buwan. Ang sinumang nakaririnig nito at nagbabakasakaling maghanap ay nangalilito raw. Sa halip na matunton ang kinaroroonan ni Maria ay napapalayo pa ito sa kaakit-akit na Engkantada.
Lubhang matulungin si Mariang Makiling. May ilang nagsasabing nag-aanyong magbubukid daw si Maria na nagmumudmod daw ng luya sa lalong pinakamahirap na magsasaka. Kataka-takang ang mga nabanggit na luya ay nagiging ginto raw kapag naiuwi mo na.
Bukas ang mga palad ni Maria sa mga karaniwang mamamayang naninirahan sa paligid ng kabundukan. Kapag may bininyagan, kinasal o namatayan ay pinahihiram ni Maria ng mga nakatagong kasuotan at kasangkapan. Ang mga mag-anak na tinutulungan ay inoobliga niyang maghandog ng isang dumalagang manok bilang kabayaran.
May nagpapatunay na mahirap kalabanin si Mariang Makiling. Minsang papalubog na ang araw ay may nangahas mamaril ng mga baboy-damo sa paanan ng bundok. Kahit binawalan na ni Maria ay sumige pa rin sila. Hinabol nila nang hinabol ang isang baboy-damo hanggang sa makaakyat sa bundok. Nagalit si Maria sa kapangahasan. Nang dumidilim na ay takang-taka sila sapagkat ang baboy-damo na hinahabol nila na sumuot sa mga kasukalan ay lumabas kasama ang isang kumpol pa na baboy-damong nanghahaba ang mga pangil at mapupula ang mga mata. Natakot sila sa laki ng mga hayop na papalapit sa kanila. Ang higit na matapang na manunudla ay nakapagpaputok pa pero ang naduwag ay nagtatakbo na. Maya-maya lang ay nadinig sa kabundukan ang napakalakas na hiyaw ng pagmamakaawa ng pobreng kaluluwa. Naswertehan ng naduwag na makababa kaagad ng bundok. Narating kaagad nito ang bayan na takot na takot na humihingal. Kinaumagahan ay pinagkaguluhan ang bangkay ng matapang na mangangaso. Hindi na nakilala ang tunay na anyo nito. Nagbulung-bulungan ang lahat na kinalaban daw siguro ng mangangaso ang kapangyarihan ng Engkantada ng Kabundukan. Naniniwala sila na sa alinmang labanan, tiyak ang pagwawagi ni Mariang Makiling na Diyosa ng Katarungan.
Kung noong unang panahon ay nagbabalatkayo si Mariang Makiling upang tumulong sa mga magsasaka, ngayon ay hindi na napagkikita ang Engkantada at ang pagtulong ay nahinto na.
Hindi raw kasi nagsasauli ng kagamitan ang marami sa kaniyang pinahihiram. Marami daw ang hindi nagbibigay ng dumalagang manok na dapat ay handog. At napakarami na raw ngayong nagiging pangahas na gustong galugarin upang maangkin ang kabundukan.
Ito ang pinagmulan ng alamat ni Mariang Makiling.