Noong unang panahon, sa Lalawigang Bulubundukin ay may isang mabait at masipag na dalagang ulila na sa ama't ina. Siya ay si Sanggumay. Pagtatanim ang kanyang ikinabubuhay.
Maraming katutubo ang pumupunta kay Sanggumay upang humingi ng bunga ng mga tanim niyang halaman. Binibigyan naman niya ang lahat ng humihingi sa kanya ng mga gulay at prutas.
Sa kabila ng kabaitan ni Sanggumay ay wala man lamang siyang kaibigan. Wala ring binatang nanliligaw sa kanya. Ang dahilan ay ang kanyang balat na magaspang na tulad ng balat ng punongkahoy. Dahil dito, malungkot ang dalaga. Naisipan niyang manirahan na lamang sa ibang pook.
Nagtungo si Sanggumay sa kalapit na bundok at doon naman nanirahan. Ngunit hindi rin naging maligaya ang dalaga. Wala siyang ikinabubuhay sa lupang iyon kaya madalas na wala siyang makain. Naisip niyang tumira sa isa pang panig ng bundok. Dito niya natagpuan ang hinahanap na kaligayahan. Naging maligaya siya sa pakikipaglaro sa mga ibon, mga hayop, at mga bulaklak. Hindi napapansin ng mga bago niyang kaibigan ang pangit niyang balat.
Sa kabila ng kaligayahan at katahimikan sa piling ng mga itinuturing niyang kaibigan, may kakulangang nadarama si Sanggumay. Sa puso niya ay hinahanap pa rin niya ang pagmamahal ng kanyang kapwa-tao. Sa ganitong pagkakataon, labis ang kalungkutang nadarama ng dalaga.
Isang hapon, matapos mapagod ang dalaga sa pakikipaglaro sa maliliit na hayop, magpahinga siya sa tabi ng isang punungkahoy. Noon niya nakitang mabuti ang pagkakatulad ng balat niya at ng balat ng puno. May naramdaman siyang kaligayahan. Naisip niyang ang mga punungkahoy ay malapit sa mga tao. At ito'y pinakikinabangan ng marami.
Dahil sa matagal nang gustong mapalapit ni Sanggumay sa puso ng mga tao, nagdasal siya. Hiniling niya sa Diyos na sana'y maging isang punongkahoy rin siya. Sa gayon, lalo siyang makapaglilingkod sa mga tao at hindi na makikita ang kanyang kapintasan.
Isang himala! Noon din ay biglang inantok ang dalaga at nakatulog sa tabi ng punongkahoy. Nakangiti ang dalaga habang natutulog. At kasabay noon, biglang bumuhos ang malakas na ulan.
Kinabukasan, si Sanggumay ay wala na sa kinaroroonang tabi ng punongkahoy. Sa pook na iyon, may tumubong isang magandang punongkahoy na ang balat ay magaspang at ang mga dahon ay pinong parang buhok.
Ang punongkahoy na iyon ay mabilis na lumaki at nang magtagal ay namunga nang marami. Nang bumuka ang mga bunga, nalaglag ang mga buto sa pagaspas lamang ng hangin. Tumubo ito sa lupa at naging panibagong puno.
Sa pagdaraan ng panahon, dumami nang dumami ang nasabing punongkahoy sa bundok na iyon. Nang magtagal, ito ay nakilala na sa pangalang puno ng pino o pine tree.
Ipinagkaloob ng Diyos ang hiniling ng mabait na si Sanggumay. Siya'y naging punongkahoy na dumami at pinakinabangan ng mga tao.