Ang mag-asawang hari at reyna sa pampang ng kilalang lawa ng Buhi ay nagtayo ng isang magandang palasyong kinaiinggitan ng ibang hari. Ang reyna ay mahal nghari kaya anunian ang mahiling nito ay pilit na sinusunod.
Pagkaraan ng ilang panahon ng kanilang matamis na pagsasama ay naglihi ang reyna. Kung anu-anong pagkain ang hiniling at idinulot naman ng hari, subalit pagkaharap ay ipinalalayo sapagkat hindi niya maibigan. Sa gayon nang gayon ay nangayayat ang reyna at nagkasakit. Ang hari ay halos mabaliw. Inutusan ang lahat na kumuha ng lahat ng uring pagkain at mga bungangkahoy. Ang utos ay tinupad ng mga kawal at ng buong kaharian upang baka sakaling magustuhan ng maysakit.
Napangiti ang reyna nang makita ang bunton ng suhang naninilaw angbalat. Nagpatalop ang hari. Nang mabuksan, nakita ng reyna ang mga butil ng suha. Siya'y nataka ma't kumain. Nasarapan siya sa katas nito.
Gumaling ang reyna at nasiyahan ang hari. Umasa ang hari na bukas-makalawa ay magkakaroon din ng tagapagmana.
Isang gabi ay lumakas ang ulan at hangin. May kidlat at kulog. Lumaki ang tubig at sinundan pa ng malalakas na lindol. Gayon na lamang ang takot ng mga tao. Ilang araw ding masungit ang panahon. Umapaw ang tubig sa palagid ng palasyo. Akala nila'y delubyo na.
Nang tumigil ang bagyo, ang mga tao ay nagtaka nang gayon na lamang nang makita nila na ang Lawang Buhi ay punung-puno ng maliliit na isda na noon lamang nila nakita sa tanang buhay nila. Ipinagbigay-alam sa mag-asawang hari at reyna ang kanilang nakita.
"Natatandaan ninyo," ang sabi ng hari na natatawa, "noong mga nagdaang buwan, bago pa bumagyo at lumindol, ay inutusan ko ang lahat ng kawal upang maghanap ng pagkain at bungangkahoy para sa aking asawa?"
"Totoo po," ang sagot ng mga tao. "Hindi po lamang ang mga kawal ang naghanap kundi buong bayan. Nalalaman naming naglilihi ang Kamahal-mahalang Reyna."
"Puwes," ang nakangiting sabi ng hari, "isa sa mga bungangkahoy na nagustuhan ng reyna ay suha. Kinain niya ito, sinipsip ang masarap at matamis na katas at ang sapal ay dito sa lawa na ito itinapon. Nang bumaha at lumindol ay walang salang nagbinhi ang mga sapal ng suha. Iyan ang dahilan kung bakit sumingaw ang napakaliit na isdang ito. Masdan ninyo," ang sabi ng hari. "Suriin ninyo ng mabuti at makikitang ang maliit na katawan ng isda ay kahugis ng butil ng suha."
Mula noon ang maliit na isdang nagbuhat sa sapal ng suha ay nakilala sa tawag na "sinarapan" na ngayon ay naglipana sa lawa ng Buhi, Camarines Sur.