Noong unang panahon, may mag-asawang naninirahan sa isang kubo sa paanan ng isang bundok. Ang mag-asawa'y walang anak kaya't humiling sila sa Diyos na biyayaan sila ng isang anak. Dininig ng Diyos ang taimtim na panalangin ng mag-asawa. Sumibol sa sinapupunan ng babae ang pintig ng buhay. Gayon na lamang ang kaligayahan ng mag-asawa nang sumilang sa sangmaliwanag ang isang pagkaganda-gandang sanggol na babae. Ang bata'y pinangalanan nilang Rosa.
Si Rosa'y maayos na pinalaki ng kanyang mga magulang. Hinubog siya sa magagandang ugali, mabubuting gawa, at pag-ibig sa Diyos. Dahil dito, lumaki siyang napakabait at madasalin. Sa taglay niyang kabaitan ay naging kaibigan niya ang lahat, pati na ang mga ibon at mga punungkahoy sa bundok. Si Rosa'y lubhang matulungin sa sinumang nangangailangan ng tulong. Kapag may nakita siyang hayop na nasugatan o ibong nabalian ng pakpak ay agad niya itong ginagamot.
Maraming binatang nabighani sa kagandahan ng dalaga. Ngunit ang puso ni Rosa ay hindi tumugon sa kaway ng pag-ibig, kaya't maraming mangingibig niya ang nabigo. Ang pag-ibig niya ay nakalaan lamang una ay sa Diyos, at ang pangalawa'y sa kanyang mga magulang. Maligaya siya sa piling ng kanyang ama't ina.
Isang umaga'y sumapit sa kanyang buhay ang isang di-inaasahang pangyayari. Namimitas ng gulay si Rosa sa kanilang bukid nang makakita siya ng isang munting ibon na nabalian ng pakpak. Ang ibon ay sinusugod ng isang mabangis na baboy-ramo. Mabilis na lumapit si Rosa upang iligtas ang ibon, ngunit sa kasamaang-palad ay siya ang sinalakay ng hayop. Sa halip na ang sarili ang ihingi ng awa upang makaligtas ay ipinanalangin niya ang kaligtasan ng munting ibon.
Isang himala ng langit ang naganap. Ang ibong bali ang pakpak ay nakalipad, ngunit si Rosa'y hindi nakaligtas sa kamatayan. Bago nalagutan ng hininga ang dalaga ay nakarinig siya ng tinig na waring nanggaling sa kalangitan. "Pagpapalain ka ng langit dahil sa iyong kabutihan. Magiging ligaya ka rin ng mga tao kahit pumanaw ka na sa daigdig."
Hindi nagtagal, sa pook na kinalugmukan ni Rosa na nadilig ng dugo ay may tumubong halaman. Ito ay namulaklak nang napakaganda at napakabango. Ang bulaklak ay tinawag ng mga tao na bulaklak ng rosas bilang pag-alaala sa mabait at magandang si Rosa.