Alam ng ating mag-aaral ang alamat ni Mariang Makiling. Kung ano ang nangyari sa kanyang anak ay siyang pinakadiwa ng kwentong ito.
Inilarawan sa kuwento ang kadakilaan ng buhay sa bukid. Si. Mario ay huwarang mambubukid sa sipag at pagtitipid.
Si Mario ay namatay sa Tirad Pass. Wala man lang tanda kahit kawayang krus ang puntod ng kanyang libing.
Sa paanan ng Bundok ng Makiling tumitira si Mang Ando at ang kanyang asawang si Aling Angela. Wala silang anak. Sila'y umampon ng isang batang ang ngala'y Mario.
Ang bahay nila ay nakatayo sa magandang lunang nalulukban ng matatayog na punongkahoy. Masaya dahil sa awit ng mga ibon. Kahanga-hanga ang mga tanawin.
Walang suliranin ang pamilya. Sagana ang ani taun-taon sa kanilang palayan. Sila'y maraming hayop na tagaararo ng tumana. Ang looban ay hitik sa mga bungang-kahoy at maraming panggatong sa gubat. Ang mga ito'y ipinagbibili sa pamilihang-bayan.
Sa kabuuan, mariwasa ang kanilang pamumuhay.
Nagbinata si Mario. Siya'y magandang lalaki subalit mahiyain sa gawang pag-ibig. Hindi siya magayuma ng mga naggagandahang dalaga sa nayon.
Si Mang Ando ay nagkasakit at naratay sa banig. Isang umaga, kanyang tinawag ang kanyang asawa at sinabi, "Angela, ito yata'y wakas ko na! Kung ako'y babawian ng buhay..."
Sumabat si Angela, "Huwag mong sabihin iyan! Hindi ka mamamatay! Ikaw ay gagaling, sabi ng herbolaryo. Ikaw ay magdasal! Alam ng Diyos kung ano ang mabuti para iyo!"
"Sa anu't anuman, kahit anong mangyari sa akin, napapanahon nang dapat malaman ni Mario ang lihim... Dapat niyang malaman na tayo ay hindi niya tunay na magulang...!"
"Siya'y dumating na. Tatawagin ko ba? Baka masama sa iyo ang magsalita. Baka ka mapagod! Tila kinakapos ka sa paghinga!"
Hindi pinansin ang sinabi ng asawa. Pumasok sa silid si Mario.
"Mario, dito ka umupo sa aking piling. May sasabihin ako iyo."
"Ano po ang sasabihin ninyo?"
"Huwag kang magdaramdam. Ipangako mo!"
"Ako po'y nangangako!" at pinagbuti ang pagkakaupo.
"Huwag kang mabibigla," ang payo ni Aling Angela.
Si Mang Ando ay nagpatuloy: "Ikaw ay hindi namin tunay na anak. Ikaw ay aming inampon. Ang tunay mong ina ay mayaman. Sa kanya namin minana ang mga tumanang ating sinasaka. Ang mga kahuyan sa gubat ay sa kanya. Maraming mga hayop ang kanyang ipinagkaloob sa amin. Ang mga kalabaw na iyong ginagatasan ay galing sa kanya."
"Nasaan po siya? Siya po ba'y patay na?" tanong ni Mario.
"Siya'y walang kamatayan! Ang buhay niya'y walang hanggan! Siya'y diwatang kabundukan! Siya'y bathalang kagubatan!" sagot ni Mang Ando.
"Siya'y hindi ko nakita! Bakit niya ako iniwan?"
"Makinig ka. Iyan ang ikukuwento ko sa iyo."
Pinaalalahanan ni Aling Angela ang asawa, baka raw mahapo, subalit ayon kay Mang Ando, mabuti raw ang kanyang pakiramdam. Ipinagpatuloy ni Mang Ando ang kuwento:
"Siya ay si Mariang Makiling. Ang mga diwatang tulad niya ay pinagbabawalang umibig sa karaniwang nilalang. Siya'y umibig sa isang baguntaong magbubukid. Kanyang sinuway ang babala ng kanyang diyos at bathala!"
"Ang tatay po, saan naroon?" tanong ni Mario.
Si Aling Angela ang sumagot, "Ayon sa iyong ina siya'y sumama sa Himagsikan!"
At dinugtungan ni Mang Ando, "Iniwan ng iyong ina ang kanyang sanggol sa amin. Ikaw ang sanggol sa iyon!" dinalahit ng ubo ngunit nagpatuloy matapos ang ilang saglit. "Kami'y pinapangakong ikaw ay aming aalagaan. Sabi pa'y paglaki mo, ay pagbawalan kang umibig sa paraluman. Sa halip, ang mahalin ay ang mga dukha, ang mga kulang-palad at naaapi! Dapat ka raw mahilig sa pagkakawanggawa."
Nagpaliwanag si Aling Angela, "Dahil nga diyan kaya iyong ginagatasan ang mga kalabaw. Bilin ng iyong ina'y irasyon ang gatas sa bayan. Ang mga inang maralitang nagpapasuso ng sanggol ay huwag na raw pabayarin. Sinusunod namin ang kanyang bilin."
"Saan kaya siya naroon ngayon?" tanong ni Mario.
"Ang iyong ina'y laging bata at sariwa! Ganyan ang mga diwata-hindi sila namamatay!"
Hindi pa halos nasasabi ni Aling Angela ang salitang namamatay si Mang Ando ay huminga nang malalim, hinigit ang balikat at lumungangi! Siya'y napatiran ng hininga! Sina Aling Angela at Mario ay humagulgol ng iyak!
Mula noon lalong tumibay ang pagnanasa ni Mario na ilaan ang buhay sa pagbubungkal ng lupa. Ang katwiran niya'y magbubukid ang nagpapakain sa bansa. Kung wala sila ang mga tao'y magugutorn. Ang kanyang kalabaw ay lagi niyang kapiling sa pag-aararo hanggang sa lumubog ang araw.
Kinabukasan, siya'y nag-ararong muli. Maaga siyang nakatapos. Inakyat niya ang kalapit na bundok upang maglibang. Pinanood niya ang magagandang tanawin. Nakita niya ang mga lunting pastulan at taniman sa kapatagan sa malayong tanaw. Nang siya'y bumaba at umuwi lulad ng isang nangangarap, naitanong niya sa mga ibong umaawit sa mga duklay ng sanga ng kahoy, "Saan ko matatagpuan ang aking ina?"
Siya'y sinagot ngunit hindi niya mawatasan ang kanilang salita.
Isang araw naitanong ni Mario kay Aling Angela, "Tunay nga po bang namatay sa pakikihamok sa digma ang aking ama?"
"May nakapagsabi sa kanyang kasamahan na siya'y maluwalhating nagbuwis ng buhay sa labanan sa Kakarong!"
"Mula noon hindi na nagpakita ang iyong ina," pagtatapos ni Aling Angela.
Si Mario'y nagtanong, "Paano ko makikita ang libingan ni Ama?"
Patuloy at patuloy ang pagrarasyon ni Mario ng gatas sa bayan.
Maalinsangan noon ang hapon. Katatapos niyang maggahok sa maisan. Siya'y nagpahinga sa lilim ng mangga. Naghanap siya ng mababasa subalit walang makita. Siya'y humiling sa puno ng mangga. Masarap ang mabining salpok ng amihan! Hang saglit pa, siya'y tulog na!
Walang anu-ano'y dumating si Maria. Siya'y dumaan sa itaas ng mga uhay ng palay. Ang diwata ay dumarating kahit anong sandali!
Marahang dinampian ng halik sa noo si Mario. Ito ay nagising.
"Huwag kang magigitla. Ako ang iyong ina! Ako si Mariang Makiling!"
"Ikaw si Ina?"
"Ako nga! Gusto kong kausapin ka. Alam kong ako'y iyong hinahanap!"
"Bakit ngayon lamang ninyo ako binisita?"
"Mayroon akong sasabihin sa iyo. May pagkakamaling dapat kong ituwid!"
"Tunay nga bang ako'y inyong pinagbawalang umibig?"
"Ang akala ko, ikaw ay katulad ko, isang diwata o mala-bathala na hindi maaaring pakasal sa isang mortal. Subalit napag-alaman kong tulad ng iyong ama, ikaw ay mortal (isang nilalang). Ikaw ay maaaring makipag-isang dibdib sa isang mortal na tulad mo!"
"Marami pong salamat! Nauunawaan ko!"
"Ikaw ba'y may kasintahan na?"
"Opo. Mayroon!"
"Sino?"
"Siya po'y isang dalagang-bukid. Tubo sa nayon ngunit naninirahan sa bayan."
"Maganda ba?"
"Si Pina po ay singgandang aking na! Siya'y malambing at malamig angtinig!"
Ang ina ay tumawa at tuloy ang yakap sa anak. Mayamaya pa'y nawala si Maria na parang bula.
Sina Mario at Pina ay ikinasal sa kapilya ng nayon. Walang gasinong handaan. Sila'y naniniwala sa payak na pamumuhay. Gusto nila'y maging huwaran ng mga taong bayan.
Sila'y tumira sa bayan bagaman si Mario'y lumalabas sa bukid upang alagaan ang taniman.
Si Aling Angela ay binawian ng buhay.
Sa paglipas ng mga araw lalong dumami ang taniman na sinasaka niMario. Siya'y yumaman lalong ng sipag at pagtitipid. Siya'y naging huwarang magbubukid sa Pinaglabanan.
Si Commodore Dewey ay dumaong sa Look ng Maynila. Ang bagwis ng Agila (sumasagisag sa Amerika) ay pumailanglang sa papawirin ng Pilipinas. Ang Amerika raw ay naparito bilang ating kaibigan. Tayo ay tuturuan sa pagsasarili. Ayon naman sa ibang hindi naniniwala, sila raw ay ating bagong panginoon. Tulad din ng Espanya, tayo'y aalipinin!
Muling napalarangan ang ating mga kawal upang ipaglaban ang ating kasarinlan!
Huwag mong damdamin ang aking pag-alis," ang sabi ni Mario kay Pi na sa kanyang pamamaalam.
"Bakit?" Ako ba'y iyong iiwanan? Ako'y nag-iisa!"
"Tinutugon ko ang tawag ng bayan. Lalabas ako sa larangan ng digma upang ipagtanggol ang ating kasarinlan! Ang mga babae at mga bata na lamang ang natitira sa ating nayon. Nakikidigma ang lahat ng kalalakihan!"
"Gusto kong ikaw ay nasa aking piling! Maaaring ikaw ay maging bayani sa ibang paraan! Ikaw'y manatili rito. Magtanim ka. Ikaw ang mag-ani ng palay at ibang pagkain para sa ating mga kawal!"
"Tama, ngunit..."
"Ikaw ba'y mapaparusahan kung hindi ka sumama sa pakikilaban?"
"Ang Tatang ay nasawi sa digmaan. Kung ano ang ama ay siyang anak! Nasa aming dugo ang pag-aalay ng buhay alang-alang sa kalayaan"
"Kung ikaw ay mamatay!"
"Hindi ako mamamatay! Ako'y babalik!"
"Nakabalik ba ang iyong ama? Ano ang kasasapitan ng aking sanggol? Ako'y maglalagsang... Ako'y nag-iisa...!"
"Si Tiya Isang ay darating ngayon. Pinakiusapan kong samahan ka samantalang ako'y wala na!"
"Nakatitiyak kang siya'y darating?"
"Tiyak!"
"Sabihin mo. Ako'y nakikinig."
"Ano ang ipangangalan ko sa ating panganay?"
"Mario Jr. Kung lalaki."
"Kung babae?"
"Maria, kuha sa kanyang Lola, si Mariang Makiling!"
"Kami'y iyong iiwan! Ano ang gagawin ko upang magbago ka ngisip?"
"Marunong ang Diyos! Manalig ka sa kanya! Tayo'y Kanyang kakasihan!" Hinagkan si Pina, tuloy alis.
Araw-araw nananalangin si Pina sa harap ng altar," Panginoon, pabalikin mo sa akin si Mario! Sana'y may tanggapin akong mabuting balita!"
Isang araw siya'y tumanggap ng balitang si Mario ay isa sa mga napiling kawal na kasama ni del Pilar na hahadlang sa mga Amerikanong sumusugod kay Aguinaldo sa pagtipas papuntang Palanan.
Kung ano ang nangyari sa magigiting na kawal ni del Pilar, iya'y maluwalhating kabanata sa kasaysayan ng Pilipinas!
Kung magtatakip-silim sa isa sa malalim na yungib ng Tirad Pass, ang mga nagdaraan doon ay may naririnig, kasaliw ng kaluskos ng mga dahon ng kakahuyan na tila baga isang himutok, isang daing, "Pina, aking mahal; Maria, munti kong anghel, halikayo! Ako'y naririni!" Ang basag na tinig ay kay Mario, nagmumula sa ulilang libing!