Bihira sa mga tao ang walang adhika, lunggati o pangarap. Pag wala nito hindi uunlad ang kabihasnan. Subal it sa magandang samahan at batas ng langit, isang kabaliwan ang paghahangad nang labis. Ang lahat ng lumalampas sa guhit ay dapat kalusin ng baras ng matuwid.
Hindi kayang supilin ng karalitaan ang matayog na pangarap ni Maria. Matindi ang kanyang pananalig na makakamtan niya ang kariwasaang minimithi. Kundangang siya'y ipinanganak na mahirap. Sana'y hindi niya kinainggitan ang mga bulaklak na sinusuyo ng paruparo. Sana'y hindi siya nanaghili sa mga dahong ipinaghehele ng masuyong paspas ng amihan.
Sinisi ni Maria ang kanyang mga magulang kung bakit pa siya isinilang. Sinisi niya ang Diyos sa pagkakaloob sa kanya ng buhay. Kinasuklaman niya ang buong nayon ng Sunog-Apog na kanyang sinilangan.
Isang gabi, sa laot ng kanyang paninimdim, kanyang nasambit na parang hamon, "Ihahandog ko ang aking puso't kaluluwa sa sinumang nilikha o kapangyarihang makapagdudulot sa akin ng mga hangarin ko sa buhay!" At pasalampak na humiga sa munting papag at ilang sandali pa'y nakatulog.
Brooommm...! Dumagundong sa kalawakan ang nakabibinging kulog. Lumakas ang pagaspas ng hangin at namatay ang munting ilawan sa loob ng silid. Sa pagtulog ng dalaga'y waring narinig niya ang isang mahiwagang tinig, "Maria, tungkol sa iyong panambitan, tutulungan kita! Tutulungan kita! Tutulungan kita!..."
Gayon na lamang ang pagtataka ni Maria nang magising siya khiauniagahan. Sa gitna ng kanyang dampa ay may isang malaking kahon. Sa ibabaw nito'y maliwanag na nakasulat ang "Para sa iyo, Maria" Walang sinayang na sandali ang dalaga! Binuksan ang kahon. Tumambad sa kanyang paningin ang mga bungkos ng salapi at salansan ngmamahalingmgahiyas! "Mayaman na ako ngayon...!" bulalas ni Maria. "Sa wakas ay kuyom ng aking palad ang buong daigdig...!"
Nilisan ni Maria ang dukhang nayon ng Sunod-Apog. Ang karangyaan ay balaning humigop sa kanyang katauhan. Ganap niyang nilimot ang maralitang nayong sinilangan. Maligayang-maligaya si Maria!
Nagdaos si Maria ng isang maharlikang piging sa kanyang malapalasyong tahanan. Dumalo ang mga piling panauhin. Halos walang tigil ang tugtugan at sayawan. Walang anu-ano'y biglang kumulog! Isang mahiwagang panauhin ang dumating. Siya'y nakatuksedong itim. Lumapit kay Maria ang mahiwagang panauhin at sila'y nagsayaw. Bagay na bagay ang magkaparcha. Sa kanila natuon ang pagtingin ng lahat. Maraming ulit silang nagsayaw sa gitna ng kasiyahan ng dalaga.
"Pagkatapos ng huling tugtog, isasama kita, Maria, sa aking pag-alis," bulong ng mahiwagang lalaki.
Napapitlag ang dalaga. Paano siya makakasama sa isang hindi pa niya kilala? Subalit ang tinig na iyon ay dati na niyang narinig!
"Oras na, Maria, halina..." at biglang pinangko ang dalaga.
"Huwag...! Huwag, Ginoo...!" malakas napalahaw ni Maria. Biglang nagulo ang kasayahan. Tinangkang iligtas ang dalaga ng kalalakihan subalit sa isang tabig lamang ng mahiwagang lalaki ay sabay-sabay bumarandal sa dingding! Pambihira ang lakas na taglay ng lalaking iyon. Papalabas na ng bulwagan ang mahiwagang lalaking pangko si Maria, nang sa darating ang isa pang panauhing nakasisilaw na puti ang kasuotan.
"Bitiwan mo ang babaing iyan!" makapangyarihang utos ng bagong dating
"At sino kang nag-uutos sa akin?" ang sagot-tanong ng nakatuksedong itim.
"Lucifer, pagmasdan mo ang espadang ito ng kabanalan!"
"Huwag, huwag, Miguel! Nasisilaw ako!" at nabitiwan niya si Maria.
Brooommm...! Biglang nawala ang hari ng karimlan!
Hinarap ni Miguel Arkanghel si Maria at pinagsabihan, "Ikaw, babaing talipandas! Higit na makabubuti sa iyo ang gawin kitang isang ibon kaysa mapasa impiyerno ang iyong kaluluwa!" at biglang nawala ang butihing alagad ng kaligtasan.
Unti-unting nagbago ang anyo ni Maria. Siya ay naging munting ibon. Pinagalaw ang katawan at pinalindi-lindi ang kilos. Mula noon ay ating makikita ang ibong ito na iindak-indak at sasayaw-sayaw sa mga sanga ng kahoy habang umaawit ng:
Ako'y si Maria Kapra
Isang ibong nagdurusa
Isinanla ang kalul'wa
Nang sa ginto'y guminhawa!