Alamat ni Marilag, Reyna ng Makulot

Aug Makulot ay mataas na bundok na ang dahilig mula sa ibaba hanggang itaas ay panay na gubat. Ang mga punongkahoy ay matitipuno at matatayog. Ang bundok ay nababalot ng mga munting halamang maliliit ang dahong kulot na kulot.

Ang kagubatan ay sakop ni Marilag, ang Reyna ng Makulot. Siya'y mahiwaga at isang engkantada. Siya'y may sa-taga-bulag, hindi makita at kung minsan nama'y katulad din ng pangkaraniwang nilalang na nakikita ng balana sa lahat ng pagkakataon.

Tirahan niya'y bahay-kubo subalit may nagsasabing may nakakita sa kanya sa loob ng palasyo. Siya'y walang pinag-ibahan sa dalagang-bukid. Kung minsan nama'y isang maharlika. Hindi siya tumatanda at laging sariwa.

Siya'y mahinhin,matangkad at balangkinitan ang katawan. Siya'y kayumangging-kaligatan, sabi nga ng mga makata. Maitim ang kanyang mata, mahaba ang buhok na nakalugay na sing-itim ng hatinggabi.

Si Marilag ay mabait. Malimit niyang patuluyin ang mga naliligaw sa gubat sa pangangaso lalo't ang mga ito ay inaabot ng bagyo. Kanyang tinutulungan ang matatandang babaing nag-aani ng palay sa bukid. Kanyang binibigyan ng mga pirasong gintong kanyang isinisingit sa pugong na palay na kanilang bahagi sa pag-aani.

May kuwentong nagsasabing may isang baguntaong pinatuloy niya sa disoras ng gabi gayong batid niyang ito ang mangangasong pumatay sa kanyang paboritong usa. Sa halip na parusahan, bagkus pa ngang binigyan ng mga luya na ipinagkaloob sa kanyang asawa. Ang mga luya ay lantay na ginto.

May kuwento tungkol kay Marilag:

Katanghaliang pipitik. Si Datu Marahas ay nangangaso sa gubat. Dahil sa kanyang pagtugis sa isang baboy-ramo, napahiwalay siya sa mga kasamahan. Siya'y pagod na pagod at nauuhaw. Natanaw niya ang bahay-kubo ni Marilag. Nagpunta siya roon.

Kumatok sa pinto, "Magandang tanghali po!"

"Pasok kayo, Magtuloy ka sa aking maralitang tahanan."

"Maaari po bang makiinom? Ako po'y uhaw na uhaw!"

"Maupo kayo. Ikukuha ko kayo ng tubig sa paminggalan,"at siya'y lumabas.

Pinagala ng Datu ang kanyang paningin sa di kalakihang silid.

Ang mabining salpok ng amihan ang kanyang nadama. Siya'y naginhawahan.

"Ito po ang tabo. Uminom kayo!"

"Salamat!"

"Sa taglay ninyong kasuotan ay mahihinuha kong kayo'y mula sa dugong mahal!"

"Ako'y si Datu Marahas. Ako ang Hari ng Masagana."

"Kayo pala'y hari! Palagay ko'y naligaw kayo sa gubat!"

"Oo. Sa paghabol ko sa baboy-ramo, napahiwalay ako sa aking mgakasama."

"Maliinit nga pong naliligaw ang mga mangangaso lalo't wala silang pahintulot mula sa may-ari ng kagubatan!"

"Sino ba ang may-ari ng gubat? Ito'y bahagi ng aking kaharian!" at nanlaki ang mga mata ng Datu.

"Huwag kayong mabahala! Huwag kayong magalit!"

Nabitiwan ni Marilag ang tabong yari sa bao ng niyog. Ito'y nabasag.

"Hindi ako galit," sa banayad na tinig. "Ikaw nga ang galit, katunayan binasag mo ang inuman."

"Nabitiwan ko. Hindi ko sinasadya. Hindi ako galit!"

Dinampot ni Datu Marahas ang tabo. Nang kanyang matangnan, ito'y naging lantay na ginto.

"Akin na po," at ilalagay ito sa banggerahan.

Nagdatingan ang mga kasama ni Datu Marahas. Sila'y nagpaalam na. Umuwi sila sa Masagana.

Nang sumunod na araw si Datu Marahas ay hindi mapalagay sa palasyo. Hindi niya malimot si Marilag. Minsan siya'y nanaginip:

Ipinatawag ng hari ang ministro, "Magpadala ka ng sugo at dalhin dito sa palasyo si Marilag."

"Sino po ba si Marilag?"

"Ang dalagang may-ari ng bahay-kubo na kinakitaan mo sa akin kahapon."

"Opo, kamahalan!"

Ang mga kawal ay nagpunta sa kubo subalit sila ay nagbalik. Wala raw ang babae. Ang naroon ay reyna sa palasyo.

Iniutos ng hari sa ministro, "Ang papuntahin mo ay ang heneral ng hukbo. Ipasabing mismong ako ang may utos na siya'y (si Marilag) pumarito!"

"Opo, kamahalan."

Nagpunta ang heneral subalit nagbalik na di kasama ang kinakaon. Sutil daw. Ang pasabi ay kung sino ang may kailangan ay siyang lumapit!

Ang datu ay naubusan ng pasensiya. "Talagang sutil! Tingnan ko kung hanggang saan ang kanyang pagmamatigas!" ang bulalas ng Datu.

Ang mismong kukuha kay Marilag ay ang Datu. Bago siya umalis ay nagbalatkayo. Ang hari at ministro ay nagpalitan ng kasuotan. Pinintahan nila ang kanilang mukha upang huwag makilala.

Dinatnan ng dalawa si Marilag sa bahay-kubo.

"Ako'y naparito," simula ng ministro, "upang ikaw ay parusahan! Bakit hindi mo ako sundin? Ang utos ko ay batas."

"Mabuting Ministro, hindi ikaw ang Datu. Ang tunay na datu ay iyon!" sabay turo sa Datu na nakabalatkayo.

Ang ministro ay hindi nakapangusap.

"Oo, ako ang Datu," sabi ni Datu Marahas. "Ako ang magpaparusa sa iyo. Ang parusa ko ay gagawin kitang aking reyna!"

"Nagkakamali ka, Kamahalan! Mali ang iyong iniisip!"

"Walang pagkakamali! Handa akong dalhin ka sa palasyo. Kita'y pakakasalan!"

"Maraming salamat! Ang iyong handog ay isang karangalan! Ako ay engkantada. Hindi maaari akong ikasal sa isang mortal na tulad mo!"

Napansin ni Marilag na mapusok ang Datu. Kanyang ipinagwalang-bahala ang sinabi niya at lumalang ng iba't ibang dahilan. "Ikinalulungkot ko. Hindi ko maaaring lisanin ang lunang ito. Ako ay Reyna ng Makulot. Minamahal ko ang kahariang ito at ang aking mga sakop. Ako ang mag-aalok sa iyo. Ikaw ang manatili rito. Turno ko na ikaw ay aking imbitahin. Tayong dalawa ay maglakbay upang makita mo ang kagandahan ng aking kaharian!"

Hindi mapahindian ng datu ang anyaya. "Yayamang ayaw kang sumama sa akin, ako ang sasama sa iyo. Ako'y mananatili rito!" sabi ng Datu.

Itinagubilin ng datu sa ministro, "Ako'y mananatili rito. Titingnan ko ang mga bagay-bagay sa kaharian ni Marilag. Ikaw muna ang mamahala sa ating kaharian samantalang wala ako!"

"Opo, Kamahalan! Kailan kayo magbabalik?"

"Bukas!"

"Kagalang-galang na Ministro, ako ang bahala sa Datu! Maaari mo siyang iwan," sabi ng engkantada.

Umalis ang ministro at ang mga kasama.

Kaagad ay nag-iba ang kapaligiran. Nagsimula ang paglalakbay ng dalawa. Ang mga abay ay ipinagsama ng reyna.

"Ako ay nasisilaw sa liwanag ng iyong lungsod," sabi ng Datu sa Reyna."

"Heto,isuot mo ang salamin," ang alok ng reyna. "Ang buhay sa aking kaharian ay mahabang daloy ng kaligayahan!"

"Bakit hindi tayo sumakay?"

"Wala kaming sasakyan dito. Ang aking mga sakop ay hindi marunong mapagod kahit hindi sumakay."

Nagtaka ang Datu. Napakalinis ng kapaligiran. Mabango ang simoy ng hangin. Simbango ng pinipig!

"Dito'y walang alikabok, langaw at anumang sakit. Ang mga tao rito ay malulusog," paliwanag ni Marilag.

Sila'y naparaan sa isang tindahan. Sabi ng Datu, "Gusto kong bumili ng sigarilyo."

"Walang nagtitinda rito ng sigarilyo. Ang mga tao rito ay hindi naninigarilyo. Sila'y hindi umiinom ng alak. Wala ritong nagsusugal. Wala ritong bisyo!"

"May sabungan?"

"Wala."

Napansin ng Datu na ang mga tindaha'y walang tindera. Mismong ang bumibili ang siyang kumukuha ng sukli sa kahong kinalalagyan ng pera.

"Ang mga tao rito'y tapat. Walang magnanakaw," paliwanag ni Marilag.

Mayroon silang nasalubong na mga bata at langkay ng binata't dalaga. Ang mga ito'y ngumiti at nagmagandang-araw.

"Pumunta tayo sa isang tanggapan ng iyong gobyerno," mungkahi ng Datu.

"Gusto mo ba sa City Hall?"

"Unahin natin ang bilangguan"

"Wala ritong bilangguan. Walang mga salarin! Sa palaisdaan kita dadalhin. Iyan ang imbakan ng yaman ng aking kaharian!"

Tahimik ang Datu. Hindi siya nagsasalita.

"Kung gusto mo, bisitahin natin ang minahan ng ginto. Ang pagmimina ay aming mahalagang hanapbuhay!"

"Bago na! Ang unahin natin ay ang iyong palasyo!"

"Kung siya mong gusto, tayo na!"

Nagpatuloy sila sa paglalakad. May nasalubong silang magbubukid na babae. Sila'y binati.

Ang sagot ng reyna at bati rin, "Kumusta kayo? Mayroon ba akong maipaglilingkod?"

"Mayroon nga po sana, subalit isang paumanhin, masama pong sabihin sa daan. Doon na sa palasyo."

"Hindi bale. Sabihin mo na. Pareho na rin sa akin! Ano ba iyon?"

"Ang aking pong anak na dalaga ay ikakasal. Kayo po ang Ninang!"

"Saan gaganapin? Kailan?"

"Sa Linggo po sa Nayon ng Santa Fe, malapit sa kumbento."

"Magsadya ka sa palasyo. Ipagsama mo ang dalawang ikakasal. Ibibigay ko sa kanila ang damit na pangkasal at mga alahas na gagamitin."

"Opo, Kamahalan. Salamat po."

Nagpatuloy ang Datu at Reyna sa paglalakad. Tila nakaramdam ng gutom ang Datu.

Ang mga abay ng reyna ay nanguha ng mga bungangkahoy sa tabi ng daan. Binigyan ang Datu ng duhat, mangga, santol at siniguelas.

Kumain ang Datu ng ilan. Nang makakain, siya'y nagtanong, "Bakit malalabo at malalaki ang mga bunga? Matatamis at maliliit ang buto!"

"Iya'y bahagi ng hiwaga ng aking kaharian! Magpatuloy tayo sa paglalakad," payo ni Marilag.

Nagpatuloy ng paglalakad. Sa isang iglap, nabalot ang dalawa ng makapal na ulap. Ang mga abay ay nawala! Nang magliwanag, sila'y nasa loob na ng palasyo!"

Pupungat-pungat na nagsalita ang Datu, "Maganda ang palasyo mo! Nasaan ang iyong mga utusan?"

"Wala akong utusan. Hindi ako nag-uutos. Ako ang taga-paglingkod! Pinaglilingkuran ko ang aking mga sakop. Kung gusto mong makita ang kasama ko rito, kumain muna tayo. Ikaw ay gutom na!"

Iwinagayway ni Marilag ang kanyang baston. Kagyat namalas ang malaking hapag na puno ng sarisaring pagkain, iba't-ibang putahe at mga prutas.

"Sige, kumain na tayo!"

Sila'y nagsalo.

Samantalang kumakain ang Datu, siya'y nagtanong, "Ikaw ba'y maligaya sa ganitong anyo? Wala kang utusan?" Walang kasama at kasuyo!"

"Hindi kailangan ang kasama. Sa bawa't sandali kahit anong aking ibigin ay laging handa! Ako'y maligaya sa pag-iisa. Ako'y maligaya sa paglilingkod sa iba sa halip na ako ang paglingkuran!"

"Iba't-ibang hari, iba-iba ang ugali!"

"Sa ganang iyo, kaligayahan mo ang mag-utos sa iba. Ayaw kang maglingkod! Panay kang utos!"

Sinilbihan ni Marilag ang Datu ng iba't-ibang putahe subalit walang inumin.

"Isang bagay ang wala sa iyong handa. Walang alak!"

"Hindi ba sinabi ko sa iyong walang bisyo sa kaharian? Kung ibig mo, paiinumin kitang pukyutan! Pag ikaw ay nakainom, ikaw ay makakatulog, hindi kana magigising!"

Nagpatuloy ang mahal na Reyna. "Dito ang isang buwan ay sintagal ng sandaang taon sa mundong iyong pinagmulan. Dito sa palasyo ako'y may Torong Ginto. Siya ang aking katulong sa pamumudmod ng mga tulong na ipinagkakaloob ko sa aking mga sakop!"

"Gusto ko siyang makita!" amuki ng Datu.

"Maaari, ngunit huwag mong hihipuin. Pag iyong hinipo,may mangyayari! Huwag mo siyang bibiruin!"

"Ako'y nangangako. Hindi ko gagalawin. Ako'y magmamasid lamang!"

Iwinagayway ni Marilag ang kanyang baston. Dagling sumipot ang Torong Ginto!

Sumandaling nasilaw ang Datu sa liwanag. Nakalimot siya sa pangako. Kanyang hinipo ang ulo ng Torong Ginto.

Dahil sa panibugho siya'y nagsalita na parang nang-uuyam, "Iyan ba ang iyong ipinagmamalaki? Walang kuwenta! Mahusay ang isang makapangyarihang Datu na katulad ko kaysa Torong Tanso, Tanso...!"

Si Datu Marahas ay biglang sinakmal ng makapal na ulap. Siya'y siniklot na paitaas, at kinamaya-maya'y bumagsak sa kanyang kama! Siya ay nagising.

Pinahid ng Datu ang kanyang mga mata na tila may kulaba. Wala siyang makita! Nasaan ang Reyna? Ang Reynang kanyang napanaginip?

See also